TL;DR
Posibleng nakakatakot ang mundo ng crypto at blockchain para sa mga gustong magsimula ng kanilang pakikipagsapalaran. Kadalasang nabibigla ang mga baguhan sa patuloy na nagbabagong katangian ng blockchain at sa napakaraming impormasyon. Ang paghahanap ng komunidad ng mga taong pareho ng pananaw ay posibleng maging napakagandang paraan para makapagsimula ka sa mundo ng crypto.
Panimula
Ang Web3 ay isang terminong naglalarawan sa susunod na bersyon ng World Wide Web. Naiiba ito sa sinundan nito, ang Web2, dahil binuo ito batay sa mga pangunahing prinsipyo ng desentralisasyon, pagtutulungang hindi nangangailangan ng tiwala, resistance sa censorship, at pagmamay-ari. Gamit ang mga Web3 application, ang mga user ay nakakapag-interact o nakakapagpalitan ng data nang hindi nangangailangan ng mga tagapamagitan.
Bagama't hindi pa tayo nakatira sa mundo ng Web3, may komunidad ng mga tao na naglalayong maisakatuparan iyon. Gumagawa ang mga developer, namumuhunan, influencer, at iba pang mahilig sa crypto ng iba't ibang proyekto sa Web3, mula sa imprastruktura hanggang sa mga desentralisadong app (DApp).
Ano ang Komunidad ng Crypto?
Ang mga komunidad ng crypto ay binubuo ng mga taong may matinding interes sa crypto. Puwedeng mag-bonding ang mga miyembro ng komunidad sa kanilang pagkahilig sa mga NFT, DeFi, mga Layer 2 na solusyon, at lahat ng bagay na may kaugnayan sa crypto.
Mahalaga ang mga komunidad ng crypto para sa pagbabahagi ng kaalaman, at kadalasang may mga sariling komunidad ang mga blockchain gaya ng Bitcoin, BNB Chain, at Ethereum. Ang mga may pagkateknikal na konsepto, gaya ng pagmimina o Proof of Work (PoW), ay naging pangkaraniwang kaalaman dahil sa mga pagsisikap ng mga komunidad na ito ng crypto sa paggawa ng mas accessible na impormasyon. Sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagsulong ng kaalaman at edukasyon, napatunayan na ang mga komunidad ng crypto ay isang mahalagang impluwensyang nagtutulak sa industriya ng blockchain.
Dahil sa walang hangganang katangian ng crypto, kadalasang may mga komunidad online at nakikipag-ugnayan sila sa pamamagitan ng mga forum ng talakayan, chat room, at social media. Halimbawa, ang komunidad ng crypto sa Twitter ay isang espesyal na grupo ng mga namumuhunan, developer, kumpanya, at influencer, na bawat isa ay nagsusulong ng sarili nilang adhikain sa crypto sa platform.
Mga Benepisyo ng Pagsali sa Komunidad ng Crypto
Pananatiling updated
Ang pagsali sa komunidad ng crypto ay isang napakahusay na paraan para manatiling updated sa mga bagong trend, teknolohiya, konsepto, produkto, at tool. Nagbibigay-daan ito sa iyong magpasya nang mas nakabatay sa kaalaman at sumali sa mga event na may limitasyon sa oras.
Paghahanap ng mentor
Sa kabuuan ng iyong pananaliksik, nakakita ka na ba ng mga kumplikadong teknikal na artikulo o publikasyon tungkol sa Web3? Kapag kabilang ka sa isang komunidad ng mga developer, negosyante sa crypto, at iba pang eksperto, mas madaling maintindihan at saliksikin ang ilang partikular na paksa.
Pagkakaroon ng bentahe
Bilang bahagi ng aktibong komunidad, nagkakaroon ka ng bentahe sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access sa pinakabagong impormasyon na hindi pa alam ng nakararami. Puwede kang magkaroon ng insight sa mga umuusbong na trend at matuto mula sa mga taong may mga katulad na karanasan. Dagdag pa rito, ang pinagsama-samang kaalaman ng isang komunidad ay makakatulong sa iyong magpasya nang mas mabuti, makipag-network sa iba pang propesyonal, at manatiling updated tungkol sa mga development sa industriya.
Serbisyo sa Customer
May mga opisyal na administrator at manager ang ilang komunidad. Sa halip na mahirapan nang mag-isa, puwedeng makatanggap ang mga namumuhunan ng direktang feedback at tulong mula sa mga miyembro at administrator.
Pagsisimula ng negosyo
Ang mga hindi pormal na pag-uusap ng mga miyembro ng komunidad ay puwedeng magtulak ng mga bagong inobasyon. Puwede kayong magbahagi ng mga pananaw sa negosyo, magtalakayan tungkol sa mga opinyon, at magpalitan ng impormasyon sa pamamagitan ng mga casual na chat. Sa isang komunidad, puwede mo pa ngang mahanap ang mga miyembro ng iyong team o mga kasosyo mo sa negosyo sa hinaharap.
Pakiramdam na kabilang ka
Team Layer 1 o Layer 2 ka ba? May paborito ka bang NFT artist? Kahit na ikaw lang ang crypto nerd sa barkada ninyo, makakahanap at makakahanap ka rin ng ibang katulad mo.
Paano Sumali sa Isang Komunidad ng Crypto
Tumuklas ng mga proyekto at forum
Gaya ng nabanggit sa itaas, karamihan ng mga proyekto at blockchain ay may mga sarili nang naitatag na komunidad. Para makibahagi, bisitahin ang kanilang mga website o social – kasama na ang Telegram, Twitter, Discord, o Facebook. Kung papasukin mo ang mundo ng crypto nang mag-isa nang walang partikular na komunidad na naiisip, puwede ka ring magsimula sa Reddit. Ang Reddit ay isang online na forum kung saan magagawa ng mga mahilig sa crypto na magbasa ng balita tungkol sa crypto, tumingin ng mga pagsusuring isinumite ng mga user, at sumali sa mga talakayan. Kasama sa ilan sa mga komunidad ng crypto sa Reddit ang /r/bitcoin, /r/btc, /r/binance, at /r/cryptocurrency.
Maging bukas sa pagpapahayag
Ang pakikipag-usap online sa iba sa pamamagitan ng seksyon ng mga komento ng mga kaugnay na post tungkol sa crypto ay puwedeng maging madaling paraan para makahanap ng mga taong kapareho mong mag-isip. Ibahagi ang iyong mga opinyon at interes; magsimulang sumali sa mga talakayan at aktibidad.
Mag-enroll sa mga klase
Maghanap ng kurso sa Web3 kung saan ka interesado. Online man o offline, ang silid-aralan ay posibleng maging magandang lugar para magsimula ng mga makabuluhang talakayan tungkol sa Web3 at bumuo ng mga bagong ugnayan.
Mga meetup
Ang pagdalo sa meetup kaugnay ng blockchain o crypto, paglahok sa isang online na forum ng talakayan, o pagsali sa isang grupo sa social media ay magagandang paraan para kumonekta sa mga taong maalam. Nangangasiwa ang ilang event sa blockchain ng mga networking party, business matchmaking, at AMA. Sa pamamagitan ng paglahok sa mga ito, puwede kang magkaroon ng exposure at makakilala ng mga bagong miyembro ng komunidad.
Mag-ambag sa isang proyekto o adhikain
Maghanap ng komunidad na matagumpay sa paglahok sa pag-develop ng crypto. Likas na nangangailangan ng pagtutulungan sa blockchain ecosystem – ang mga paniniwala nito tungkol sa kawalan ng hangganan, pagiging open-source, desentralisasyon, at hindi pangangailangan ng tiwala ay nakakatulong lahat para masuportahan ang pagtutulungan.
Maraming proyekto sa mundo ng crypto ang gumagamit ng diskarteng open-source, kung saan ang source code na ginagamit para buuin ang teknolohiya ng mga ito ay available sa publiko at puwedeng baguhin nang may hangganan. Sa pamamagitan nito, mas mabilis na nakakapagbigay ng mga solusyon at inobasyon ang mga miyembro ng komunidad.
Isang katulad na komunidad ang GitHub, na isang online na platform na nangangasiwa sa pagtutulungan ng mga developer at mga user. Nagbibigay-daan ito sa mga developer na magbahagi ng code at magtulungan sa mga open-source na proyekto. Puwede ring tumalakay ng mga ideya, magbigay ng feedback, at mag-alok ng tulong ang mga user. Naghahanda rin ang mga platform tulad ng GitHub ng mga event gaya ng mga hackathon at kitaan para itaguyod ang pakikisangkot ng komunidad.
Hindi rin kakaiba para sa mga proyekto na maglunsad ng mga event na batay sa insentibo na tinatawag na mga bounty program para hikayatin ang mga tao na mag-ambag sa paglago ng mga ito.
Ano ang Mga Panganib sa Mga Komunidad ng Crypto?
Tulad ng anupamang komunidad, may kaakibat na mga panganib ang mga komunidad ng crypto. Isa sa mga pangunahing panganib na nauugnay sa mga komunidad ng crypto ay ang potensyal sa panloloko. Gaya ng nabanggit, kadalasang bukas sa kahit sino ang mga komunidad. Ibig sabihin nito, parehong puwedeng sumali sa grupo ang mga scammer at bot.
Halimbawa, puwede kang makatanggap ng direktang mensahe mula sa isang taong nagpapakilala bilang admin ng grupo. Dagdagan ang pag-iingat at i-verify na hindi ito scammer na sumusubok na kunin ang pera mo. Posibleng subukan ng mga scammer na kunin ang iyong personal na impormasyon o mga pribadong key sa pamamagitan ng nakakapinsalang link o iba pang uri ng mga scam sa cryptocurrency.
May panganib din na iba ang komunidad kaysa sa una mong inasahan. Halimbawa, posibleng hype lang pala ang komunidad para mapataas ang mga presyo ng token. Puwede itong lumikha ng kultura ng pagkagahaman at ispekulasyon na posibleng malaki ang ipagkaiba sa orihinal na dahilan ng pagsali mo sa komunidad.
Gayundin, posibleng puno ng maling impormasyon ang mga komunidad ng crypto, na magpapahirap sa paghihiwalay ng mga katotohanan. Kaya naman, mag-ingat kapag nagpapasya tungkol sa pamumuhunan batay sa mga usapan sa komunidad.
Konklusyon
Depende sa iyong mga interes at karapatan, maraming paraan para sumali sa isang komunidad ng crypto. Mayroon ka mang inaabot na personal na pinansyal na layunin, bagong negosyong susubukan, o hindi pamilyar na paksang pag-aaralan, puwedeng maging kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng komunidad kung saan puwedeng makipagtulungan. Magbahagi ng mga pananaw, bumuo ng network ng mga indibidwal na pareho kung mag-isip, at lumago mula sa mga pagkakamali ng isa't isa. Puwede mo pa ngang mahanap ang iyong team ng negosyo sa hinaharap! Mula sa pagpapalitan ng mga ideya hanggang sa pagbibigay ng moral support, mahalaga sa tagumpay ang pagkakaroon ng mga taong tutulong sa iyo.
Iba pang Babasahin
Disclaimer at Babala sa Panganib: Ibinibigay sa iyo ang content na ito nang ganito para lang sa mga layunin ng pagbibigay ng pangkalahatang impormasyon at pagtuturo, nang walang kahit anong isinasaad o pinapatunayan. Hindi dapat ito ituring na pinansyal na payo, at hindi rin nito nilalayong irekomenda ang pagbili ng anumang partikular na produkto o serbisyo. Pakibasa ang aming buong disclaimer dito para sa mga karagdagang detalye. Puwedeng maging volatile ang mga presyo ng digital asset. Puwedeng bumaba o tumaas ang halaga ng iyong pamumuhunan, at puwedeng hindi mo mabawi ang halagang ipinuhunan. Ikaw lang ang responsable sa iyong mga desisyon sa pamumuhunan, at walang pananagutan ang Binance Academy sa anumang pagkaluging puwede mong matamo. Hindi pinansyal na payo. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang aming Mga Tuntunin ng Paggamit at Babala sa Panganib.