Ang margin trading ay isang paraan ng pag-trade ng mga asset gamit ang mga pondong ibinigay ng third party. Kapag inihambing sa mga regular na account sa pag-trade, nagbibigay-daan ang mga margin account sa mga trader na mag-access ng mas malalaking halaga ng kapital, na magbibigay-daan naman sa kanilang i-leverage ang kanilang mga posisyon. Sa pangkalahatan, pinapahusay ng margin trading ang mga resulta ng pag-trade para kumita nang mas malaki ang mga trader sa mga matagumpay na trade. Dahil sa kakayahang ito na palawigin ang mga resulta ng pag-trade, partikular na sikat ang margin trading sa mga merkadong mababa ang volatility, lalo na sa internasyonal na merkado ng Forex. Gayunpaman, ginagamit din ang margin trading sa mga merkado ng stock, commodity, at cryptocurrency.
Sa mga tradisyonal na merkado, karaniwang ibinibigay ang mga hiniram na pondo ng isang investment broker. Gayunpaman, sa pag-trade ng cryptocurrency, kadalasang ibinibigay ang mga pondo ng ibang mga trader, na kumikita ng interes batay sa demand ng merkado para sa mga pondo ng margin. Bagama't hindi ito masyadong pangkaraniwan, nagbibigay rin ang mga palitan ng cryptocurrency ng mga pondo ng margin sa kanilang mga user.
Paano gumagana ang margin trading?
Kapag nagpasimula ng margin trade, kakailanganin ng trader na mag-commit ng isang partikular na porsyento ng kabuuang halaga ng order. Ang inisyal na puhunang ito ay kilala bilang margin, at malapit itong nauugnay sa konsepto ng leverage. Sa madaling salita, ginagamit ang mga margin trading account para gumawa ng may leverage na pag-trade, at inilalarawan ng leverage ang ratio ng mga hiniram na pondo sa margin. Halimbawa, para makapagbukas ng trade na nagkakahalaga ng $100,000 sa leverage na 10:1, kakailanganin ng isang trader na mag-commit ng $10,000 ng kapital niya.
Puwedeng gamitin ang margin trading para magbukas ng mga long at short na posisyon. Ipinapakita ng long na posisyon ang pagpapalagay na tataas ang presyo ng asset, habang kabaliktaran naman ang ipinapakita ng short na posisyon. Habang bukas ang posisyon ng margin, magsisilbing collateral para sa mga hiniram na pondo ang mga asset ng trader. Napakahalagang maunawaan ito ng mga trader, dahil nakalaan sa karamihan ng mga brokerage ang karapatang sapilitang ibenta ang mga asset na ito kung sakaling gumalaw ang merkado nang salungat sa kanilang posisyon (nang mas mataas o mas mababa kaysa sa isang partikular na threshold).
Halimbawa, kung magbubukas ng long na naka-leverage na posisyon ang isang trader, posibleng i-margin call iyon kapag malaki ang ibinaba ng presyo. Nagkakaroon ng margin call kapag kinakailangan ng isang trader na magdeposito ng higit pang pondo sa kanyang margin account para makamit ang mga minimum na kinakailangan sa margin trading. Kung hindi iyon magagawa ng trader, awtomatikong mali-liquidate ang mga hawak niya para masagot ang mga pagkalugi niya. Karaniwan itong nangyayari kapag ang kabuuang halaga ng lahat ng equity sa isang margin account, na kilala rin bilang margin ng liquidation, ay naging mas mababa kaysa sa mga kinakailangan sa kabuuang margin ng partikular na palitan o broker na iyon.
Mga benepisyo at limitasyon
Ang pinakamalinaw na bentahe ng margin trading ay ang katotohanang puwede itong humantong sa mas malalaking kita dahil sa mas malaking relatibong halaga ng mga posisyon sa pag-trade. Maliban doon, puwedeng maging kapaki-pakinabang ang margin trading para sa pag-diversify, dahil puwedeng magbukas ang mga trader ng ilang posisyong may maliit-liit na halaga ng kapital sa pamumuhunan. Bilang pangwakas, kung may margin account, posibleng maging mas madali para sa mga trader na mabilis na makapagbukas ng mga posisyon nang hindi kinakailangang maglipat ng malalaking halaga ng pera sa mga account nila.
Margin trading sa mga merkado ng cryptocurrency
Likas na mas mapanganib ang pag-trade sa margin kaysa sa regular na pag-trade, pero pagdating sa mga cryptocurrency, mas mataas pa ang mga panganib. Dahil sa matataas na antas ng volatility, na karaniwan sa mga ganitong merkado, dapat maging partikular na maingat ang mga margin trader sa cryptocurrency. Bagama't puwedeng makatulong ang pag-hedge at mga diskarte sa pamamahala ng panganib, siguradong hindi angkop sa mga baguhan ang margin trading.
Margin funding
Para mga mamumuhunang hindi kaya ang panganib na sila mismo ang sasabak sa margin trading, may isa pang paraan para kumita sa mga paraan ng pag-trade na ginagamitan ng leverage. Nag-aalok ang ilang platform sa pag-trade at palitan ng cryptocurrency ng feature na kilala bilang margin funding, kung saan puwedeng i-commit ng mga user ang pera nila para pondohan ang mga margin trade ng iba pang user.
Karaniwang sumusunod ang proseso sa mga partikular na tuntunin at nakakakuha ito ng mga dynamic na rate ng interes. Kung tatanggapin ng isang trader ang mga tuntunin at kukunin niya ang alok, kwalipikado ang tagapagbigay ng mga pondo sa pagbabayad ng pautang sa napagkasunduang interes. Bagama't puwedeng mag-iba ang mga mekanismo depende sa bawat palitan, mababa-baba ang mga panganib sa pagbibigay ng mga pondo ng margin, dahil puwedeng puwersahang i-liquidate ang mga naka-leverage na posisyon para maiwasan ang mga sobra-sobrang pagkalugi. Gayunpaman, para sa margin funding, kailangan pa ring panatilihin ng mga user ang mga pondo nila sa kanilang exchange wallet. Kaya naman mahalagang isaalang-alang ang mga panganib na sangkot at maunawaan kung paano gumagana ang feature sa napili nilang palitan.
Mga pangwakas na pananaw
Tiyak na ang margin trading ay isang kapaki-pakinabang na tool para sa mga gustong mapalaki ang mga kita sa kanilang mga matagumpay na trade. Kung gagamitin ito nang maayos, makakatulong ang may leverage na pag-trade na ibinibigay ng mga margin account sa profitability at pag-diversify ng portfolio.
Gayunpaman, gaya ng nabanggit, sa ganitong paraan ng pag-trade, puwede ring lumaki ang mga pagkalugi at mas matataas ang sangkot na panganib. Kaya naman dapat lang itong gamitin ng mga sanay na sanay nang trader. Kaugnay ng cryptocurrency, dapat pang maging mas maingat sa paggamit ng margin trading dahil sa matataas na antas ng volatility ng merkado.
Alamin kung paano magsimula sa aming Gabay sa Margin Trading ng Binance