TL;DR
Ang NFT na virtual na lupa ay isang bahagi ng digital na lupa na puwedeng ariin sa isang metaverse platform. Kasama sa mga sikat na proyekto ng NFT na lupa ang Decentraland, The Sandbox, at Axie Infinity. Angkop ang mga NFT sa pagkatawan sa pagmamay-ari ng lupa dahil ang bawat isa sa mga ito ay natatangi at madaling mapatunayan ang digital na pagmamay-ari. Puwede mong gamitin ang NFT na lupa para sa pag-advertise, pag-socialize, paglalaro, at trabaho, bukod sa iba pang gamit nito.
Karaniwan nang nagagamit ng mga may-ari ng lupa ang kanilang lote para mag-host ng mga online na karanasan, magpakita ng content, o magkaroon ng mga benepisyo sa isang laro. Nagsisimula na ring mamumuhunan at gumamit ng NFT na lupa ang malalaking brand at celebrity, kasama na ang Adidas at si Snoop Dogg.
Ang halaga ng isang lote ay naaapektuhan ng gamit nito, proyekto, at ispekulasyon ng merkado. Puwede kang bumili ng NFT na lupa mula sa isang proyekto sa isang bentahan ng lupa o sa sekondaryang merkado sa pamamagitan ng palitan ng NFT, tulad ng Binance NFT Marketplace o OpenSea. Bago bumili, tiyaking nauunawaan mo ang mga panganib at paggagamitan ng lupa at ang nauugnay na proyekto nito. Sa ilang sitwasyon, baka mas magandang magrenta sa halip na bumili ng NFT na lupa.
Sa pag-unlad ng metaverse, mabilis itong nakagawa ng mga nakakainteres na bagong paggagamitan ng blockchain. Dahil naging napakamatagumpay ng taong 2020 para sa metaverse at mga Non-Fungible Token (mga NFT), hindi nakakapagtakang sikat na paksa ang virtual na lupa.
Ang ilang bentahan ng NFT na lupa ay umabot sa mga presyong mas malaki pa kaysa sa mga ari-arian sa totoong mundo, kaya nahihirapan ang ilan na maintindihan ang konsepto. Sa katunayan, napakaraming pagkakatulad ng NFT na lupa at ng karaniwang real estate. Pero bilang digital na asset sa blockchain, may ilang natatanging feature ang NFT na lupa na mae-explore.
Ang metaverse ay isang online at virtual na mundo kung saan pagsasama-samahin ang maraming aspekto ng ating digital at totoong buhay, kasama ang trabaho, pakikipag-socialize, at paglilibang. Noong 2021, maraming
tech giant, kasama ang Meta (dating Facebook), Microsoft, at Epic Games, ang nagsimulang i-develop at i-explore ang larangan. Gumaganap ang
teknolohiya ng blockchain ng mahalagang papel sa metaverse dahil ang digital na pagmamay-ari, pagkakakilanlan, at mga ekonomiya ay mga pangunahing konsepto. Para sa mas malalim na paliwanag, basahin ang aming panimulang artikulo sa
metaverse.
Tulad ng nabanggit, ang
mga proyekto sa metaverse ay mga digital na mundo na kadalasang mae-explore ng mga user gamit ang mga 3D na avatar. Halimbawa, nagbibigay ang SecondLive ng mga lugar para sa mga concert, conference, at exposition. Bagama't hindi pinapayagan ng mga proyektong tulad ng SecondLive ang mga user na bumili ng permanenteng virtual reality space, pinapayagan ito ng ibang mundo sa metaverse. Gumagawa ang mga developer ng malalaking mapa ng lupa na hinati-hati sa maliliit na parcel para ibenta sa merkado.
Para katawanin ang natatanging pagmamay-ari ng lugar, bumibili ang mga user ng
mga NFT na naka-link sa isang partikular na lote ng lupa. Puwede mong bilhin ang mga loteng ito sa pamamagitan ng bentahan ng lupa nang direkta mula sa proyekto o sekondaryang merkado. Nakadepende sa bawat proyekto kung ano ang eksaktong magagawa mo sa NFT na lupa.
Bukod sa ispekulasyon, magagamit ng mga may-ari ng lupa ang kanilang virtual space sa iba't ibang paraan:
1. Pag-advertise - Kung ang lote mo ay nasa isang sikat na lugar o distrito at nakakahikayat ng maraming bisita, puwede kang maningil para sa space sa pag-advertise.
2. Pag-socialize - Puwede kang mag-host ng mga event sa iyong digital na lupa, kasama ang mga concert, conference, at pagkikita-kita ng komunidad.
3. Paglalaro - Baka may gamit ang iyong NFT na lupa sa isang
NFT na video game. Halimbawa, ang lupa sa
Axie Infinity ay puwedeng magbigay ng karagdagang resource, token, at gamit sa pag-craft.
4. Trabaho - Ang lupa na puwedeng i-explore gamit ang isang 3D na avatar ay puwedeng gamitin bilang virtual na lugar ng opisina o para magbigay ng mga digital na serbisyo. Gagamitin ng PwC Hong Kong ang The Sandbox land sa kanilang Web 3.0 na mga serbisyo sa pagpapayo.
Nagsimula nang bumili ng lupa sa metaverse ang mga sikat na celebrity at brand. Halimbawa, gumagawa si Snoop Dogg ng sarili niyang
Snoop Dogg Metaverse Experience sa
The Sandbox. Bumili rin ang Adidas ng space sa platform para sa sarili nitong
AdiVerse na karanasan sa metaverse. Bukod pa sa pagsali sa metaverse at NFT hype, mag-aalok ang mga brand at kumpanya sa mga user ng pagkakataong makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng pag-access sa mga serbisyo, laro, at produkto ng metaverse.
Lumaki ang mga mamumuhunan sa NFT na lupa, mula sa mga retail na mamumuhunan, naging mga institusyonal na mamumuhunan. Halimbawa, naging ulo ng balita ang Metaverse Group dahil sa pagbili ng digital na real estate na malalaki ang halaga, na tatalakayin natin sa ibang pagkakataon. Nasa Crypto Valley pa ng
Decentraland ang virtual na headquarter ng group. Bumili rin ang kumpanya ng konsultasyon na PwC ng mga lote sa Decentraland noong Disyembre 2021 bilang bahagi ng kanilang web 3.0 na mga serbisyo sa pagpapayo.
Ang presyo ng isang lote ng virtual na lupa ay tinutukoy sa paraang katulad ng iba pang non-fungible token o cryptocurrency. May tatlong pangunahing salik na dapat suriin:
1. Gamit - Naiiba ang virtual na lupa mula sa marami pang ibang NFT dahil kadalasang iba't iba ang paggagamitan nito. Mag-iiba-iba ito depende sa platform kung nasaan ang mga ito. Halimbawa, pinapayagan ng mga digital na mundo na tulad ng Decentraland ang mga user na i-customize at gumawa sa kanilang lupa.
Kung nasa sikat na lugar ang lupa mo o nakakatanggap ito ng maraming bisita, puwede kang maningil para sa pag-advertise. Puwede ring magbigay sa iyo ang lupa mo ng mga benepisyo sa isang
video game sa blockchain. Puwede mo ring mapalaki ang mga bonus sa
pag-stake o maranasan ang mga natatanging event sa laro tulad ng
Axie Infinity.
2. Ang platform - Madalas na mas matataas ang halaga ng mga NFT na lupa sa mga sikat na platform tulad ng Decentraland, The Sandbox, o ang paparating na My Neighbour Alice. Dahil ito sa supply at demand sa merkado. Di-hamak na mas malaki ang user base at interes ng mga platform na ito kaysa sa mas maliliit na proyekto.
3. Ispekulasyon - Dahil sa malalaking bentahan ng mga NFT na lupa noong nakaraan, dumami ang ispekulasyon. Halimbawa, gumastos ang real estate na kumpanya ng NFT na Metaverse Group ng humigit-kumulang $2.43 milyon noong Nobyembre 2021 sa pagbili ng isang parcel na may 116 na lote ng lupa sa Decentraland. Ang bawat lote ay 16 na metro kwadrado, na may kabuuang area na 1,856 na metro kuwadrado ng lupa sa distrito ng Fashion Street.
May dalawang pangunahing paraan ng pagbilii ng NFT na lupa sa Metaverse. Puwede kang makibahagi sa bentahan ng lupa at bilhin ito nang direkta mula sa proyekto, o puwede kang bumili ng lupa mula sa iba pang user sa pamamagitan ng marketplace.
Ang bentahan ng NFT na lupa ay isang magandang paraan ng pagbili ng iyong lupa sa mas mababang presyo kaysa sa sekondaryang merkado. Karamihan ng malalaking proyekto ng metaverse sa NFT na lupa ay tumataas ang presyo, ibig sabihin, mas malamang na mas magandang bumili ng lupa sa isang bentahan. Ibinebenta ng ilang proyekto ang lahat ng kanilang lote nang minsanan, habang ang iba naman ay nagbebenta sa bawat round.
Ang pagbili ng NFT na lupa sa metaverse ay dapat ituring na kagaya ng anupamang pamumuhunan o pampinansyal na transaksyon. Tiyaking gumawa ng sarili mong pananaliksik at pag-isipan ang mga punto sa ibaba:
1. Bilhin ang iyong NFT na lupa mula sa isang mapagkakatiwalaang mapagkukunan. Kung bibilhin mo ang lupa sa isang bentahan ng proyekto, tiyaking tama ang opisyal na link na nasa iyo. Kung bibili ka ng lupa mula sa ibang tao, huwag na huwag gumawa ng anumang paglilipat nang direkta sa
wallet nila. Lagi mo dapat gawin ang bentahan sa pamamagitan ng isang mapagkakatiwalaang marketplace o
palitan ng crypto. Gaya ng nabanggit kanina, ang Binance NFT Marketplace at OpenSea ay dalawang posibleng mapagpipilian.
2. Magpasya kung gusto mong bilhin o rentahan ang iyong NFT na lupa. Depende sa mga pangangailangan mo, baka hindi mo kailangang bumili ng isang piraso ng lupa. Halimbawa, baka gusto mong mag-host ng isang event sa isang sikat na distrito. Kung sumusuporta ng mga pagrenta ang platform na ginagamit mo, ang presyong babayaran mo ay nakadepende sa trapiko ng lote, kung gaano ito kalapit sa ibang mahahalagang lote, at ang laki nito.
3. Maingat na isaalang-alang ang proyekto ng NFT na lupa. Tutukuyin ng proyektong pipiliin mo ang gamit at ang bahagyang halaga ng NFT. Kung gusto mong gumawa ng ispekulasyon at i-resell ang iyong lupa, tingnan ang
mga batayang kaalaman ng proyekto, tulad ng kasikatan, bilang ng mga user, at team. Kung magbebenta ka ng space para sa pag-advertise o makikibahagi ka sa ibang paggagamitan, magsaliksik kung aling mga platform ng metaverse ang pinakaangkop sa iyong mga pangangailangan. Hindi lahat ng proyekto ng NFT ay magtatagumpay, kaya tiyaking isaalang-alang ang panganib sa pinansyal bago bumili ng mga NFT na lupa. Kung bibili ka ng lupa na walang gamit o demand, baka manatili na ito sa iyo magpakailanman.
Para sa marami, ang ideya ng mga bentahan ng virtual na lupa ay mukhang malayo sa katotohanan. Gayunpaman, kailangan mo lang tingnan ang pagdami ng mga NFT, digital na collectible, at ang metaverse para maunawaan kung paano umunlad ang NFT na lupa.
Ang ideya ay hindi nalalayo sa pagmamay-ari ng website o iba pang virtual space. Halimbawa, naibenta ang mga sikat na domain name nang daan-daang libong dolyar. Gayunpaman, makikita natin ang pagkakaiba sa paraan ng pagbibigay ng garantiya sa pagmamay-ari ng mga NFT na lupa. Habang inihahanda ng mundo ng teknolohiya ang sarili nito para sa hinaharap ng metaverse, hindi tayo dapat magulat kung makakakita tayo ng mas marami pang ibinebentang NFT na lupa sa metaverse sa lalong madaling panahon.