Malaki na ang ipinagbago ng mundo ng cryptocurrency mula noong unang transaksyon ng blockchain sa Bitcoin network. Kasama ng mga kilalang algorithm ng Proof of Work at Proof of Stake, nagmungkahi ng iba pang mekanismo ng consensus, na may mga alternatibong paraan para sa pag-abot sa consensus sa isang blockchain system.
Ang PoW na consensus algorithm na ginagamit ng Bitcoin ang pinakamaaasahan at secure na mayroon ngayon. Gayunpaman, hindi talaga ito scalable. Limitado ang performance ng Bitcoin, pati na rin ng iba pang PoW-based blockchain, pagdating sa transaksyon kada segundo (transactions per second o TPS). Nauugnay ang nasabing limitasyon sa katotohanan na umaasa ang Bitcoin sa ipinamahaging network ng mga node, na kailangang magkaroon ng consensus at magkasundo sa mga kasalukuyang kalagayan ng blockchain. Ibig sabihin nito, bago makumpirma ang isang bagong block ng mga transaksyon, kailangan itong ma-verify at maaprubahan ng karamihan ng mga node ng network. Samakatuwid, ang desentralisadong aspekto ng Bitcoin ay hindi lang nagbibigay ng system ng ekonomiya na secure at hindi nangangailangan ng tiwala, pero nililimitahan din nito ang potensyal nitong magamit nang mas malawakan.
Kaugnay ng dami ng mga transaksyon kada segundo, karaniwang mas mahusay ang performance ng mga Proof of Stake blockchain kaysa sa Bitcoin. Gayunpaman, hindi masyadong kapansin-pansin ang pagkakaiba at hindi talaga nalutas ng mga PoS network ang problema sa scalability.
Sa kontekstong ito, kasalukuyang ipinapatupad ang Proof of Authority bilang mas mahusay na alternatibo dahil nakakapagsagawa ito ng di-hamak na mas maraming transaksyon kada segundo.
Ano ang Proof of Authority?
Ang Proof of Authority (PoA) ay isang consensus algorithm na nakabatay sa reputasyon na nagpapakilala ng praktikal at mahusay na solusyon para sa mga blockchain network (lalo na sa mga pribadong network). Iminungkahi ang termino noong 2017 ng co-founder at dating CTO ng Ethereum na si Gavin Wood.
Ginagamit ng PoA na consensus algorithm ang value ng mga pagkakakilanlan, ibig sabihin, hindi mga coin kung hindi ang sariling reputasyon ng mga validator ng block ang sine-stake nila. Samakatuwid, sine-secure ang mga PoA blockchain ng mga nagva-validate na node na arbitrary na pinipili bilang mga mapagkakatiwalaang entity.
Umaasa ang modelo ng Proof of Authority sa limitadong dami ng mga validator ng block at ito ang dahilan kaya ito isang system na lubos na scalable. Vine-verify ang mga block at transaksyon ng mga paunang naaprubahang kalahok, na kumikilos bilang mga moderator ng system.
Puwedeng ilapat ang PoA na consensus algorithm sa iba't ibang sitwasyon at itinuturing itong mahalagang opsyon para sa mga application sa logistics. Halimbawa, pagdating sa mga supply chain, itinuturing ang PoA bilang epektibo at makatuwirang solusyon.
Nagbibigay-daan ang modelong Proof of Authority sa mga kumpanya na panatilihin ang kanilang privacy habang nakukuha ang mga benepisyo ng teknolohiya ng blockchain. Isa pang halimbawa ang Microsoft Azure kung saan ipinapatupad ang PoA. Sa madaling salita, nagbibigay ang platform ng Azure ng mga solusyon para sa mga pribadong network, gamit ang isang system na hindi nangangailangan ng native currency gaya ng ‘gas’ ng ether, dahil hindi kailangang magmina.
Proof of Authority vs Proof of Stake
Itinuturing ng ilan ang PoA bilang binagong PoS, na gumagamit ng pagkakakilanlan sa halip na mga coin. Dahil sa desentralisadong katangian ng karamihan ng mga blockchain network, hindi laging angkop ang PoS para sa ilang partikular na negosyo at korporasyon. Sa kabaliktaran, posibleng kumatawan ang mga PoA system sa mas magandang solusyon para sa mga pribadong blockchain dahil di-hamak na mas mahusay ang performance nito.
Mga Kondisyon para sa Proof of Authority na Consensus
Bagama't puwedeng magkakaiba ang mga kondisyon sa bawat system, karaniwang nakasalalay ang PoA na consensus algorithm sa:
mga valid at mapagkakatiwalaang pagkakakilanlan: kailangang kumpirmahin ng mga validator ang kanilang mga totoong pagkakakilanlan.
hirap na maging validator: dapat handang mamuhunan ng pera at magsugal ng reputasyon ang isang kandidato. Sa mahirap na proseso, nababawasan ang panganib na makapili ng mga kaduda-dudang validator at nagbibigay ito ng insentibo sa pangmatagalang commitment.
pamantayan para sa pag-apruba ng validator: pare-pareho dapat para sa lahat ng kandidato ang paraan ng pagpili ng mga validator.
Ang diwa sa likod ng mekanismo ng reputasyon ay ang katiyakan sa likod ng pagkakakilanlan ng isang validator. Bilang isang proseso, hindi ito puwedeng maging madali o madaling sukuan. May kakayahan dapat itong salain ang masasamang loob. Bilang pangwakas, kung matitiyak na sasailalim ang lahat ng validator sa parehong pamamaraan, magagarantiyahan ang integridad at pagkamaaasahan ng system.
Mga limitasyon
Ang pagkakaunawa sa mekanismo ng PoA ay hindi ito gumagamit ng desentralisasyon. Kaya masasabi na ang modelong ito ng consensus ay pagsisikap lang na gawin pang mas mahusay ang mga sentralisadong system. Bagama't dahil dito, ang PoA ay isang nakakahikayat na solusyon para sa malalaking korporasyon na may mga pangangailangan sa logistics, may dala rin itong pag-aalangan - lalo na sa saklaw ng cryptocurrency. Mataas ang throughput ng mga PoA system, pero nagiging usapin ang mga aspekto ng immutability kapag madaling makamit ang mga bagay gaya ng censorship at pag-blacklist.
Isa pang karaniwang puna ay nakikita ng kahit sino ang mga pagkakakilanlan ng mga validator ng PoA. Ang argumento laban dito ay ang mga matagal nang player lang na may kakayahang hawakan ang posisyong ito ang gugustuhing maging validator (bilang kalahok na kilala ng publiko). Gayunpaman, posibleng humantong sa pagmamanipula ng third party kung alam ang pagkakakilanlan ng mga validator. Halimbawa, kung gustong gambalain ng isang kakumpitensya ang isang PoA-based network, puwede niyang subukang impluwensyahan ang mga validator na kilala ng publiko para kumilos sila sa hindi matapat na paraan nang sa gayon ay makompromiso ang system mula sa loob.
Ang PoW, PoS, o PoA ay lahat may mga natatanging bentahe at kahinaan. Alam ng marami na lubos na pinapahalagahan ang desentralisasyon sa komunidad ng cryptocurrency at isinasakripisyo ng PoA, bilang mekanismo ng consensus, ang desentralisasyon para magkaroon ng mataas na high throughput at scalability. Ang mga likas na feature ng mga PoA system ay kaibang-kaiba sa kung paano gumagana ang mga blockchain hanggang ngayon. Gayunpaman, nagbibigay ang PoA ng interesanteng diskarte at hindi ito maitatanggi bilang umuusbong na solusyon sa blockchain, na puwedeng bumagay sa mga pribadong blockchain application.