TL;DR
Ang mga non-fungible token (NFT) ay mga natatanging crypto asset na karaniwang ginagamit para kumatawan sa mga crypto art at digital collectible. Ang pagsikat ng mga NFT ay lumikha ng scarcity para sa mga digital object at nagbigay ng napakalaking halaga para sa mga creator at namumuhunan.
Sa artikulong ito, titingnan natin ang ilan sa mga pinakamahal na NFT na naibenta hanggang sa kasalukuyan, gaya ng Everydays: The First 5000 Days ($69.3 milyon) ni Beeple at ilang CryptoPunk na namayani sa listahan na may mga napakamahal na presyo.
Malaki ang inilago ng mga NFT noong 2021, kung kailan libo-libong namumuhunan ang nagkagulo sa pangongolekta ng mga digital art sa iba't ibang anyo. Lumikha pa nga ng mga record-breaking na presyo ang ilang bentahan ng NFT. Ano ang mga NFT, at bakit may halaga ang mga ito?
Ang
non-fungible token (NFT) ay isang token na iniisyu sa isang blockchain para kumatawan sa isang natatanging asset, na puwedeng isang dokumento, piyesa ng sining, musika, o kahit real estate. Hindi
fungible ang isang NFT dahil bawat isa ay isang natatanging digital asset na may natatanging identifier.
Kahit na magkamukhang-magkamukha ang dalawang NFT, hindi maipagpapalit ang mga ito sa isa't isa. Kaya bagama't ang isang bitcoin ay katumbas at puwedeng i-trade sa isa pang bitcoin, ang NFT naman ay hindi. Kaya ginagamit ang teknolohiya ng NFT para bumuo ng patunay ng pagiging tunay at pagmamay-ari sa blockchain. Ang mga NFT ay puwedeng mga buong digital asset gaya ng mga item sa play-to-earn gaming at
lupa sa metaverse o mga tokenized na bersyon ng mga asset sa totoong buhay.
Ang halaga ng isang NFT ay tinutukoy ng supply at demand sa merkado. Karaniwang mas madaling magsuri ng NFT kapag ginawa ito bilang representasyon ng isang pisikal na asset. Puwede nasa chain lang ang karamihan ng mga NFT, sa digital na mundo.
May ibang supply ang bawat koleksyon ng NFT, at puwedeng magkaroon ng ibang rarity ang bawat unit ng NFT. Pero may ilan pang ibang salik na puwedeng tumukoy kung magkano ang halaga ng isang NFT. Halimbawa, malamang na mas malaki ang halaga ng mga limited series na NFT na may mga partikular na gamit. Puwede ring makaapekto sa demand para sa mga NFT ang nagtatag na team, kasama na ang mga artist at ang komunidad.
Sa madaling salita, puwedeng nauugnay ang halaga ng isang NFT sa kung sino ang gumawa nito, sa halaga nito sa mga play-to-earn na laro, o sa sentimyento lang ng komunidad at merkado. Maraming kaso ng mga matagumpay na proyekto ng NFT, pero mas marami pang pumalya. Siguraduhing mag-
DYOR bago ka mag-trade o mamuhunan sa mga NFT at huwag gumamit ng perang hindi mo kayang mawala sa iyo.
Tingnan natin ang ilan sa mga pinakamahal na NFT na naibenta hanggang Mayo 2022. Nakabatay sa oras ng bentahan ang mga presyong binanggit sa ibaba.
Ang
Everydays: The First 5000 Days ay isang digital artwork ng American graphic designer na si Mike Winkelmann, na mas kilala bilang Beeple. Naibenta ang NFT na ito sa halagang $69.3 milyon noong Pebrero 2021, na binili ng namumuhunan sa NFT na si Metakovan sa isang bentahan sa auction sa Christie’s.
Ang NFT ay isang collage ng 5,000 na naunang obra ni Beeple. Simula 2007, nagsimulang mag-upload si Beeple ng bagong larawan sa kanyang Instagram feed araw-araw nang 13 taon. Ang mga “everyday” na art piece niya ay kadalasang nasa mga post-apocalyptic na kapaligiran, at karaniwang may kinalaman ang mga ito sa mga kasalukuyang balita o pop culture. Puwedeng ituring ang NFT collage na ito bilang representasyon ng paghusay ni Beeple bilang isang digital artist.
Ipinapakita ng
Clock ang isang dynamic na timer na nagbibilang ng mga araw na ginugol ni Julian Assange, ang nagtatag ng WikiLeaks, sa bilangguan. Sangkot si Assange sa isang napakakontrobersyal na kaso. Nahaharap siya sa ekstradisyon mula sa Britain papunta sa US dahil sa maraming demanda ng pag-eespiya at hanggang 175 taon sa likod ng rehas.
Na-curate ang NFT ng digital artist na si Pak at ni Assange mismo para masuportahan ang kanyang mga legal na bayarin. Na-auction ito sa halagang 16,953 ETH noong Pebrero 2022 sa AssangeDAO, isang
decentralized organization (DAO) na binuo para i-crowdfund ang bentahan ng NFT. Maliban sa ETH na ginamit nila para makuha ang Clock, hawak pa rin ng AssangeDAO ang 17,422 ETH na una nilang nalikom para mabili ang NFT.
Hindi lang na-curate nina Pak at Assange ang Clock, binigyang-daan din nila ang kahit sino na gumawa ng mga sarili nilang NFT. Puwede silang mag-tokenize ng naka-censor na mensahe sa anumang presyong gusto nila o nang libre. Ang mensahe ay magiging larawang nagpapakita ng mga salitang naka-strike through, na para bang naka-censor ang mga ito. Ang mga malilikom mula sa NFT series na ito ay mapupunta sa mga organisasyong pabor sa kalayaan na pipiliin nina Assange at Pak.
Ang
HUMAN ONE, na isa pang NFT ni Beeple na nakabasag ng record, ang unang pisikal na obra na ginawa niya. Na-auction ito sa Christie’s sa halagang $28.9 milyon noong Nobyembre 2021.
Ang HUMAN ONE ay isang 3D na gumagalaw na iskulturang may 4 na digital screen. Nagpapakita ito ng walang katapusang video ng isang astronaut na naglalakbay sa iba't ibang lugar sa iba't ibang oras ng araw. Ipinapakita ng hybrid na obra ang mga ambisyon ni Beeple sa sining sa labas ng digital na mundo.
Bilang isa sa mga unang sikat na proyektong NFT, ang mga pixelated na
CryptoPunk na ito ay patuloy na nakakasama sa listahan ng mga pinakamahal na NFT na naibenta. Naibenta ang
CryptoPunk #5822 sa halagang 8,000 ETH noong Pebrero 2022 sa CEO ng isang startup na teknolohiya ng blockchain. Nagmula ito sa pinaka-rare na edisyon ng alien — mayroon lang 9 nito sa buong koleksyon ng NFT. Dagdag pa sa pagkaespesyal nito ang pagiging isa nito sa 333 na may bandana.
Mula rin sa pamilya ng CryptoPunk ang susunod na NFT na may pinakamalaking halaga. Bago naibenta ang #5822, ang #7523 ang pinakamahal na CryptoPunk na naibenta.
Na-auction ang
CryptoPunk #7523 sa Sotheby's sa halagang $11.75 milyon noong panahon ng pandemya ng COVID noong Hunyo 2021. Hindi lang ito bahagi ng napaka-rare na edisyon ng alien, ito rin ang nag-iisang alien na naka-mask, na siyang nagustuhan ng bumili sa partikular na CryptoPunk na ito.
Itinuturing ng iba ang TPunks bilang bersyon ng CryptoPunks ng Tron, na may mga pamilyar na pixelated na mukha na may iba't ibang rarity at attribute. Isa sa mga pinaka-rare ang
TPunk #3442 na mukhang joker. Naibenta ito sa halagang 120 million TRX noong Agosto 2021 kay Justin Sun, ang CEO ng Tron. Ito ang pinakamahal na NFT na naibenta sa blockchain ng Tron. Pero hindi inangkin ni Sun ang TPunk. Ibinigay niya ito sa APENFT bilang donasyon pagkabili niya nito.
Oo, isa na namang CryptoPunk sa mga pinakamahal na NFT. Ang
CryptoPunk #4156 ay isang unggoy na may asul na bandana. Ang dating may-ari nito ay isang taong may katugmang pseudonym na “Punk 4156,” na nakakuha sa NFT sa halagang $1.25 milyon noong Pebrero 2021. Gayunpaman, ibinenta niya ang NFT sa halagang $10.26 milyon noong Disyembre ng taon ding iyon.
Nasa #8 ang isa pang CryptoPunk na mukhang unggoy, na ngayon naman ay naka-cowboy hat. Naibenta ang
CryptoPunk #5577 sa halagang 2,501 ETH noong Pebrero 2022. Bagama't hindi ito kumpirmado, maraming naniniwala na si Robert Leshner, ang CEO ng Compound Finance, ang nakabili, na
nag-tweet ng “Yeehaw” pagkatapos ng pagbili.
Ang
CryptoPunk #3100, na naibenta sa halagang $7.58 milyon noong Marso 2021, ay isa rin sa siyam na rare na alien punk at may suot din itong headband. Hanggang Mayo 2022, nakalista ang Punk na ito sa halagang 35,000 ETH. Kung maibebenta ito, ito ang magiging pinakamalaking bentahan ng NFT sa kasaysayan ng CryptoPunks.
Ang
CryptoPunk #7804 ay ang ikaanim na CryptoPunk sa ating listahan. Isa itong alien na humihithit ng pipa na may astig na sumbrero at shades. Pagmamay-ari ang
#7804 ng CEO ng kumpanya ng software sa pagdidisenyo na Figma, na ipinagmamalaking tumukoy rito bilang “digital Mona Lisa.” Naibenta ang NFT sa halagang $7.57 milyon noong Marso 2021.
Makakabili ka ng iyong unang NFT sa iba't ibang marketplace ng NFT. Depende sa network ng blockchain, mangangailangan ka ng compatible na wallet at mga sinusuportahang cryptocurrency para sa pagbili. Halimbawa, ang mga presyo ng NFT sa Binance Smart Chain (BSC) ay halos laging nasa BNB o BUSD, habang ang mga NFT sa blockchain ng Ethereum ay karaniwang gumagamit ng ether (ETH).
Mabibili mo ang mga kinakailangang cryptocurrency sa palitan ng Binance at maililipat mo ang mga iyon sa isang wallet na puwedeng ikonekta sa Marketplace ng NFT.
Kung gusto mong bumili ng mga NFT sa iba pang marketplace, magagandang opsyon ang mga browser extension wallet gaya ng Binance Chain Wallet at MetaMask. Pagkatapos ilipat ang iyong mga pondo mula sa Binance papunta sa wallet mo, ikonekta ito sa marketplace ng NFT para makapagsimula. Huwag kalimutang tingnan ang URL na binibisita mo para matiyak na nasa opisyal na website ka. Kung ikokonekta mo ang iyong wallet sa mga peke o kahina-kinalang website, baka manakaw ang mga pondo mo.
Walang dudang sumisikat ang mga NFT at tuloy-tuloy itong gumagawa ng mga record-high na bentahan. Bagama't mga collectible artwork lang ang karamihan ng mga NFT, dumarami ang ating mga NFT na ginagawa nang may iba't ibang
gamit. Habang nagma-mature ang mga NFT, makakaasa tayo na makakakita tayo ng mas maraming paggamit at pagtanggap kaysa sa mga digital collectible lang at baka makakita pa tayo ng mas matataas na bentahan.