Paano Gumawa ng Sarili Mong Cryptocurrency?
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Ano ang cryptocurrency?
Pinagkaiba ng mga crypto coin at token
Paggawa ng mga crypto coin vs. token
Mga nangungunang solusyon sa paggawa ng cryptocurrency
Mga bagay na dapat isaalang-alang kapag nagdidisenyo ng iyong crypto
Gumawa ng iyong cryptocurrency sa 6 na hakbang
Paano gumawa ng BEP-20 token
Paano ipalista ang iyong cryptocurrency
Gastos sa paggawa ng sarili mong cryptocurrency
Mga pangwakas na pananaw
Paano Gumawa ng Sarili Mong Cryptocurrency?
HomeMga Artikulo
Paano Gumawa ng Sarili Mong Cryptocurrency?

Paano Gumawa ng Sarili Mong Cryptocurrency?

Intermediya
Na-publish Oct 29, 2021Na-update Sep 28, 2022
13m

TL;DR

Kapag gumagawa ng bagong cryptocurrency, mapipili mong gumawa ng coin o token. Ang coin ay may sariling blockchain, habang ang token naman ay binubuo sa dati nang network. Umaasa ang mga cryptocurrency sa mga blockchain dahil sa seguridad at desentralisadong katangian ng mga ito.

Sa paggawa ng token, hindi masyadong kailangan ng kahusayan at pagsisikap kaysa sa paggawa ng crypto coin. Karaniwang mangangailangan ng isang team ng mga developer at eksperto para makagawa ng coin. Kailangan pa rin ng teknikal na kaalaman sa token, pero posibleng gumawa nito sa loob ng ilang minuto gamit ang ibang blockchain, gaya ng Ethereum, BNB Smart Chain, Solana, at Polygon. 

Magbabago kung alin ang pipiliin mo sa coin o token depende sa kakayahang ma-customize o gamit na gusto mo. Sa pangkalahatan, nakadepende ang magagastos sa kailangang gawin, gaya ng mga external developer at oras.

Ang Ethereum at BNB Smart Chain ay mga sikat na blockchain para sa paggawa ng mga digital currency. Puwede kang gumamit ng subok nang code para gumawa ng mga token nang mag-isa o magbayad para gumamit ng serbisyo sa paggawa ng coin. Ang mga sidechain ay isa pang sikat na opsyon dahil nagbibigay ang mga ito ng mas maraming pag-customize kasama ng mga pangunahing benepisyo ng blockchain.

Bago ka gumawa ng sarili mong crypto, kakailanganin mong pag-isipan ang gamit, tokenomics, at legal na status nito. Pagkatapos nito, kailangan ang lahat ng pipiliin mo pagdating sa blockchain, mekanismo ng consensus, at arkitektura para sa yugto ng pag-develop. Susunod, puwede mong pag-isipang ipa-audit ang iyong proyekto at ipasailalim ito sa huling legal na pagsusuri. Bagama't halos kahit sino ay makakagawa ng cryptocurrency, kailangan ng seryosong pagsisikap at dedikasyon sa paggawa ng matatag na proyekto.


Panimula

Kapana-panabik para sa maraming fan ng crypto ang ideya ng paggawa ng sarili mong cryptocurrency, mga mapaggagamitan, at audience. Pero saan pinakamagandang magsimula? Sa totoo lang, maraming paraan para gumawa ng mga coin at token. Nag-iiba-iba rin ang gastusin at kaalaman depende kung gaano kakumplikado ang iyong proyekto. Kung pinag-iisipan mong gumawa ng sarili mong cryptocurrency, inilalatag ng aming artikulo ang mga pangunahing kaalaman para makapagsimula ka.


Ano ang cryptocurrency?

Ang cryptocurrency, na kilala rin bilang crypto, ay isang uri ng digital asset na maraming mapaggagamitan. Sa pangkalahatan, isa itong paraan para magpalipat-lipat ng halaga sa mga tao sa digital na paraan, kasama na ang perang halaga, mga karapatan sa pagmamay-ari, o kahit mga pribilehiyo sa pagboto. Naiiba ang crypto kaysa sa iba pang digital na system ng pagbabayad dahil sa pinagmulan nito sa teknolohiya ng blockchain. Dahil sa batayang ito, nagkakaroon ang mga cryptocurrency ng higit pang kalayaan mula sa mga sentral na entity gaya ng mga pamahalaan o bangko.

Bitcoin ang pinakasikat na halimbawa ng cryptocurrency. Simple ang mapaggagamitan nito, ang paglilipat ng perang halaga sa kahit sino sa buong mundo nang hindi nangangailangan ng mga tagapamagitan. Itinatala ng blockchain nito ang lahat ng transaksyon at tinitiyak nito ang seguridad at stability ng network.


Pinagkaiba ng mga crypto coin at token

Puwedeng hatiin ang mga cryptocurrency sa dalawang kategorya: mga coin at mga token. Simple ang pinagkaiba ng mga ito. Ang mga coin ay may sariling native blockchain, halimbawa, ang Bitcoin. Ang Ether (ETH) ay may blockchain ng Ethereum. Kadalasang may partikular na gamit ang mga coin sa buong network, gaya ng pagbabayad ng bayarin sa transaksyon, pag-stake, o pakikilahok sa pamamahala.

Binubuo ang mga token sa mga dati nang blockchain. Baka may ilang tungkulin ang mga ito na pareho sa mga coin, pero pinakakaraniwang may gamit ang mga token sa sariling mga proyekto ng mga ito. Isang halimbawa ang CAKE ng PancakeSwap sa BNB Smart Chain. Puwede mo rin itong gamitin para magbayad ng ilang partikular na transaksyon sa ecosystem ng PancakeSwap, gaya ng pag-mint ng mga Non-Fungible Token o paglalaro sa lotto nito. Gayunpaman, walang sariling blockchain ang CAKE, kaya hindi ito magagamit sa bawat application sa buong BSC. Ganito rin ang sitwasyon para sa libo-libong ERC-20 token na iniisyu sa blockchain ng Ethereum. Bawat token ay bahagi ng isang partikular na proyekto na may iba't ibang mapaggagamitan.


Paggawa ng mga crypto coin vs. token

Gaya ng nabanggit, mas simple ang paggawa ng token kaysa sa paggawa ng coin. Sa coin, kailangan mong mag-develop at matagumpay na makapagpanatili ng blockchain. Puwede kang mag-fork (gumawa ng kopya) ng isa pang dati nang chain, pero hindi nito malulutas ang problema ng paghahanap ng mga user at validator na tutulong para magpatuloy ang iyong network. Sa kabila noon, puwedeng mas mataas ang potensyal para sa tagumpay sa bagong coin kaysa sa paggawa lang ng token. Narito ang pangunahing pangkalahatang-ideya ng dalawang opsyon:

Coin

Token

Gumagana sa sarili nitong network ng blockchain

Puwedeng buuin sa mga dati nang blockchain na may matatag nang user base

Nangangailangan ng advanced na kaalaman sa blockchain at mga kakayahan sa pag-code

Simpleng gawin gamit ang mga dati nang tool at open-source na code

Mas magastos at matagal ang pag-develop ng blockchain

Mas mabilis, mas simple, at di-hamak na mas mura ang pag-develop ng token


Paggawa ng coin

Posibleng magtagal ang paggawa ng bagong coin kung magde-develop ka ng sarili mong blockchain. Gayunpaman, puwedeng mabilis na mag-fork ng dati nang blockchain at puwede itong gamitin bilang batayan para sa bago mong coin. Ang Bitcoin Cash (BCH) ay isang halimbawa ng na-fork na proyekto. Para magawa ito, kailangan mo pa rin ng mataas na antas ng kaalamang teknikal at kaalaman sa pag-code. Nakasalalay rin ang tagumpay ng iyong proyekto sa pagyayaya sa mga bagong user na sumali sa network ng blockchain mo, na mahirap gawin.

Paggawa ng token

Sa paggawa ng token sa dati nang blockchain, puwedeng gamitin ang reputasyon at seguridad nito. Bagama't hindi ka magkakaroon ng kumpletong kontrol sa lahat ng aspekto ng iyong token, marami ka pa ring mako-customize. May iba't ibang website at tool na available para makagawa ka ng sarili mong token, lalo na sa BSC at Ethereum.

Coin ba o token ang dapat kong gawin para sa proyekto ko?

Karaniwang sapat na ang token para sa mga Decentralized Finance (DeFi) application o play-to-earn na laro. Parehong may napakalawak na flexibility at kalayaan ang BSC at Ethereum para magamit ng mga developer. 

Kung gusto mong sagarin ang mga ginagawa ng isang coin o blockchain, malamang na mas magandang gumawa ng coin na may sarili nitong blockchain. Tunay na mas mahirap gumawa ng bagong blockchain at coin kaysa mag-isyu ng crypto token. Pero kapag nagawa ito nang tama, puwede itong makapagdala ng maraming pagbabago at mga bagong posibilidad. Ang BNB Smart Chain, Ethereum, Solana, at Polygon ay magagandang halimbawa. 

Mangangailangan pa rin ang dalawang opsyon ng matinding pagsisikap kasama ng kaalamang teknikal, kaalaman sa economics, at kaalaman sa merkado para magtagumpay ang mga ito.


Mga nangungunang solusyon sa paggawa ng cryptocurrency

BSC, Ethereum, at Solana ang ilan sa mga pinakasikat na solusyon para sa paggawa ng mga cryptocurrency. Ang mga network na ito ay nagbibigay ng mga paraan para makagawa ng iba't ibang token batay sa mga dati nang pamantayan. Ang mga pamantayan sa token na BEP-20 at ERC-20 ay mga nangungunang halimbawa na masusuportahan ng halos kahit sinong provider ng crypto wallet.

Nabibilang ang ERC-20 sa blockchain ng Ethereum, habang bahagi naman ng BNB Smart Chain ang BEP-20. Pinapayagan ng dalawang network ang paggawa at pag-customize ng mga smart contract na magbibigay-daan sa iyong gumawa ng sarili mong mga token at decentralized application (DApp). Sa mga DApp, makakagawa ka ng ecosystem na magbibigay ng mas maraming mapaggagamitan at functionality sa iyong token.

Puwede mo ring tingnan ang mga sidechain na gumagamit sa seguridad ng mas malaking chain gaya ng Ethereum o Polkadot pero nagbibigay rin ng kaunting pag-customize. Nauugnay ang Polygon Network sa Ethereum at nagbibigay ito ng katulad na karanasan pero mas mura at mas mabilis itong gamitin.

Pagkatapos pumili ng blockchain, mangangailangan ka ng paraan para sa paggawa ng iyong token. Sa BSC at iba pang blockchain na nakabatay sa Ethereum Virtual Machine, simple lang ang proseso. Makakakita ka rin ng mga handa nang gamiting tool na gumagawa ng mga token batay sa mga ibibigay mong parameter at panuntunan. Karaniwang may bayad ang mga ito, pero mas praktikal na opsyon ang mga ito para sa mga user na hindi pamilyar sa mga smart contract.

Kung gusto mong gumawa ng sarili mong blockchain at coin, malamang na mangangailangan ka ng isang team ng mga developer ng blockchain at eksperto sa industriya. Kahit na tingnan mo ang pag-fork ng blockchain gaya ng Ethereum o Bitcoin, marami pa ring kailangang gawin para ma-set up ang iyong network. Kasama rito ang paghikayat sa mga user na kumilos bilang mga validator at magpagana ng mga node para patuloy na mapatakbo ang blockchain.


Mga bagay na dapat isaalang-alang kapag nagdidisenyo ng iyong crypto

Maliban sa mga kapuna-punang dapat pagpasyahan gaya ng iyong blockchain o paggawa ng coin o token, may ilan pang ibang pangunahing bahaging dapat pag-isipan:

Tukuyin ang gamit ng iyong cryptocurrency

Maraming tungkuling puwedeng gampanan ang mga cryptocurrency. Kumikilos ang iba nang parang mga susi para makapag-access ng mga serbisyo. Ang iba ay kumakatawan sa mga stock o iba pang pampinansyal na asset. Para maunawaan at maimapa ang proseso ng paggawa ng iyong crypto, kakailanganin mong tukuyin ang mga feature nito sa umpisa pa lang.

Idisenyo ang iyong tokenomics

Ang tokenomics ay ang economics na namamahala sa iyong crypto, gaya ng kabuuang supply, paraan ng pamamahagi, at inisyal na pagpepresyo. Puwedeng pumalya ang isang magandang ideya kung hindi tama ang tokenomics at hindi binibigyan ng insentibo ang mga user para bilhin ang cryptocurrency. Halimbawa, kung gumagawa ka ng stablecoin pero hindi mo ito ma-peg nang tama, walang gugustong bumili o humawak nito.

Ang mga bansa sa buong mundo ay may sarili nilang mga batas at panuntunan tungkol sa mga cryptocurrency. Baka bina-ban pa sa ilang hurisdiksyon ang paggamit ng mga cryptocurrency. Pag-isipan nang mabuti ang iyong legal na obligasyon at anumang isyu sa pagsunod na posible mong kaharapin.


Gumawa ng sarili mong cryptocurrency sa 7 hakbang

Kung gagawa ka lang ng token, hindi naaangkop ang bawat hakbang sa tutorial sa ibaba. Ang mas mahalaga ay ang tatlong hakbang sa pagdidisenyo sa itaas. Masasaklawan ng karamihan ng aming mga tagubilin ang mga pangunahing kaalaman sa paggawa muna ng blockchain bago i-mint ang iyong coin sa wakas.

1. Pumili ng naaangkop na platform ng blockchain

Para sa isang token, kakailanganin mong piliin ang blockchain kung saan mo imi-mint ang iyong crypto. Mga sikat na opsyon ang BSC at Ethereum, pero puwede ring maging magandang ideya ang mga sidechain. Para makagawa ka ng sarili mong coin, kakailanganin mong pag-isipan ang pagdidisenyo o pagkuha ng isang tao para gumawa ng custom na blockchain.

2. Pumili ng mekanismo ng consensus

Kung gumagawa ka ng sarili mong blockchain o kung hindi ka sigurado kung alin ang pipiliin mo para sa iyong token, pag-isipan ang mekanismo ng consensus na gusto mo. Tinutukoy ng mga mekanismong ito kung paano magkukumpirma at magva-validate ng mga transaksyon sa network ang mga kalahok. Gumagamit ang karamihan ng mga blockchain ng Proof of Stake dahil mababa ang mga kinakailangan nito sa hardware at marami itong iba't ibang variation. Ang Proof of Work, na ginagamit sa Bitcoin, ay itinuturing na mas secure ng ilan pero kadalasang mahal itong panatilihin at hindi ito masyadong nakakabuti sa kalikasan.

3. Idisenyo ang arkitektura ng iyong blockchain

Kailangan lang ang hakbang na ito kung gumagawa ka ng coin. Hindi lahat ng blockchain ay nagpapahintulot sa publiko na mag-validate ng mga transaksyon o magpagana ng mga node. Mahalaga ang pagdedesisyon kung  pribado, pampubliko, nangangailangan ng pahintulot, o hindi nangangailangan ng pahintulot ang magiging blockchain mo. Nakadepende ang arkitektura ng iyong blockchain sa sinusubukang gawin ng coin at proyekto mo. Halimbawa, posibleng magpatakbo ng pribadong blockchain ang isang kumpanya o bansang gumagawa ng coin para sa karagdagang kontrol.

4. Simulan ang pag-develop ng blockchain

Maliban na lang kung mayroon kang pang-ekspertong kaalaman sa pag-develop, mangangailangan ka ng tulong mula sa labas para mabuo ang mga ideya mo. Kapag tumatakbo na ang blockchain sa isang live na environment, napakahirap baguhin ng mga pangunahing konsepto at panuntunan nito. Gumamit ng testnet para matiyak na gumagana ang lahat ayon sa plano at makipagtulungan sa isang buong team sa pag-develop para mabuo ang blockchain mo. 

5. I-audit ang iyong crypto at ang code nito

Puwedeng suriin ng mga kumpanya sa pag-audit gaya ng Certik ang code ng iyong blockchain at ang cryptocurrency nito para maghanap ng anumang kahinaan. Pagkatapos, puwede mong i-publish sa publiko ang pag-audit at aksyunan din ang mga resulta nito. Nagbibigay ang prosesong ito ng kaunting katiyakan sa seguridad para sa iyo bilang gumawa at para sa sinumang potensyal na user o namumuhunan. 

Ngayong gumagana na ang iyong blockchain at handa ka nang mag-mint ng iyong cryptocurrency, pinakamainam na humingi ng legal na payo mula sa eksperto para masuri kung kakailanganin mong mag-apply para sa pahintulot. Muli, mahirap magawa nang mag-isa ang hakbang na ito at nangangailangan ito ng tulong mula sa labas.

7. I-mint ang iyong cryptocurrency

Token o coin man ang ginagawa mo, kakailanganin mong i-mint ang cryptocurrency sa isang partikular na pagkakataon. Mag-iiba ang eksaktong paraan batay sa iyong tokenomics. Halimbawa, karaniwang mini-mint nang sabay-sabay ang mga token na may nakatakdang supply sa pamamagitan ng smart contract. Unti-unting mini-mint ang mga coin gaya ng Bitcoin, dahil nagva-validate ng mga bagong block ng transaksyon ang mga minero.


Paano gumawa ng BEP-20 token

Para makagawa ng simpleng BEP-20 token, kakailanganin mo ng kaunting pangunahing kakayahan sa pag-code para makapag-deploy ng smart contract sa BNB Smart Chain. Kailangan mo ring mag-install ng MetaMask at magkaroon ng kaunting BNB sa iyong wallet para sa bayarin sa gas.

1. Siguraduhing naidagdag mo na ang mainnet ng BSC sa MetaMask. Makakakita ka ng mga detalyadong tagubilin sa aming gabay sa Pagkonekta ng MetaMask sa BNB Smart Chain.

2. Pumunta sa Remix, na isang online application para sa pag-develop at pag-deploy ng mga smart contract sa mga blockchain na compatible sa Ethereum Virtual Machine. I-right click ang folder na [mga kontrata] at i-click ang [Bagong File].


3. Pangalanang “BEP20.sol” ang file.


4. Siguraduhing naitakda mo ang programming language bilang [Solidity], kung hindi, hindi gagana ang iyong smart contract. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pag-click sa icon na nakabalangkas sa ibaba sa kanan.


5. Kopyahin ang code ng smart contract ng BEP-20 sa iyong file. Makakakita ka ng higit pang impormasyon tungkol sa mga parameter at function ng code sa GitHub.


6. Baguhin ang pangalan, simbolo, mga decimal, at totalSupply para sa iyong coin. Dito, napili namin ang Binance Academy Coin (BAC) bilang halimbawa, na may 18 decimal place at kabuuang supply na 100,000,000. Huwag kalimutang magdagdag ng sapat na dami ng mga 0 para mapunan ang 18 decimal place.


7. Susunod, kakailanganin mong i-compile ang smart contract. I-click ang icon na ipinapakita sa ibaba sa kaliwang bahagi ng screen, lagyan ng check ang [Awtomatikong i-compile] at [I-enable ang pag-optimize], pagkatapos ay i-click ang button na [I-compile].


8. I-click ang button na [ABI] para kopyahin ang ABI ng kontrata.


9. I-click ang icon na naka-highlight sa ibaba sa kaliwang bahagi ng screen. Piliin ang [Injected Web3] bilang iyong environment at pagkatapos ay payagan ang MetaMask na kumonekta sa Remix. Bilang pangwakas, siguraduhing napili mo ang iyong BEP20 contract bago mo i-click ang [I-deploy].

10. Kakailanganin mo na ngayong magbigay ng bayad sa transaksyon sa pamamagitan ng MetaMask para i-deploy ang kontrata sa blockchain. Kapag live na ang smart contract, kailangan mong i-verify at i-publish ang source code ng iyong kontrata. 

Kopyahin ang address ng kontrata sa BscScan, piliin ang [Solidity (Single)] bilang uri ng compiler, at itugma ang bersyon ng compiler na ginamit sa hakbang 7.


11. Susunod, i-right click ang BEP20.sol sa Remix at pindutin ang [I-flatten]. Pagkatapos, kakailanganin mong bigyan ang Remix ng pahintulot na i-flatten ang code.


12. Kopyahin ang code mula sa iyong BEP20_flat.sol papunta sa field, at siguraduhing nakatakda ang [Pag-optimize] sa Oo. Ngayon, i-click ang [I-verify at I-publish] sa ibaba ng page.


13. May makikita ka nang matagumpay na splash screen. Gamit ang na-verify na code, puwede mong i-mint ang iyong token gamit ang the _mint call na ipinapatupad sa kontrata. Pumunta sa address ng kontrata sa BscScan at i-click ang [Magsulat ng Kontrata], pagkatapos ay i-click ang [Kumonekta sa Web3] para ikonekta ang iyong account sa MetaMask.



14. Pumunta sa seksyon ng page para sa Pag-mint, at ilagay ang dami ng mga token na gusto mong i-mint. Magmi-mint tayo ng 100,000,000 BAC. Huwag kalimutang idagdag din ang mga decimal, sa sitwasyong ito, 18. I-click ang [Isulat] at ibigay ang bayad sa MetaMask.


15. Dapat mo nang makitang na-mint na ang mga token at naipadala na ang mga ito sa wallet na gumawa sa smart contract.



Paano ipalista ang iyong cryptocurrency

Sa pamamagitan ng pagpapalista ng iyong coin o token sa isang palitan ng cryptocurrency gaya ng Binance, puwede itong maipakilala sa mas malaking audience sa ligtas at kontroladong paraan. Kung makakagawa at makakapag-develop ka ng matatag na proyekto ng cryptocurrency, puwede mong sagutan ang mga online na form ng aplikasyon ng Binance para sa direktang paglilista at/o pamamahagi sa Launchpad/Launchpool.

Bawat cryptocurrency ay dumadaan sa mabusising proseso ng due diligence, at kakailanganin mong regular na bigyan ng update ang Binance tungkol sa iyong pag-usad sa panahon ng aplikasyon. Kakailanganin mo ring tumanggap ng BNB at BUSD sa ecosystem ng iyong cryptocurrency, gaya ng pagbibigay ng mga ito bilang liquidity o pagtanggap ng mga ito sa iyong initial coin offering (ICO) o pagbebenta ng token.


Gastos sa paggawa ng sarili mong cryptocurrency

Ang mga sangkot na gastos ay nauugnay sa mga pipiliin mong paraan at pag-set up. Kung gumagawa ka ng coin at blockchain, malamang na kakailanganin mong magbayad ng isang buong team sa loob ng maraming buwan. Puwede ring magkahalaga ng humigit-kumulang $15,000 (USD) ang pag-audit ng code mula sa isang maaasahang team. Sa pinakamura, puwedeng matapos ang isang simpleng token sa BSC sa halagang $50. Kapag na-average natin ito, para makagawa ng cryptocurrency nang may kaunting tsansang magtagumpay, malamang na kakailanganin mong gumastos ng libo-libong dolyar sa paggawa, marketing, at pagbuo ng komunidad nito.



Mga pangwakas na pananaw

Kung magpapasya kang gumawa ng sarili mong cryptocurrency, siguraduhing gamitin lang ang aming impormasyon bilang pagsisimulan. Isa itong malalim na paksang matagal bago maunawaan nang mabuti. Bukod pa sa paggawa sa token o coin, kailangan mo ring pag-isipan kung paano ito magtatagumpay pagkatapos mailunsad. Makakatulong sa paggawa ng sarili mong cryptocurrency ang pag-aaral sa iba pang proyekto at sa paglulunsad ng mga ito para malaman kung ano ang umubra at kung ano ang hindi.