Binance Smart Chain vs. Ethereum: Ano ang Pagkakaiba?
Talaan ng mga Nilalaman
Panimula
Trapiko ng blockchain at ecosystem ng DApp
Mga pinakamadalas gamiting DeFi DApp sa Ethereum at BSC
Mga paglilipat sa pagitan ng mga network 
Bayarin sa transaksyon
Tagal ng transaksyon
Mekanismo ng consensus
Mga pangwakas na pananaw
Binance Smart Chain vs. Ethereum: Ano ang Pagkakaiba?
HomeMga Artikulo
Binance Smart Chain vs. Ethereum: Ano ang Pagkakaiba?

Binance Smart Chain vs. Ethereum: Ano ang Pagkakaiba?

Baguhan
Published Jun 29, 2021Updated Oct 11, 2021
8m

TL;DR

Ang Binance Smart Chain (BSC) ay isang hard fork ng Go Ethereum (Geth) na protocol, kaya naman marami itong pagkakatulad sa blockchain ng Ethereum. Gayunpaman, gumawa ng malalaking pagbabago ang mga developer ng BSC sa ilang mahahalagang bahagi. Ang pinakamalaking pagbabago ay ang mekanismo ng consensus ng BSC na nagbibigay-daan sa mga mas mura at mas mabilis na transaksyon.


Panimula

Sa unang tingin, lubhang magkatulad ang Binance Smart Chain (BSC) at Ethereum. Compatible sa Ethereum Virtual Machine (EVM) ang mga DApp at token na binuo sa BSC. Napansin mo na sigurong magkapareho ang mga pampublikong address ng iyong wallet sa parehong blockchain. May mga cross-chain na proyekto pa ngang tumatakbo sa parehong network. Gayunpaman, may ilang kapansin-pansing pagkakaiba sa dalawang chain. Kung iniisip mo kung alin ang gagamitin, pinakamainam na malaman at maunawaan ang mga pagkakaiba.


Trapiko ng blockchain at ecosystem ng DApp

Mula noong Hunyo 2021, nagho-host ang Ethereum ng mahigit 2800 DApp sa blockchain kumpara sa humigit-kumulang 810 sa BSC. Malaking pagkakaiba ito, pero kung isasaalang-alang kung kailan lang nagsimula ang BSC, nagpapakita ito ng malakas at lumalagong ecosystem.

Ang mga aktibong address ay isa ring mahalagang on-chain na sukatan na dapat isaalang-alang. Kahit na mas bagong blockchain ang BSC, nakapagtala ito ng high na 2,105,367 address noong Hunyo 7, 2021 – mahigit doble ng all-time high ng Ethereum na 799,580 address noong Mayo 9, 2021.

Kaya, ano ang dahilan sa likod ng biglaan at malaking paglago ng BSC? Marami sa mga ito ay dahil sa mas mabibilis na kumpirmasyon at mababang bayarin. Posibleng nauugnay din ang paglago ng BSC sa lumalaking hype sa mga NFT at ang pagiging compatible nito sa mga sikat na crypto wallet, tulad ng Trust Wallet at MetaMask.

Kung titingnan natin ang mga pang-araw-araw na transaksyon, may mas malaki pang pagkakaiba ang dalawa. Sa BSC, mas mabilis at mas matipid para sa mga user na ilipat ang kanilang mga pondo at makipag-ugnayan sa mga smart contract. Makikita mo sa ibaba ang peak ng BSC na humigit-kumulang 12 milyong transaksyon araw-araw at ang kasalukuyan nitong status na mahigit apat na milyon.


Sa kabilang banda, hindi kailanman lumampas ang Ethereum sa 1.75 milyong pang-araw-araw na transaksyon. Para sa mga user na kailangang regular na maglipat ng kanilang mga pondo, mukhang mas pinipili nila ang BSC. Kailangan ding tingnan ang mga pang-araw-araw na transaksyon sa konteksto ng mga aktibong address. Noong isinusulat ito, mas maraming user ang BSC na mas marami ring nagagawang transaksyon sa average.


Mga pinakamadalas gamiting DeFi DApp sa Ethereum at BSC

Pagdating sa decentralized finance, malaki ang pagkakaiba sa DApp ng BSC at Ethereum dahil sa pagiging compatible ng mga blockchain. Madaling makakapag-port ng mga application ang mga developer mula sa Ethereum papunta sa BSC, at madalas na ginagamit ulit ng mga bagong proyekto ng BSC ang open-source code mula sa Ethereum sa ilalim ng ibang pangalan. Tingnan natin ang limang nangungunang DApp sa Ethereum ayon sa mga user sa DAppRadar.


Makikita mo rito ang kumbinasyon ng dalawang DeFi Automated Market Maker (Uniswap at SushiSwap), isang crypto game (Axie Infinity), at isang peer-to-peer na marketplace (OpenSea). Kung titingnan mo ang nangungunang lima ng BSC, makakakita ka ng maraming pagkakatulad.


Ginawa ang PancakeSwap bilang hard fork ng Uniswap. Ang Autofarm at Pancake Bunny ay mga yield farm – isang kategorya na hindi natin makikita sa nangungunang lima ng Ethereum. Ang Biswap at Apeswap ay parehong Mga Automated Market Maker. Dahil masyadong mura ang bayarin sa BSC at talagang mas mabilis ang mga transaksyon, nagiging mas mahusay ang mga yield farm sa Binance Smart Chain. Ang mga salik na ito ang dahilan kung bakit mas pinipili ang mga ito ng mga user ng BSC.
Pagdating sa mga crypto game, talagang ang Ethereum ang tahanan ng mga pinakasikat na title. Bagama't may mga proyekto sa BSC na katulad na katulad ng CryptoKitties at Axie Infinity, hindi nakakuha ang mga iyon ng mga audience na kasinglaki ng mga audience ng mga classic na laro sa Ethereum.


Mga paglilipat sa pagitan ng mga network 

Kung nagdeposito ka ng BEP-20 o ERC-20 sa iyong wallet, baka napansin mong magkapareho ang mga address ng iyong Ethereum at BSC wallet. Kaya, halimbawa, kung maling network ang mapili mo kapag wini-withdraw ang iyong mga token mula sa isang palitan, madali mong maibabalik ang mga iyon mula sa kabilang blockchain.
Kung nakapag-withdraw ka ng mga ERC-20 token papunta sa BSC nang hindi sinasadya, makikita mo pa rin ang mga iyon sa katumbas na address ng BSC. Puwede ka ring dumaan sa parehong proseso kung nakapagpadala ka ng mga token sa Ethereum mula sa BSC nang hindi sinasadya. Sa parehong sitwasyon, sa kabutihang palad, hindi permanenteng nawala ang iyong mga pondo. Para sa isang mas detalyadong gabay, tingnan ang Paano Mababawi ang Crypto na Nailipat sa Maling Network sa Binance.


Bayarin sa transaksyon

Parehong gumagamit ng gas na modelo ang BSC at Ethereum para sa bayarin sa transaksyon, na sumusukat sa pagiging kumplikado ng isang transaksyon. Puwedeng magtakda ang mga user ng BSC ng gas price ayon sa demand ng network, at bibigyang-priyoridad ng mga minero ang mga transaksyong may mas mataas na gas price. Gayunpaman, naghahatid ang London hard fork ng Ethereum ng ilang bagong pagbabago na malamang na mag-aalis sa pangangailangang magbayad nang malaki.

Dahil sa update sa Ethereum, magkakaroon ng bagong mekanismo sa pagpepresyo na may batayang bayad sa bawat block. Nagbabago ang batayang bayad depende sa demand para sa mga transaksyon, kaya hindi na kailangang pagpasyahan mismo ng mga user ang gas price.

Dati, talagang mas mataas ang bayarin sa gas ng Ethereum kaysa sa bayarin sa BSC. Ang pinakamataas na average na nakita ay noong Mayo 2021 na umabot sa $68.72. Nagsimula nang magbago ang trend na ito, pero mas mahal pa rin ang Ethereum sa kasalukuyan.


Tingnan natin ang mga average na gastos para sa Ethereum mula sa Etherscan para makakuha ng mas magandang pagtingin. Ipinapakita ng tatlong nangungunang numero ang mga kasalukuyang gas price sa Ethereum. Para sa BSC at Ethereum, ang isang gwei ay katumbas ng 0.000000001 BNB o ETH, ayon sa pagkakabanggit. Kung ang mas mababang presyo ang babayaran mo, magiging mas matagal ang pagpoproseso ng iyong transaksyon.
Para sa simpleng paglilipat ng ERC-20 token sa ibang wallet, ang average na presyo noong isinusulat ito ay $2.46. Nagiging $7.58 ang presyong ito kapag gumagamit ng liquidity pool ng Uniswap na binubuo ng maraming transaksyon.


Makikita natin sa ibaba ang isang transaksyon sa BSC na $0.03 lang ang bayad, katumbas ng paglilipat ng ERC-20 sa tracker ng gas sa Ethereum. Kinalkula ito ng BSC sa pamamagitan ng pag-multiply sa gas na ginamit sa transaksyon (21,000) sa gas price (5 gwei).


Tagal ng transaksyon

Medyo mahirap ang pagsusukat sa mga average na tagal ng transaksyon sa mga blockchain. Bagama't kumpleto na kung tutuusin ang isang transaksyon kapag na-validate ng mga minero ang block kung nasaan ito, puwedeng makaapekto ang iba pang aspekto sa tagal ng paghihintay mo:

  1. Kung hindi sapat ang taas ng iyong bayad, puwedeng ipagpaliban ng mga minero ang transaksyon mo o hindi ito isama sa isang block.
  2. Nangangailangan ng maraming transaksyon ang mga mas kumplikadong paggamit ng blockchain. Halimbawa, pagdaragdag ng liquidity sa isang liquidity pool.
  3. Ituturing lang ng karamihan ng mga serbisyo na valid ang isang transaksyon pagkatapos makumpirma ang isang partikular na bilang ng mga block. Dahil sa mga dagdag na kumpirmasyong ito, nababawasan ang panganib na ibalik ng mga merchant at service provider ang mga bayad kung sakaling tanggihan ng network ang block.

Kung titingnan natin sa itaas ang mga istatistika ng gas para sa Ethereum, makikita nating ang tagal ng transaksyon ay puwedeng 30 segundo hanggang 16 na minuto. Isinasaalang-alang ng tagal na ito ang matatagumpay na transaksyon pero hindi ang mga dagdag na kinakailangang kumpirmasyon. 

Halimbawa, kung magdedeposito ka ng ETH (ERC-20) sa iyong account sa Binance, kakailanganin mong maghintay ng 12 kumpirmasyon ng network. Dahil may namiminang block kada halos 13 segundo, gaya ng makikita mo sa diagram sa ibaba, maglalagay ito ng dagdag na 156 na segundo kapag nagdedeposito ng ETH sa iyong spot wallet.


Sa BSC, ang average na tagal ng pagmimina ng block ay 3 segundo. Kapag ikinumpara natin ito sa 13 segundo ng Ethereum, makikita nating mas mabilis ito nang 4.3 beses.


Mekanismo ng consensus

Bagama't pareho ang Proof of Work (PoW) na mekanismo ng consensus ng Ethereum sa Bitcoin, malaki ang kaibahan nito sa Proof of Staked Authority (PoSA) ng BSC. Gayunpaman, hindi magtatagal ang pagkakaibang ito. Sa Ethereum 2.0, gagamit na lang ang network ng Proof of Stake (PoS) na mekanismo.
Pinagsasama ng PoSA ng BSC ang mga aspekto ng Proof of Authority (PoA) at Delegated Proof of Stake (DPoS). Nagpapalitan ang 21 validator para bumuo ng mga block, at bilang resulta, tumatanggap sila ng bayarin sa transaksyon ng BNB bilang reward. Para maging validator, kailangang magpagana ng node at mag-stake ng hindi bababa sa 10,000 BNB para maging isang napiling kandidato.
Ang ibang user, na kilala bilang mga delegator, ay nagse-stake sa likod ng isang napiling kandidato. Ang nangungunang 21 napiling kandidato ayon sa halagang na-stake ay magpapalitan para magproseso ng mga block. Nauulit ang buong prosesong ito kada 24 na oras. Nakakatanggap din ang mga delegator ng bahagi sa mga reward na nakukuha ng mga validator.
Ibang iba naman ang sistema ng PoW ng Ethereum. Sa halip na komunidad ang pumipili ng mga validator, may unahan sa paglutas ng isang computational puzzle. Puwedeng sumali ang kahit na sino, pero kakailanganin nilang bumili o magrenta ng espesyal na gamit sa pagmimina. Kapag mas marami kang computation power, mas malamang na ikaw ang maunang makalutas sa puzzle at makapag-validate ng block. Ang matatagumpay na minero ay tumatanggap ng bayarin sa transaksyon at ETH na reward.
Bagama't epektibong paraan ang PoW sa paggawa ng consensus at pagtiyak sa seguridad ng network, na-explore na ng mga developer mula noon ang paggamit ng iba pang mekanismo. Layunin nilang makahanap ng mga alternatibong mas mahusay at maganda sa kapaligiran nang hindi kinokompromiso ang seguridad.
Dahil sa mga ito, ililipat na sa kalaunan ang network ng Ethereum sa Proof of Stake. Magse-stake ng ETH ang mga validator para magkaroon ng pagkakataong bumuo ng mga block. "Kukumpirmahin" ng iba pang validator ang block at titiyaking tama ito. Kung makakabuo ang isang tao ng block na naglalaman ng mga maling transaksyon, puwede niyang maiwala ang lahat ng na-stake niyang coin. Makakatanggap ang mga validator ng mga reward para sa mga block na matagumpay na nabuo at para sa anumang kumpirmasyong ginawa nila. Sa pamamagitan ng direktang pagdedeposito at pag-stake ng malalaking halaga ng ETH, puwedeng maiwala ng mga validator na may masamang hangarin ang kanilang mga pondo.


Mga pangwakas na pananaw

Malinaw na maraming pagkakatulad ang Binance Smart Chain at Ethereum. Ito ang dahilan kung bakit napakadali para sa mga user ng Ethereum na lumipat at magsimulang mag-eksperimento sa BSC. Pero sa kabila ng mga pagkakatulad, nagpatupad ang BSC ng mga interesanteng pagbabago para subukang pahusayin ang performance at efficiency. Dahil sa Proof of Staked Authority (PoSA) na mekanismo ng consensus, naging posible para sa mga user na ma-enjoy ang mga mas mura at mas mabilis pang transaksyon sa blockchain.