Panimula
Sa artikulong ito, tutukuyin natin ang ilan sa mga karaniwang scam sa cryptocurrency.
Mga Giveaway Scam sa Social Media
Nakamamangha sa mga panahong ito kung paano nagiging mapagbigay ang lahat sa Twitter at Facebook. Tignan ang mga sagot sa isang tweet na may mataas na engagement. Tiyak na makakakita ka ng isa sa mga paborito mong crypto company o influencer na gumagawa ng giveaway. Kapag binigyan mo sila ng kahit isa lang na BNB/BTC/ETH, nangangako silang ibabalik ito na 10x na ang halaga! Tila masyadong maganda para maging totoo, hindi ba? Sa kasamaang palad, ganoon nga. Magandang panuntunan iyon na maaaring magamit sa karamihan sa mga scam na ito.
Masyadong imposible na ang isang taong nagsasagawa ng lehitimong giveaway ay kakailanganin ka munang magpadala ng sarili mong pera. Sa social media, dapat maging maingat ka sa ganitong uri ng mga mensahe. Maaari silang manggaling sa mga account na mukhang pareho sa mga dati mo nang kilala at nagugustuhan, ngunit bahagi ito ng panlilinlang. Pagdating naman sa mga sagot na nagpapasalamat sa nasabing account para sa kanilang kabutihan - ang mga ito ay mga pekeng account o mga bot na ipinakalat bilang bahagi ng giveaway na scam.
Sapat lamang na sabihing dapat huwag mong pansinin ang mga ito. Kung talagang kumbinsido ka na lehitimo ang mga ito, tignang mabuti ang mga profile at makikita mo ang pagkakaiba. Agad mong mauunawan na ang Twitter handle na iyon o ang Facebook profile ay peke.
At kahit pa ang Binance o sinuman ang nagpasyang magdaos ng giveaway, hindi ka hihingan ng mga lehitimong ganito na magpadala muna ng sarili mong pondo.
2. Mga Pyramid at Ponzi scheme
Mga Ponzi scheme
Sa isang Ponzi scheme, maaari kang makarinig ng tungkol sa isang oportunidad sa investment na may tiyak na kita (ito na ang unang alarma sa iyo). Karaniwan, makikita mo ang scheme na ito na nagpapakilala para mangasiwa ng iyong portfolio. Sa katotohanan, walang mahiwagang formula na gagana rito – ang “kita” na matatanggap ay pera lamang ng ibang mga investor.
Kukunin ng organizer ang pera ng isang investor at idadagdag ito sa kaban. Ang tanging pumapasok lamang na cash sa kaban ay nanggagaling sa mga bagong dating. Ang mga lumang investor ay babayaran gamit ang pera ng mga bagong investor, isang cycle na magpapatuloy hanggat may dumadarating na mga bagong investor. Mailalantad lamang ang scam kapag wala nang pumapasok na cash – kung saan hindi na kayang panatilihin ang pagbabayad sa mga dating investor, dahilan ng pagbagsak ng scheme.
Ipagpalagay bilang halimbawa ang isang serbisyo na nangangako ng 10% na balik na kita kada buwan. Maaari kang mag-ambag ng $100. Ipapasok ngayon ng organizer ang isang bagong ‘kliyente,’ na nag-invest din ng $100. Gamit ang bagong pera na ito, maaari ka niyang bayaran ng $110 sa katapusan ng buwan. Kakailanganin niya ngayong mang-akit ng bago na namang kliyente na sumali para bayaran ang ikalawa. Magpapatuloy ang cycle hanggang sa dumating ang hindi maiiwasang pagsabog ng scheme.
Mga Pyramid scheme
Sa isang pyramid scheme, may dagdag na trabaho na kinakailangan sa mga sangkot. Sa tuktok ng pyramid ay ang organizer. Magpapasok sila ng partikular na bilang ng mga tao na magtatrabaho sa lebel sa ibaba nila, at ang bawat isa sa mga ito ay magpapasok din ng sarili nilang mga tao, ganun din sa mga ipapasok nila. Bilang resulta, nagkakaroon ng malaking istruktura na doble-doble ang paglago at nagsasanga kapag may bagong lebel na nalilikha (kaya ginamit ang terminong pyramid).

Sa ngayon, nailarawan na natin ang isang chart na maaaring bahagi pa lamang ng isang napakalaking (at lehitimong) negosyo. Ngunit ang pyramid scheme ay natatangi dahil nangangako ito ng kita sa pagpasok ng mga bagong myembro. Ituring na halimbawa ang isang organizer na nagbigay kanila Alice at Bob ng karapatan na magpasok ng mga bagong miyembero para sa $100 bawat isa, at kukuha ng 50% na cut sa mga susunod na kita. Maiaalok ni Alice at Bob ang parehong deal sa mga maipapasok nila (kinakailangan nila ng hindi bababa sa dalawang bagong ipapasok para mabawi ang una nilang puhunan).
Halimbawa, kapag nagbenta si Alice ng membership kay Carol at Dan (sa halagang $100 bawat isa), may matitirang $100 sa kanya dahil ang kalahati ng kanyang kita ay dapat niyang ipasa sa lebel na nasa itaas niya. Kapag nagpatuloy si Carol sa pagbebenta ng mga membership, makikita nating gumagalaw paakyat ang mga kita – Makukuha ni Alice ang kalahati ng kita ni Carol, at makukuha naman ng organizer ang kalahati ng kita ni Alice.
Habang lumalago ang pyramid, ang mga lumang miyembro ay lumalaki rin ang kita dahil ang distribution cost ay ipinapasa mula sa ibaba papunta sa mga mas mataas na lebel. Ngunit dahil sa doble-dobleng paglago, hindi magtatagal ay mahihirapan nang panatilihin ang modelo.
Minsan, ang mga kalahok ay nagbabayad para sa karapatan na magbenta ng mga produkto o serbisyo. Maaaring narinig mo na ang tungkol sa mga multi-level marketing (MLM) na kumpanya na inaakusahan ng pagpapatakbo ng mga pyramid scheme sa ganitong paraan.
3. Mga Pekeng Mobile App
Madaling hindi agad makita ang mga babala sa mga pekeng app kung hindi maingat. Karaniwan, ang mga scam na ito ay inuutusan ang mga user na magdownload ng mga kahina-hinalang application – ilan sa mga ito ay gumagaya sa mga kilalang app.
Oras na ma-install ng user ang kahina-hinalang app, gumagana ang lahat nang tila tulad sa inaasahan. Ganunpaman, ang mga app na ito ay partikular na dinisenyo para nakawin ang iyong mga cryptocurrency. Sa mundo ng crypto, nagkaroon na ng maraming kaso kung saan nagdownload ang mga user ng kahina-hinalang mga app kung saan nagpanggap ang mga developer bilang malaking crypto na kompanya.
Sa ganitong eksena, kapag pinakitaan ang user ng address para pondohan ang wallet o tumanggap ng bayad, ang totoo ay nagpapadala sila ng pondo sa isang address na pagmamay-ari ng isang mandaraya. Kapag nailipat na ang pondo, hindi na ito maibabalik.
Isa pang dahilan kung bakit epektibo ang ganitong mga scam ay ang kanilang ranking position. Sa kabila ng pagiging kahina-hinala ng app, ang iba ay nagkakaroon ng mataas na rank sa Apple Store o Google Play Store, kaya nagkakaroon sila ng bakas ng pagiging lehitimo. Para maiwasang mahulog sa kanilang patibong, dapat na magdownload ka lamang sa opisyal na website o mula sa isang link na ibinigay ng isang pinagkakatiwalaang source. Maaari mo ring tignan ang credential ng publisher kapag gumagamit ng Apple Store o Google Play Store.
Pinag-iisipang magsimula sa cryptocurrency? Bumili ng Bitcoin sa Binance!
4. Phishing
Walang iisang gabay na sinusundan ang mga scammer kapag tinatangkang kumuha ng mga personal na impormasyon. Maaari kang makatanggap ng mga email na inaabisuhan kang may mali sa iyong exchange account kaya kinakailangan mong sundan ang link para maayos ang problema. Dadalhin ka ng link sa isang pekeng website – pareho sa orihinal – na sasabihan kang mag-log in. Sa paraang ito, nanakawin ng attacker ang iyong mga credential, at posibleng pati ang iyong mga cryptocurrency.
Kapag may isang nakaalam ng iyong seed words, magkakaroon sila ng access sa iyong pondo. Anuman ang mangyari, hindi dapat ipinapakita ang mga ito sa kahit kanino, maging sa mga lehitimong kompanya. Hindi kinakailangan ng iyong seed sa pag-troubleshoot ng iyong wallet, kaya’t ligtas na ipagpalagay na ang sinumang humihingi nito ay isang scammer.
Pagdating naman sa exchange accounts, hindi rin kailanman hihingiin ng Binance ang iyong password. Ganun din sa karamihan sa ibang mga serbisyo. Ang pinakamaingat na hakbang kapag nakatatanggap ng hindi hinihinging komunikasyon ay huwag itong patulan. Makipag-ugnayan na lang sa kompanya sa pamamagitan ng contact details na nakalista sa kanilang opisyal na website.
Ilan pang mga payo sa seguridad ang mga sumusunod:
- Suriin ang URL ng mga website na iyong binibisita. Isang karaniwang taktika ay ang pagrehistro ng scammer sa domain na mukhang pareho sa totoong kompanya (hal. binnance.com).
- I-bookmark ang mga madalas na binibisitang domain. Minsan ay nagkakamali ang mga search engine na idisplay ang mga kahina-hinala.
- Kapag nagdududa sa mensaheng iyong natanggap, huwag itong pansinin. Ipaabot ito sa ang negosyo o tao gamit ang opisyal na mga channel.
- Hindi kinakailangan ng sinuman na malaman ang iyong private keys o seed phrase.
5. Mga Vested Interest
Para lohikal na masuri ang isang proyekto, kinakailangan mong tignan ang kombinasyon ng maraming bagay. May kanya-kanyang paraan ang lahat sa pananaliksik sa mga iinaasahang investment. Ilan ito sa mga karaniwang tanong para makapagsimula:
- Paano isinagawa ang distribusyon ng mga coin/token?
- Karamihan ba sa mga supply ay nasa kamay lang ng iilang mga indibidwal?
- Ano ang natatanging selling point ng partikular na proyektong ito?
- Ano pang ibang mga proyekto ang gumagawa ng pareho, bakit lamang ang isang ito?
- Sino ang nagtatrabaho sa proyekto? May maganda bang track record ang grupong ito?
- Kamusta ang komunidad? Ano ang mga itinatayo?
- Kinakailangan ba ng mundo ang ganitong coin/token?
Pangwakas na ideya
Hindi nauubusan ang mga kahina-hinalang tao ng mga paraan para sa pagsimot ng pondo mula sa mga walang kamalay-malay na mga user. Para makaiwas sa ganitong mga karaniwang scam, kinakailangan mong maging laging maingat at maalam sa mga scheme na ginagamit ng ganitong mga partido. Laging i-check kung opisyal ang mga ginagamit mong website at application, at tandaan: kapag masyadong magandang pakinggan para maging totoo, posibleng ganun nga ang sitwasyon.