7 Nangungunang Pinaggagamitan ng NFT
Home
Mga Artikulo
7 Nangungunang Pinaggagamitan ng NFT

7 Nangungunang Pinaggagamitan ng NFT

Baguhan
Na-publish May 29, 2021Na-update Jun 2, 2023
10m


TL;DR

Dahil sa malawak na interes sa mga non-fungible token, dumami ang mga crypto-collectible at NFT art. Ang dalawang ito ang pinakasikat na pinaggagamitan sa ecosystem ng DeFi, pero hindi lang dito ginagamit ang mga ito. Dahil bihira at natatangi ang mga non-fungible token, magandang pantapat ang mga ito sa mga asset sa totoong buhay, logistics, mga royalty sa musika, at higit pa. Habang lumalago ang mga NFT, asahan na natin ang paglalapat nito sa mas marami pang eksperimental na paggamit.

Panimula

Bago ang mga non-fungible token, talagang napakahirap makamit ng digital scarcity pagdating sa mga asset. Bagama't may mga nakalatag na proteksyon sa copyright, mas madali para sa mga consumer na kumopya o mamirata ng digital artwork.

Ang pagbuo sa mga NFT ang nagdala sa atin ng crypto art at mga digital collectible, pero hindi ito nagtatapos dito. Mula real estate hanggang logistics, puwede mong gamitin ang mga NFT para patunayan ang pagiging authentic ng maraming natatangi at collectible na produkto.

Bagama't bago pa lang ang ecosystem ng NFT, maraming interesanteng proyektong puwedeng tingnan, at ang ilan ay nakakapaghatid na ng malalaking kita sa mga creator at consumer.



Mga NFT na Art

Nakatulong ang mga non-fungible token sa paglutas ng matagal nang mga problema sa scarcity sa digital art. Paano mo papanatilihing bihira o rare ang isang virtual na artwork kung kaya mo itong kopyahin sa digital na paraan? Bagama’t may mga peke rin namang art sa totoong buhay, madalas ay kaya nating i-authenticate ang mga ito.

Nakukuha ng crypto art ang pinakamalaking bahagi ng value nito mula sa pag-verify ng pagiging authentic at pagmamay-ari nito sa digital na paraan. Bagama't kayang tumingin ng sinuman sa isang CryptoPunk sa blockchain ng Ethereum at mag-download o mag-save ng larawan, hindi natin mapapatunayang pagmamay-ari natin ang orihinal.
Halimbawa, ginawa ng anonymous na digital artist na si Pak ang isang serye ng mga NFT, ang lahat ay magkakatulad maliban sa pangalan. Gamit ang mga pangalan gaya ng The Cheap, The Expensive, at The Unsold, nabigyan ni Pak ng magkakaibang value ang bawat piraso batay sa pamagat. Dahil sa koleksyon, napaisip tayo kung ano ba ang nagbibigay ng value sa isang artwork. 

Pagdating sa mga NFT, hindi naman agad nakabatay sa naka-attach na artwork ang value. Minsan, mas mahalaga ang pagpapatunay ng pagmamay-ari sa partikular na asset na iyon. Ang aspektong ito ang dahilan kung bakit ang crypto art ang isa sa mga pinakasikat na pinaggagamitan ng NFT sa kasalukuyan.


Mga Collectible na NFT

Ito man ay isang Bunny sa PancakeSwap o Anniversary NFT ng Binance, malaki ang demand para sa mga digital collectible. Umabot pa nga sa mainstream ang ganitong paggamit dahil sa mga NBA na collectible NFT trading card na NBA Top Shot.
Kasama ng digital NFT art, ang mga non-fungible token na ito ang bumubuo sa malaking bahagi ng mga benta sa mga marketplace ng NFT gaya ng Opensea, BakerySwap, at Treasureland. Maraming crossover sa crypto art, at minsan, puwedeng sabay na collectible at art piece ang isang NFT. Ang dalawang pinaggagamitang ito ang pinakaabante na mayroon tayo sa ngayon.

Ang unang Tweet ni Jack Dorsey ay isang mahusay na halimbawa ng isang NFT collectible. Bagama't isang collectible ang CryptoPunk at artistic ang hitsura nito, ang buong value ng NFT ni Dorsey ay dahil lang sa pagiging collectible nito.


Naibenta ni Dorsey ang NFT gamit ang Valuables, isang platform na nagto-tokenize ng mga Tweet. Puwede kang maglagay ng alok sa anumang Tweet. Puwedeng mang-agaw ang sinuman sa pamamagitan ng pagbibigay ng counter-offer at pagbi-bid nang mas mataas. Pagkatapos, nasa nagsulat na ng Tweet kung tatanggapin o tatanggihan ang isang alok. Kung tatanggapin niya, imi-mint ang Tweet sa blockchain, na gagawa ng nag-iisang NFT na may autograph niya.

Ang bawat NFT ay nilagdaan gamit ang Twitter @handle ng na-verify na creator nito, ibig sabihin, ang orihinal na gumawa lang ang makakapag-mint ng kanyang mga Tweet bilang mga NFT. Ang prosesong ito ang lumilikha ng isang digital at bihirang collectible na puwedeng i-trade o itago. Posibleng kumplikadong maunawaan ang konsepto ng pagbebenta ng Tweet, pero isa itong napakahusay na halimbawa kung paano lumilikha ng collectibility ang mga NFT. Sa madaling salita, ito ang digital na bersyon ng nilagdaang autograph.

Mga NFT para sa Pinansya

Madaling makaligtaan na hindi lahat ng NFT ay sa isang kanta, litrato, o collectible na item kumukuha ng value. Sa decentralized finance (DeFi), nagbibigay rin ang mga NFT ng mga natatanging pinansyal na benepisyo. Magkakaroon din ng ilang artwork ang karamihan, pero ang value ng mga ito ay magmumula sa paggamit sa mga ito.
Halimbawa, nag-aalok ang JustLiquidity ng modelo sa pag-stake ng NFT. Puwedeng mag-stake ang isang user ng isang pares ng mga token sa isang pool sa loob ng isang partikular na panahon at puwede siyang makatanggap ng NFT para ma-access ang susunod na pool. Ginagamit ang NFT bilang tiket para makapasok, at sinisira ito kapag nakasali ka na sa bagong pool. Dahil sa modelong ito, nakalikha ng sekondaryang merkado para sa mga NFT na ito batay sa access na naibibigay ng mga ito.

Ang isa pang halimbawa ay ang mga combo ng pagkain sa NFT ng BakerySwap na nagbibigay ng mas pinalaking mga reward sa pag-stake para sa mga may hawak. Sa pamamagitan ng pag-aambag ng BAKE, makakatanggap ka ng combo ng NFT na nagbibigay ng variable na kakayahan para magamit sa pag-stake. Tinatantya ng mga user ang mga combo na ito, ibinebenta nila ito sa sekondaryang merkado, o ginagamit nila ang mga ito para sa pag-stake. Dahil sa kumbinasyong ito ng mga NFT sa gamification at DeFi, nagkakaroon ng panibagong interesanteng paggagamitan para sa mga non-fungible token.


Mga NFT para sa Gaming

Malaki ang demand ng gaming sa mga natatanging item na puwedeng i-trade at bilhin. Direktang nakakaapekto sa mga presyo ng mga ito ang pagiging rare ng mga ito, at pamilyar na ang mga gamer sa ideya ng mga valuable na digital na item. Dahil sa mga micro-transaction at in-game na pagbili, nabuo ang industriya ng gaming na nagkakahalaga ng ilang bilyon na puwedeng gumamit ng mga NFT at teknolohiya ng blockchain.

Kapana-panabik din ito pagdating sa kung ano ang kinakatawan ng isang NFT. Sa mga token para sa mga video game, pinagsasama-sama ang mga aspekto ng art, collectibility, at paggamit para sa mga player. Gayunpaman, pagdating sa mga video game na malaki ang badyet, malayo pa ang paggamit sa NFT.

Sa ngayon, may ibang proyekto na aktibong isinama ang teknolohiya ng blockchain sa kanilang mga laro. Ang Axie Infinity at Battle Pets ay mga laro na parang Pokémon na may mga nate-trade na pet at item. Puwede mo ring bilhin at ibenta ang mga token na ito sa mga panlabas na marketplace (mga peer-to-peer na pagbebenta). 

Puwedeng sa hitsura lang ang mga NFT para sa gaming, pero marami rin sa mga ito ang may gamit. Ang bawat Axie pet ay may hanay ng mga abilidad sa pakikipaglaban. Ang mga abilidad na ito ay nakakaapekto rin sa value ng pet kapag ite-trade ito. Puwedeng maging napakalaki ng value ng isang CryptoKitty dahil lang sa mga kaaya-aya nitong katangian sa breeding. Ang pagtukoy sa value ng bawat pet ay nakadepende sa kumbinasyon ng natatanging hitsura, mga feature, at gamit. Sa halimbawa sa ibaba, hindi lang iisa, kundi marami, ang nakikita nating kaaya-aya at hindi karaniwang aspekto.


Mga NFT para sa Musika

Gaya ng file ng larawan o video, puwede ka ring mag-attach ng audio sa isang NFT para makagawa ng isang collectible na piyesa ng musika. Ipagpalagay mo ito bilang “unang edisyon” ng isang record. Ang pag-attach ng kanta sa isang NFT ay katulad ng ating halimbawa sa art, pero may iba pa itong paggagamitan.

Isang malaking usapin para sa mga musikero ang pagkakaroon ng patas na hatian sa mga royalty. Pero may hindi bababa sa dalawang posibleng paraan para magkaroon ng isang balanseng resulta: mga platform ng streaming na nakabatay sa blockchain at pagsubaybay ng royalty gamit ang blockchain. Mahirap para sa maliliit na proyekto sa blockchain ang makipagsabayan sa Amazon Music o YouTube para sa mga serbisyo sa streaming. Kahit bumili na ang isang higanteng kumpanya gaya ng Spotify ng solusyon sa mga royalty na gumagamit ng blockchain na tinatawag na MediaChain noong 2017, wala itong naging aktwal na benepisyo para sa mga artist.

Sa ngayon, nakikipagtulungan ang mas maliliit na proyekto sa mga independent na artist. Sa pamamagitan ng Rocki sa Binance Smart Chain, nabibigyan ang mga independent na artist ng platform para magbenta ng mga royalty at mag-stream ng kanilang musika. Sa una nilang NFT sale ng royalty sa platform, nakalikom sila ng 40 ETH para sa 50% royalty gamit ang pamantayan ng token na ERC721.

Nakadepende ang higit na pagsikat ng modelong ito sa kung gagamitin ba ito ng mas malalaking serbisyo sa streaming. Mahusay na ideya sa paggamit ang kumbinasyon ng musika at mga NFT, pero posibleng maging mahirap ang pagtatagumpay nito nang wala ang suporta ng mga music label.


Mga NFT ng asset sa totoong buhay 

Sa pamamagitan ng pag-link ng mga asset sa totoong buhay sa mga NFT, madi-digitize natin ang paraan kung paano natin pinapatunayan ang pagmamay-aari. Halimbawa, sa real estate, kadalasan tayong humahawak ng mga aktwal na deed ng pag-aari. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga tokenized na digital asset ng mga deed na ito, maililipat sa blockchain ang mga item na lubos na hindi liquid (gaya ng bahay o lupa). Pagdating sa ganitong paggamit, wala tayong nakikitang masyadong suporta mula sa mga tagapagpatupad ng batas sa ngayon. Talagang nagsisimula pa lang ito, pero maganda itong abangan sa hinaharap.

Noong Abril 2021, gumawa si Shane Dulgeroff ng NFT na kumakatawan sa isang ibinebentang pag-aari sa California. May kasama ring crypto art ang token. Ang sinumang mananalo sa auction ay tatanggap sa NFT at magmamay-ari sa bahay. Gayunpaman, hindi tiyak ang eksaktong lagay ng benta pagdating sa batas at ang mga karapatan ng mamimili o nagbebenta.


Pagdating sa mas maliliit na item, gaya ng mga alahas, makakatulong ang isang NFT sa pagpapatunay sa lehitimong pagmamay-ari kapag nagbebenta. Halimbawa, ang isang totoo at etikal na diyamante ay kadalasang may kasamang sertipiko ng pagiging authentic. Ang sertipikong ito ay isa ring paraan para mapatunayang may mga karapatan ka sa pag-aari. Ang sinumang sumusubok na ibenta ang item nang wala ang sertipiko ay hindi makukumpirma ang pagiging authentic nito, at puwede siyang magkaproblema sa pagkumbinsi sa mga mamimili na siya ang tunay na may-ari.

Posible sa mga NFT ang ganitong konsepto. Sa pamamagitan ng pag-uugnay ng isang NFT sa isang item, ang pagmamay-ari sa NFT ay puwedeng maging kasinghalaga ng pagmamay-ari sa asset. Puwede mo pa ngang i-embed ang NFT sa isang item gamit ang isang aktwal na cold storage wallet. Habang nakikita nating umuunlad ang Internet of Things, malamang na mas marami tayong makikitang NFT na ginagamit bilang representasyon ng mga asset sa totoong buhay.

Mga NFT ng Logistics

Puwede ring maging kapaki-pakinabang ang teknolohiya ng blockchain sa industriya ng logistics, lalo na dahil sa immutability at transparency nito. Tinitiyak ng mga aspektong ito na mananatiling totoo at maaasahan ang data ng supply chain. Para sa mga pagkain, commodity, at iba pang nabubulok na produkto, mahalagang malaman kung saan galing at gaano katagal na ang mga ito.

May dagdag na benepisyo rin ang isang NFT sa pagkatawan ng mga natatanging item. Puwede nating gamitin ang isang NFT para subaybayan ang isang produkto na naglalaman ng meta-data sa mga pinagmulan, biyahe, at lokasyon ng warehouse nito. Halimbawa:

  • May isang high-end na pares ng luxury na sapatos na ginawa sa isang pabrika sa Italy. May itinalaga ritong NFT na mabilis mong masa-scan sa packaging nito.

  • Lalagyan ito ng naka-timestamp na metadata tungkol sa kung saan at kailan ginawa ang sapatos.

  • Habang dumaraan sa supply chain ang produkto, isa-scan ang NFT, at may idaragdag na bagong mga naka-timestamp na metadata. Puwedeng kasama sa data ang lokasyon ng warehouse nito at ang oras ng pagdating o pag-alis.

  • Pagdating ng sapatos sa pinakahuli nitong destinasyon, masa-scan ito ng tindahan at mamamarkahan nila ito bilang natanggap na. Matitingnan ang eksaktong detalyadong kasaysayan, at makukumpirma nito ang pagiging authentic ng sapatos at ang mga logistic na pinagdaanan nito.

Napakaraming hypothetical na paraan para magamit ang mga NFT sa supply chain. Gayunpaman, para sa lahat ng ito, iisa lang dapat ang imprastrakturang ginagamit sa bawat yugto ng chain. Dahil napakaraming kalahok at stakeholder na kasali sa buong mundo, posibleng mahirap maipatupad ang mga sistemang ito sa totoong buhay. Dahil sa salik na ito, kaunti lang ang naging ganitong paggamit sa totoong buhay. 

Sa kasalukuyan, ang TradeLens system ng MAERSK at Foot Trust ng IBM ang dalawang halimbawa ng malalaking solusyon sa logistics na gumagamit ng blockchain. Parehong gumagamit ang mga ito ng Hyperledger Fabric, isang blockchain ng IBM na nakakasuporta sa paggamit ng mga NFT. Gayunpaman, hindi malinaw kung may papel bang ginagampanan ang mga NFT sa kanilang mga operasyon.


Mga pangwakas na pananaw

Dahil sa tumitinding kasikatan ng mga NFT, malaki ang posibilidad na mas marami pa tayong makikitang mga ideya at paggagamitan sa hinaharap. Sa kasalukuyan, hindi lahat ng aplikasyon ng mga NFT ay nagkaroon ng sapat na panahon para makalampas sa pagiging isang ideya o maliit na proyekto. Ang ilan ay posibleng hindi maging praktikal o popular. Gayunpaman, para sa mga mas pangunahin at diretsahang isyu, gaya ng scarcity ng art at mga collectible, siguradong mananatili ang mga NFT.