Ano ang Upgrade na Arrow Glacier ng Ethereum?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Upgrade na Arrow Glacier ng Ethereum?

Ano ang Upgrade na Arrow Glacier ng Ethereum?

Intermediya
Na-publish Dec 28, 2021Na-update Dec 28, 2022
4m

TL;DR

Sa upgrade sa network na Arrow Glacier ng Ethereum, maaantala ang difficulty bomb ng network hanggang Hunyo 2022. Maraming nakaraang update ang nagpatagal din ng deadline para sa difficulty bomb. Ayon sa pagkakadisenyo, dahil sa difficulty bomb, magiging maaksaya at mahirap gawin ang pagmimina sa Ethereum. Nagbibigay ng motibasyon ang feature na ito sa pag-develop ng Ethereum 2.0 at dahil dito, mapupuwersa ang mga minero na lumipat sa bagong blockchain ng Proof of Stake.

May isang Panukala sa Pagpapahusay ng Ethereum (Ethereum Improvement Proposal o EIP) sa update na makakaantala sa difficulty bomb. Ang EIP ay isang iminumungkahing pagbabagong ginawa at sinuri ng komunidad ng Ethereum. Partikular na kapana-panabik ang Arrow Glacier dahil mukhang ito na ang huling extension ng difficulty bomb bago ang release ng Ethereum 2.0.


Panimula

Matagal-tagal pa bago i-release ang Ethereum 2.0. Pero sa ngayon, nagkakaroon ng mga regular na update para mapanatiling nasa tamang landas ang blockchain. Bagama't hindi magiging kapansin-pansin ang pagbabagong dala ng update na Arrow Glacier para sa karaniwang user, sa totoo lang, napakahalaga talaga nito. Sa katunayan, posibleng halos hindi na magamit ang network kung wala ito. Tingnan natin kung bakit at kung ano ang ibig sabihin nito para sa mga user, staker, minero ng crypto, at sa paparating na Ethereum 2.0.


Ano ang upgrade na Arrow Glacier ng Ethereum?

Ang Upgrade na Arrow Glacier ng Ethereum ay isang simpleng update na ipinatupad sa block bilang 13,773,000, noong Disyembre 9, 2021. Sa Arrow Glacier, maaantala ang difficulty bomb ng network, na magbibigay sa mga developer ng mas marami pang oras para ihanda ang Ethereum 2.0. Regular na aspekto ng mga update ng Ethereum ang pagpapatagal ng time bomb. Nakaiskedyul ito dati noong Disyembre 2021 kasabay ng London hard fork, pero inaasahan na itong mangyari sa bandang Hunyo 2022.

Parehong-pareho ang Arrow Glacier sa nakaraang upgrade na Muir Glacier noong Enero 2020, na nakaantala rin sa time bomb. Parehong may iisa lang na Panukala sa Pagpapahusay ng Ethereum (Ethereum Improvement Proposal o EIP) ang mga ito na nagpaliban ng "ice age." Ang mga update na Constantinople, Byzantium, at London ay may mga kasama ring extension sa difficulty bomb.


Ano ang difficulty bomb ng Ethereum?

Kasalukuyang gumagamit ng Proof of Work (PoW) na mekanismo ng consensus ang blockchain ng Ethereum. Ibig sabihin nito, ang mga user na nagva-validate ng mga transaksyon ay kailangang gumamit ng computing power para lumutas ng mathematical puzzle. Sa prosesong ito, nagkakaroon ng gastos sa paggawa ng consensus, na pumoprotekta sa network laban sa masasamang-loob.
Nagsama ng difficulty bomb na unti-unting mas nagpapahirap sa mga puzzle na ito, kaya nagiging mas mahal ang matagumpay na pagmimina ng block. Sa isang punto sa hinaharap, "sasabog" ang difficulty bomb at magiging halos imposibleng mag-validate ng mga transaksyon at magdagdag ng mga bagong block. Magiging mahal ang pagmimina sa blockchain. Idinagdag ang difficulty bomb sa dalawang dahilan:
1. Para makatulong na bigyan ng motibasyon ang pag-develop ng Ethereum 2.0 at ang paglipat sa modelong Proof of Stake (PoS).

2. Para mapuwersa ang mga minero na mag-upgrade sa bagong blockchain ng PoS, dahil hindi sila makakapagpatuloy sa pagmimina ng Ether (ETH) sa lumang PoW na bersyon ng Ethereum. Pipigilan nito ang paggawa ng dalawang magkasalungat na network ng Ethereum sa pamamagitan ng hard fork.


Ano ang Panukala sa Pagpapahusay ng Ethereum (Ethereum Improvement Proposal o EIP)?

Puwedeng magmungkahi ang EIP ng anumang pagpapahusay o pagbabago sa Ethereum. Kahit sino ay puwedeng gumawa ng EIP, na susuriin ng komunidad ng Ethereum, isang lupon ng mga editor, at mga developer ng Ethereum. Para maisama sa isang update, dapat pumasa ang EIP sa proseso ng pag-apruba. Nilalaman ng bawat EIP ang mga teknikal na kinakailangan para sa isang partikular na pagbabago ayon sa isang partikular na format ng EIP. Binanggit namin na iisa lang ang EIP ng Arrow Glacier, sa sitwasyong ito, ang EIP-4345. Ang tanging layunin nito ay dagdagan ang panahon bago ang ice age ng pagmimina ng Ethereum.


Paano makakaapekto sa akin ang update na Arrow Glacier ng Ethereum?

Para sa karaniwang user, hindi magkakaroon ng anumang kapansin-pansing pagbabago. Halos hindi nagbago ang mga tagal ng pagkumpirma sa block sa humigit-kumulang 13 segundo sa nakaraang taon. Kung nagpapatakbo ka ng node o isa kang minero, kakailanganin mong i-upgrade ang iyong client ng Ethereum sa pinakabagong bersyon. Kung hindi, mapupunta ang iyong client sa lumang fork ng Ethereum, na hindi na opisyal na susuportahan ng komunidad.


Mga pangwakas na pananaw

Bagama't maliit na update ang Arrow Glacier, mahalaga ito. Kung wala ito, maagang magiging masyadong magastos minahin at mabagal gamitin ang network. Medyo kapana-panabik din ito para sa komunidad ng Ethereum. Kung ito na ang huling extension sa difficulty bomb, baka dumating na ang Ethereum 2.0 sa Hunyo 2022.