TL;DR
Kapag nagwi-withdraw o nagdedeposito ka ng crypto sa iyong account sa Binance, tingnang mabuti ang pipiliin mong network. Madaling malito sa BNB Smart Chain (BEP-20) at Ethereum (ERC-20) at maipadala ang iyong mga token sa maling blockchain.
Kung ang crypto wallet kung saan ka nagdeposito ay sumusuporta sa mga BEP-20 at ERC-20 token, puwede mong ipadala ang iyong crypto pabalik sa Binance gamit ang ilang simpleng hakbang.
Kung ang iyong wallet ay naghahawak lang ng ERC-20 o BEP-20, kakailanganin mong i-import ang pribadong key ng iyong wallet sa isang bagong wallet na sumusuporta sa parehong blockchain.
Mas mahirap maresolba ang pagdeposito sa maling blockchain sa iyong account sa Binance, ibang palitan ng crypto, o custodial wallet. Sa kasong ito, makipag-ugnayan sa support team ng iyong wallet para malaman kung makakatulong sila.
Panimula
Kung nakagawa ka na ng mga pag-withdraw mula sa Binance, malamang na napansin mo nang ang ilang token ay may iba't ibang available na network ng paglilipat. Maging ang mga batikang HODLer ay nalilito rin minsan sa pagpili sa tamang blockchain para sa kanilang mga transaksyon. Ano ang dapat mong piliin kapag nagwi-withdraw ng iyong crypto papunta sa ibang wallet?
Sa madaling sabi, dapat mong piliin ang network na pareho sa ginagamit ng target na tatanggap na wallet. Sa teknikal na usapin, depende ito sa kung anong token standard ang ginagamit mo, gaya ng ERC-20, BEP-20, o BEP-2.
Kapag naipadala mo ang iyong crypto sa maling blockchain, mahalagang malaman ang uri ng wallet na pinagpadalhan mo sa mga ito. Kung maa-access mo ang iyong pribadong key o seed phrase, mayroon kang non-custodial wallet. Kung hindi, custodial ang iyong wallet. Gamit ang impormasyong ito, puwede mong subukan ang aming tatlong posibleng solusyon.
Nagpadala ako ng mga pondo sa maling network. Ano ang dapat gawin?
Una sa lahat, huwag mataranta. Kapag nagpadala ka ng mga ERC-20 token (tulad ng ETH) gamit ang BNB Smart Chain (BSC) o nagpadala ka ng mga BEP-20 token gamit ang Ethereum network, mababawi mo pa ang mga ito. May tatlong magkakaibang sitwasyon, bawat isa ay may sariling solusyon:
1. Nagpadala ka ng mga token sa isang wallet na sumusuporta sa BSC at Ethereum.
Puwede mong ipadala pabalik ang mga ito sa tamang network sa Binance.
2. Nagpadala ka ng mga token sa isang wallet na sumusuporta lang sa alinman sa BSC o Ethereum.
Kailangan mong i-access ang iyong pribadong key para mag-import sa isang wallet na parehong sumusuporta sa BSC at Ethereum.
3. Nagpadala ka ng mga token sa isang custodial wallet o palitan ng crypto.
Humingi ng tulong mula sa iyong wallet provider o sa customer service ng palitan. Posibleng hindi na mabawi ang iyong mga pondo.
Bago subukan ang isang solusyon, mahalagang maintindihan kung ano ang nangyari para maiwasan ang parehong problema sa hinaharap.
Ano ang pagkakaiba ng BEP-20 sa ERC-20?
Ang ERC-20 at BEP-20 ay mga batayan ng token na naglalarawan ng mga partikular na panuntunan at mga teknikal na gabay para sa mga token. Pinapamahalaan ng mga ito kung paano isinasagawa ang mga transaksyon, pagdeposito, at pag-withdraw. Parehong ginagawa ng ERC-20 at BEP-20 na iisa ang batayan kung paano nagkakaroon ng interaksyon ang token sa iba't ibang wallet, proyekto, at smart contract.
Ang dalawang batayan ay maraming pagkakatulad sa kung paano tumatakbo ang mga ito, pero ang ERC-20 ay eksklusibo sa Ethereum, at ang BEP-20 ay eksklusibo sa BNB Smart Chain. Sa madaling salita, ang mga ito ay mga batayan ng token na napapabilang sa magkaibang blockchain.
Kung ang iyong crypto ay nasa maling network, posibleng hindi mo ito magamit para sa pangangailangan mo. Halimbawa, ang Ethereum na ipinadala sa BSC ay hindi magagamit sa mga Ethereum DApp at smart contract.
Ano ang mangyayari kapag nagpadala ako ng BEP-20/ERC-20 token sa maling blockchain?
Kapag nagpadala ka ng ERC-20 token sa BSC o ng BEP-20 token sa Ethereum, ang token ay mapupunta sa parehong address ng wallet sa piniling network. Ang iyong mga address ng wallet sa BSC at Ethereum ay magkapareho at maa-access ang mga ito gamit ang parehong pribadong key.
Halimbawa, kapag nagpadala ka ng ETH sa BSC, magiging isa itong BEP-20 token na naka-peg sa Ether sa iyong address ng wallet sa BSC. Puwede mong gamitin ang BscScan.com para suriin ito gamit ang iyong ID ng transaksyon o ang Etherscan.io kapag nagpadala ka ng mga BEP-20 token sa Ethereum network.
Narito ang isang halimbawa (mula sa BscScan) ng isang taong nag-withdraw ng kanyang ERC-20 ETH at pinili ang network ng paglilipat ng BSC (BEP-20) sa kanyang Binance wallet. Ang mga token na ito ay makikita ngayon bilang Binance-Peg Ethereum sa ilalim ng parehong address ng wallet sa BSC.
Sa kabutihang palad, ang iyong crypto ay hindi naglaho. Ang kailangan mo lang gawin ngayon ay ipadala ito sa tamang blockchain na kailangan mo. Tingnan ang aming mga solusyon sa ibaba na tugma sa iyong sitwasyon.
Pagbawi mula sa isang wallet na sumusuporta sa BSC at Ethereum
Wala kang dapat maging problema sa paghahanap ng iyong mga token sa isang wallet na sumusuporta sa parehong blockchain. Tingnan ang aming toggle list ng mga token para sa bawat network para ma-enable ito kung hindi mo makita ang iyong crypto.
Ang MetaMask, halimbawa, ay may button na [Magdagdag ng Token] na pinapayagan kang mag-browse sa lahat ng available na token.
Kung hindi mo makita ang token sa listahan, kailangan mong ilagay ang kontrata ng token nito sa iyong wallet. Makikita mo ang prosesong ito sa panlimang hakbang ng Pagbawi mula sa wallet na sumusuporta lang sa alinman sa BSC o Ethereum.
Kung gusto mong ibalik ang iyong token sa orihinal nitong blockchain, may dalawang opsyon: Binance Bridge o ang manu-manong paraan.
Binance Bridge
Ang Binance Bridge ay isang simpleng tool para sa pag-convert ng iyong mga asset sa pagitan ng mga blockchain. Kailangan mo lang kumonekta sa MetaMask o Binance Chain Wallet at piliin kung ano ang gusto mong ilipat. Huwag kalimutan na kailangan mo ng BNB para sa bayarin sa gas ng BSC o ETH para sa bayarin sa gas ng Ethereum.
I-follow ang Pagpapakilala sa Binance Bridge para matuto pa tungkol sa prosesong ito.
Manu-manong pag-convert
Ang manu-manong pag-convert ng iyong mga token ay nangangailangan ng pagpapadala ng iyong cryptocurrency pabalik sa Binance. Ang network ng deposito sa iyong Binance spot wallet ay dapat na tugma sa blockchain kung nasaan ang iyong token sa kasalukuyan. Kapag dumating na ito, puwede mo na itong ipadala nang tama sa iyong panlabas na wallet.
Sa halimbawang ito, iko-convert natin ang Binance-Peg ETH (BEP-20) pabalik sa ERC-20 ETH. Tiyaking ang wallet na pagmumulan ng iyong ipapadala ay may BNB para sa bayarin sa gas.
1. Sa iyong page ng pag-withdraw ng crypto sa Binance, piliin ang ETH at ang network ng deposito na BEP-20 (BSC). Kung magdedeposito ka sa maling network, hindi maibabalik ng Binance ang iyong mga pondo.
2. Kapag naibalik na ang iyong ETH sa iyong account sa Binance, i-convert ito sa ERC-20 sa pamamagitan ng pag-withdraw nito papunta sa isang wallet na sumusuporta sa Ethereum at pagpili sa Ethereum (ETH) ERC-20 bilang iyong network ng paglilipat.
Ligtas nang maipapadala ang iyong mga pondo sa tamang blockchain sa iyong panlabas na wallet.
Pagbawi mula sa isang wallet na sumusuporta lang sa alinman sa BSC o Ethereum
Para mabawi ang mga token sa sitwasyong ito, kailangan mong i-import ang pribadong key ng iyong wallet sa isang bagong wallet na sumusuporta sa parehong blockchain. Depende sa wallet na nag-i-import, puwede mo ring magamit ang iyong seed phrase imbes na ang iyong pribadong key.
Pag-import ng pribadong key
Kapag nag-import ka ng pribadong key ng isang wallet papunta sa ibang wallet, magkakaroon ka ng access sa pondong nauugnay sa pribadong key na iyon, kahit pa gumagamit ka ng ibang wallet.
Sa madaling salita, hindi magreresulta sa pagpapadala ng mga pondo sa iyong wallet na nag-i-import ang pag-import ng pribadong key ng isang wallet. Gagawin lang nitong mas madaling ma-access ang iyong panlabas na wallet mula sa ibang application. Tandaan na ang mga custodial wallet ay kadalasang walang ganitong opsyon dahil hindi nagbibigay ang mga ito sa iyo ng isang pribadong key.
Kabilang sa mga pinakamadalas na gamiting wallet para isagawa ito ay ang Metamask, Trust Wallet, Math Wallet, SafePal, at TokenPocket.
Sa halimbawang ito, gagamit tayo ng MetaMask Google Chrome extension at babawi ng ETH na aksidenteng naipadala sa BSC.
Pagbawi sa iyong mga pondo
1. I-access ang iyong MetaMask wallet o gumawa ng bago kung wala ka pa nito. Puwede ring magamit ang MetaMask bilang app sa iOS at Android.
2. Kung gagawa ka ng bagong account, bibigyan ka ng opsyon para i-import ang seed phrase ng iyong lumang wallet.
3. Kung mayroon ka nang account, i-click lang ang pin ng MetaMask extension, kasunod ang profile ng iyong account sa kanang itaas na bahagi.
4. I-click ang [I-import ang Account] at ilagay ang pribadong key ng iyong wallet kasama ang nawawalang crypto. I-click ang [I-import] para maisapinal ito. Puwede ka ring mag-upload ng JSON file kung mayroon ka nito.
Susunod, kailangan mong idagdag ang BSC network sa iyong MetaMask account nang manu-mano. I-click ang pin ng MetaMask extension, kasunod ang dropdown menu ng network sa gitnang itaas na bahagi. I-click ang [Custom RPC] sa pinakababa ng listahan.
6. 6. Kailangan mong magdagdag ng mga detalye para payagan ang MetaMask na i-access ang BNB Smart Chain. Kabilang sa mga detalyeng ito ang Remote Procedure Call (RPC) URL. Ang URL na ito ay nagbibigay-daan sa MetaMask na magtanong ng impormasyon mula sa blockchain ng BSC para makagawa ng mga kahilingan sa transaksyon.
Ilagay ang mga sumusunod na impormasyon sa mga kaukulang puwang at i-click ang [I-save] sa pinakababa.
Pangalan ng Network: BSC Mainnet
URL ng Bagong RPC: https://bsc-dataseed1.binance.org/
ChainID: 56
Simbolo: BNB
URL ng Block Explorer: https://bscscan.com/
7. Ngayon, idagdag ang tamang kontrata ng token sa iyong MetaMask wallet. Ang hakbang na ito ay magbibigay ng pahintulot sa iyong piniling wallet na sumusuporta sa BEP-20 para hanapin ang nawawalang token. Makikita mo ang listahan ng mga token at kontrata ng token sa BscScan. Para sa ERC-20 na naipadala sa BSC, mag-click sa Binance-Peg Ethereum Token (ETH) para hanapin ang kontrata ng token nito.
8. Kopyahin ang kontrata ng token bilang paghahanda sa susunod na hakbang at bigyang-pansin ang field ng Mga Decimal.
9. Piliin ang [BSC Mainnet] mula sa dropdown na listahan ng network, i-click ang [Magdagdag ng Token], at i-click ang [Custom Token].
10. Ilagay ang Address ng Kontrata ng Token, Simbolo ng Token, at Mga Decimal ng Precision. Para sa ating ETH na halimbawa, ang mga ito ay:
Address ng Kontrata ng Token: 0x2170ed0880ac9a755fd29b2688956bd959f933f8
Simbolo ng Token: ETH
Mga Decimal ng Precision: 18
I-click ang [Magdagdag ng Mga Token] para kumpirmahin.
11. Nakikita mo na dapat ngayon ang iyong mga nawalang ETH token sa iyong balanse sa wallet. Mula rito, mayroon ka nang opsyong ibalik ito sa BEP-20 na address ng wallet ng iyong account sa Binance. Puwede mo ring gamitin ang Binance Bridge kasama ng MetaMask para i-convert ang iyong token sa ERC-20 kung gusto mo.
Tingnan ang seksyong Pagbawi mula sa isang wallet na sumusuporta sa BSC at Ethereum para sa higit pang impormasyon tungkol sa pag-bridge ng iyong mga token.
➟ Gustong magsimula sa cryptocurrency? Bumili ng BNB sa Binance!
Pagbawi mula sa isang custodial wallet o palitan
Kung tatangkain mong i-withdraw ang iyong mga pondo papunta sa isang custodial wallet na hindi sumusuporta sa BEP-20, gaya sa ibang palitan ng crypto, kailangan mong makipag-ugnayan sa custodial holder ng wallet.
Ang ilang custodial wallet provider ay posibleng makatulong nang may bayad o payagan kang ma-access ang iyong mga pribadong key. Puwede mo na ngayong i-import ang pribadong key papunta sa isang wallet na sumusuporta sa BSC. Sa kasamaang palad, hindi maibibigay sa iyo ng karamihan, kabilang ang mga palitan, ang iyong key.
Kung magdedeposito ka ng mga token sa iyong account sa Binance at mali ang mapipili mong blockchain, hindi ka matutulungan ng Binance na bawiin ang iyong crypto.
Mga pangwakas na pananaw
Ang pagpili ng tamang network ng paglilipat ang isa sa mga nakakalitong bahagi ng pag-withdraw ng iyong crypto mula sa Binance. Pero sa oras na masanay ka rito, hindi mo na maipapadala ang iyong BTC o ETH sa maling network kahit kailan. Sa karamihan ng mga kaso, sa isang karaniwang wallet, ang iyong mga pondo ay SAFU at mababawi sa pamamagitan lang ng ilang hakbang.