Ang Merge Ethereum Upgrade: Lahat ng Kailangan Mong Malaman
Home
Mga Artikulo
Ang Merge Ethereum Upgrade: Lahat ng Kailangan Mong Malaman

Ang Merge Ethereum Upgrade: Lahat ng Kailangan Mong Malaman

Intermediya
Na-publish Sep 1, 2022Na-update Dec 23, 2022
8m


TL;DR

Malapit nang lumipat ang mainnet ng Ethereum mula sa Proof of Work papunta sa Proof of Stake na mekanismo ng consensus sa upgrade na tinatawag na Merge. Ang Merge ay bahagi ng isang serye ng malalaking upgrade sa ecosystem ng Ethereum, kung saan kasama rin ang Surge, Verge, Purge, at Splurge. Ang layunin ng mga upgrade na ito ay gawing mas scalable at matipid sa enerhiya ang Ethereum. Sa Merge, pagsasamahin ang mainnet ng Ethereum at ang Proof of Stake Beacon Chain at inaasahan itong mangyari sa Setyembre 2022. 

Panimula

Mula noong inilunsad ito noong 2015, naging kilala na ang Ethereum sa industriya ng blockchain bilang sikat na desentralisadong computing platform, na nagbibigay-daan para magawa ang libo-libong proyekto sa blockchain nito. Habang isa pa rin ito sa pinakamahahalagang blockchain, hindi napapalawak ng kasalukuyang imprastraktura ng Ethereum ang mga pagpapatakbo nito sa paraang makakatugon sa lumalagong demand sa buong mundo. Para malabanan ang kawalan ng scalability, nagmungkahi ang team ng Ethereum ng isang set ng mga upgrade na hahantong sa pinahusay na blockchain ng Ethereum. Ang mga upgrade na ito ay ang Beacon Chain, Merge, Surge, Verge, Purge, at Splurge.

Bakit mag-a-upgrade ang Ethereum?

Karaniwang idinidisenyo ang mga blockchain nang may pangunahing prinsipyo ng desentralisasyon sa halip na umasa sa sentral na awtoridad. Kasama sa mga benepisyo ng mga desentralisadong blockchain ang hindi pangangailangan ng pahintulot, hindi pangangailangan ng tiwala, at pagiging mas secure sa pamamagitan ng pagiging mas matibay laban sa mga isahang punto ng pagpalya. 

Habang mas sumisikat ang mga blockchain, dapat siguraduhin ng mga platform na matutugunan nila ang pangangailangan sa buong mundo sa mga bilis ng pagpoproseso ng transaksyon, na kilala rin bilang mga demand sa scalability. Kapag hindi iyon nagawa, posibleng maging congested ang network, kapag nadaig ng dami ng mga nakabinbing transaksyon ang kapasidad ng blockchain. Kadalasan, umaabot ito sa mas matataas na bayarin sa transaksyon. 

Gayunpaman, puwedeng maging mahirap magkaroon ng seguridad at scalability kung gustong mapanatili ng mga blockchain ang pagiging desentralisado ng mga ito. Ang problemang ito ay ipinapaliwanag ng konsepto ng scalability trilemma gaya ng iminungkahi ni Vitalik Buterin. Inilalarawan ng Blockchain Trilemma ang hamon ng pagbabalanse ng tatlong mahalagang katangian – ang scalability, seguridad, at desentralisasyon.

Gaya ng kinumpirma ni Vitalik Buterin, hindi natutugunan ng network ng Ethereum bago ang Merge ang mga pamantayan para sa scalability dahil sa mekanismo nito ng consensus na Proof of Work. Karaniwang mas mahirap i-scale ang isang Proof of Work na blockchain dahil sa ilang bagay. Una, limitado ang dami ng mga transaksyong puwedeng i-validate ng isang block sa bawat block. Pangalawa, kailangang minahin ang mga block sa tuloy-tuloy na rate. 

Halimbawa, idinisenyo ang Bitcoin para magmina ng mga block bawat 10 minuto sa average, ayon sa hirap ng pagmimina na awtomatikong ina-adjust ng protocol. Bagama't napaka-secure ng disenyo ng Bitcoin, ang tagal ng block kapag isinama sa limitasyon sa mga transaksyon sa bawat block ay puwedeng humantong sa congestion ng network sa mga panahong mataas ang demand. Kadalasan, nagiging dahilan ito para maging napakataas ng bayarin sa transaksyon at maging napakatagal ng kumpirmasyon.

Para masolusyunan ang mga nasabing limitasyon ng PoW, nagmungkahi ang team ng Ethereum ng isang set ng mga upgrade na kilala bilang Ethereum 2.0 (ETH 2.0).

Ang Mga Upgrade sa Ethereum: Ang Sitwasyon sa Kabuuan

Ang mga upgrade sa Ethereum 2.0 ay binubuo ng kasalukuyang Beacon Chain (naipatupad na), Merge (paparating na), pati na ng Surge, Verge, Purge, at Splurge. Pagkatapos ma-deploy ang lahat ng upgrade, inaasahang magiging mas scalable, secure, at sustainable ang bagong blockchain ng Etherem – habang desentralisado pa rin ito.

Ang Beacon Chain

Ang Beacon Chain, na dating kilala bilang Phase 0, ay ang unang upgrade sa serye ng malalaking upgrade sa Ethereum. Inilunsad ito noong Disyembre 1, 2020, at ipinakilala nito ang Proof of Stake sa ecosystem ng Ethereum. Puwedeng makipag-interact ang mga user sa Beacon Chain sa dalawang paraan: sa pag-stake ng ETH o pagpapatakbo ng consensus client para i-secure ang network. Kasalukuyan itong gumagana nang parallel sa mainnet ng Ethereum.

Ang Merge

Ang Merge ay ang susunod na seryosong hakbang ng Ethereum sa paglutas sa mga isyu sa scalability. Sa madaling salita, ini-integrate nito ang dalawang kasalukuyang independent na chain sa ecosystem ng Ethereum: ang layer ng pagpapatupad at ang layer ng consensus (Beacon Chain). 

Inaasahang mame-merge ang mainnet ng Ethereum sa system ng Proof of Stake sa koordinasyon ng Beacon Chain sa Setyembre 2022. Pagkatapos ng Merge, gagamit lang ang ecosystem ng Proof of Stake na mekanismo para i-secure ang network nito.

Mekanismo ng consensus

Kapag nangyari ang Merge, ang Proof of Work ng Ethereum ay mapapalitan ng Proof of Stake na mekanismo ng consensus. Sa halip na pagmimina, ang mga block ay imi-mint (o ifo-forge) ng mga node na tinatawag na mga validator. Isang node ang pana-panahong itinatalaga nang random para mag-validate ng kandidatong block. Binibigyan ng insentibo ang mga validator na ito na gawin iyon sa pamamagitan ng mga tip sa bayad sa transaksyon at mga reward sa pag-stake. Dahil walang node na nakikipagkumpitensya para magdagdag ng bagong block, di-hamak na mas kaunting resource ang ginagamit ng PoS kaysa sa PoW, kaya naman mas sustainable ito.

Mga transaksyon sa mainnet

Sa kasalukuyan, isang bahagi lang ng mga transaksyon sa network ang pinoproseso ng Beacon Chain. Sa Merge, ang Beacon Chain ang magiging pangunahing lugar ng consensus.

“Pagkatapos ng Merge, ang Beacon Chain ang magiging consensus engine para sa lahat ng data ng network, kasama na ang mga transaksyon sa layer ng pagpapatupad at mga balanse sa account.” – Ethereum.org

Mga token

Ime-merge ang kasaysayan ng transaksyon ng Ethereum sa Beacon Chain, pero hindi magbabago ang ether (ETH) currency nito. Mananatiling accessible ang mga pondo ng ETH pagkatapos ng Merge, at walang kailangang gawin ang mga user ng ETH token bilang paghahanda sa upgrade.

Ang kasalukuyang modelo ay may system ng pag-isyu ng token na namamahagi ng humigit-kumulang 13,000 ETH kada araw sa mga reward sa pagmimina at pag-stake. Pagkatapos maipatupad ang Merge, wala nang reward sa pagmimina, kaya mababawasan ang pag-isyu ng bagong ETH at magiging humigit-kumulang 1,600 ETH na lang kada araw ang mga reward sa pag-stake. 

Ano ang mangyayari pagkatapos ng Merge?

Bagama't walang opisyal na anunsyo tungkol sa iba pang upgrade sa Ethereum na Surge, Verge, Purge, at Splurge, inaasikaso na ang Pag-shard at nakaiskedyul itong mangyari sa 2023 pagkatapos ng Merge.

Pag-shard

Daragdagan ng Ethereum ang scalability sa tulong ng pag-shard para madagdagan ang throughput, na malamang na makabawas sa gastusin at tagal ng transaksyon. Ipinapakilala ng pag-shard ang mga shard chain, na katulad ng mga regular na blockchain – maliban sa bahagi lang ng data ng blockchain ang nilalaman ng bawat isa sa mga ito. Dahil sa partikular na subset ng data na ibinibigay ng mga shard chain, mas mahusay na nakakapag-verify ng mga transaksyon ang mga node.

Ang pag-shard ay isang solusyon sa pag-scale na nangangailangan ng maraming oras at matinding pagsisikap para maipatupad. Gayunpaman, posibleng isa ito sa pinakamalalaking tagumpay ng blockchain pagdating sa scalability kung magagawa ito nang maayos, na magbibigay-daan sa Ethereum na mag-store at mag-access ng data nang mas mabuti. 

Ang proseso ng Pag-shard ay isang prosesong maraming phase, kung saan ang mga shard chain ng bersyon 1 ay magbibigay ng mas maraming data sa network, at ang mga shard chain ng bersyon 2 ay magso-store at magpapatupad ng code. Mae-enable ang cross-communication sa pagitan ng dalawang bersyon. 

Para naman sa iba pang upgrade, wala pang sigurado. Sa isang tweet, nilinaw ni Vitalik Buterin ang pananaw niya na ang mga nabanggit na upgrade ay hindi dapat ituring na mga yugto, dahil ito ay mga upgrade na gumagana nang parallel sa Merge. Dapat manatiling naka-subscribe ang mga mambabasa sa Binance Blog at Binance Academy para sa higit pang update habang sinusubaybayan natin ang Merge at ang mga susunod na upgrade sa Ethereum.

Bakit napakaraming solusyon sa pag-scale?

Mukhang naghahanda ang Ethereum para hindi ito madaling maluma at makayanan nito ang napakalaking load ng mga transaksyon na malamang na susunod sa malawakang paggamit. Kapag mas maraming solusyon, mas malamang na mababawasan ang pangkalahatang congestion sa network. Dagdag pa rito, mapipigilan din nito ang mga isahang punto ng pagpalya kung lalabas na hindi sapat ang isang solusyon sa pag-scale. Sa pagkakaroon ng ilang solusyon sa pag-scale, hindi lang nagiging handa ang network sa mas mabilis na transaksyon at mas mataas na throughput, makakaiwas din ang mga user sa matataas na bayarin sa transaksyon.

Ang epekto ng Merge sa ETH

Bilang isa sa mga pinakakilalang second-generation na proyekto sa network, inilunsad ang Ethereum nang may inisyal na supply na 72 milyong ether (ETH). Sa orihinal nitong modelo ng PoW, malaking porsyento ng supply ng token na ito ang ginagamit para bigyan ng insentibo ang mga minero para i-secure ang network.

Pagkalipat sa PoS, hindi na magpapamigay ng mga reward sa pagmimina. Bilang resulta, magkakaroon ng net na pagbaba sa taunang pag-isyu ng ETH na tinatayang 90%. Kung masusunod ang batas ng supply at demand, posible itong humantong sa pagtaas ng presyo ng ETH. Gayunpaman, hindi maaasahan at volatile ang mga pinansyal na merkado, at marami pang ibang salik na dapat isaalang-alang.

Ang epekto ng Merge sa BETH

Ang BETH ay isang tokenized na bersyon ng naka-stake na ETH sa Binance. Dahil sa Merge, hindi na makakakuha ng mga reward sa Proof of Work ang mga minero. Sa halip, bibigyan ang mga validator ng mga reward sa pag-stake pati na rin bayarin sa transaksyon na inialok sa mga minero bago ang Merge. Dagdag pa rito, makakakuha ang mga validator ng bahagi ng mga reward sa Maximum Extractable Value (MEV) pagkatapos ng pag-merge, at dapat tumaas ang APR kapag ginamit na ng BETH ang konseptong ito. Samakatuwid, inaasahang malaki ang itataas ng annual percentage rate (APR). 

Ang epekto ng Merge sa mga user at produkto ng Binance

Para sa mga may hawak ng ETH token at user ng Binance, hindi masyadong maaapektuhan ang mga produkto ng Binance. Matatanggal lang sa pagkakalista ang ETH sa aming serbisyo sa pagmimina at pansamantalang titigil ang paghiram, pagdeposito, at pag-withdraw ng ETH.

Kung may hawak kang ETH, puwede mong basahin ang blog na Ano ang Mangyayari sa Ethereum Ko Pagkatapos ng Merge para maghanda para sa Merge.

Mga pangwakas na pananaw

Ang Merge ay ang pangalawa sa isang serye ng mahahalagang upgrade sa network ng Ethereum. Iminungkahi ito para maghandang magpatupad ng mga bagong solusyon sa pag-scale para sa mas mahusay na scalability. Pagkatapos makumpleto ang lahat ng nakalistang upgrade, malamang na magiging handa ang Ethereum sa mas maraming load ng transaksyon nang hindi nakokompromiso ang seguridad o desentralisasyon.


Babala sa Panganib: Napapailalim sa mataas na panganib sa merkado at volatility ng presyo ang mga presyo ng digital asset. Puwedeng bumaba o tumaas ang halaga ng iyong pamumuhunan, at puwedeng hindi mo mabawi ang halagang ipinuhunan. Ikaw lang ang responsable sa iyong mga desisyon sa pamumuhunan at walang pananagutan ang Binance sa anumang pagkaluging puwede mong matamo. Ang nakaraang performance ay hindi maaasahang tagahula ng performance sa hinaharap. Dapat ka lang mamuhunan sa mga produktong pamilyar sa iyo at kung saan nauunawaan mo ang mga panganib. Dapat mong isaalang-alang nang mabuti ang iyong karanasan sa pamumuhunan, pinansyal na sitwasyon, mga layunin sa pamumuhunan, at tolerance sa panganib, at dapat kang kumonsulta sa isang independent na tagapayo sa pananalapi bago gumawa ng anumang pamumuhunan. Ang materyal na ito ay hindi dapat ituring na pinansyal na payo. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang aming Mga Tuntunin ng Paggamit at Babala sa Panganib.