Pagbabalik-tanaw ng Binance Academy sa Taong 2021
Talaan ng Nilalaman
Panimula
Regulasyon sa cryptocurrency
Mga Bitcoin ETF
Mga non-fungible token (NFT)
Ang metaverse
Web3
Mga Fan Token sa Binance
Mga all-time high sa merkado ng cryptocurrency at Bitcoin
Mga pangwakas na pananaw
Pagbabalik-tanaw ng Binance Academy sa Taong 2021
HomeMga Artikulo
Pagbabalik-tanaw ng Binance Academy sa Taong 2021

Pagbabalik-tanaw ng Binance Academy sa Taong 2021

Baguhan
Na-publish Dec 21, 2021Na-update Jan 13, 2022
7m

TL;DR

Talagang naging isang mahalagang taon ang 2021 para sa paggamit ng crypto. Naibalita sa mainstream ang mga teknolohiya gaya ng mga NFT at metaverse, at lumawak ang paggamit sa blockchain. Pagdating sa regulasyon, saksi ang taong ito sa mga kuwento ng pag-uusig at pagtanggap. 

Tinanggap ng El Salvador ang Bitcoin bilang isang legal tender. Sa US, pinayagan ng SEC ang mga unang Bitcoin ETF na mailista sa Chicago Mercantile Exchange. Inilunsad din ng Canada ang sarili nitong mga Bitcoin ETF, na isang mahalagang bahagi ng institusyunal na paggamit ng mga investor.

Nakaranas ang mga NFT ng malalaking tagumpay ngayong taon dahil sa napakatataas na sales at exposure. Kung isa lang itong maliit na crypto niche noong mga nakaraang taon, ngayon ay isa na itong paksa na palaging pinag-uusapan. Inilunsad ng Binance ang sarili nitong NFT platform para matugunan ang pangangailangan, at parami na nang parami sa mga Fortune 500 company ang gumagamit at namumuhunan sa mga NFT.

May tungkulin din ang mga NFT sa metaverse, isa pa sa pinakamaiinit na paksa ng 2021. Sabay na gumagawa ang mga tech giant at maliliit na developer ng isang konektado at 3D na daigdig kung saan crypto ang nagpapagana ng ekonomiya. Kaugnay rin ng trend ang Web3, ang konsepto ng decentralization na magpapagana ng ating mga interaksyon sa internet sa hinaharap. Ngayong taon, nagpakita ng suporta ang malalaking capital investment firm para sa paggamit ng blockchain sa ating mga online na transaksyon, data, privacy, at mga pinansya.

Nagsimula rin ang Mga Fan Token sa Binance sa mga sports club gaya ng FC Porto at S.S. Lazio. Lumampas sa subscription ang karamihan sa mga benta sa 2021, at na-enjoy ng mga user ang mga bagong benepisyo para sa fan na nakabatay sa blockchain.

Sa pagtatapos ng taon, naabot ng Bitcoin ang bagong ATH (all-time high) na halos $70,000 noong Nobyembre.


Panimula

Hindi kailanman naging boring ang taon pagdating sa mundo ng cryptocurrency. Mula sa pagpukaw ng mga NFT sa imahinasyon ng mga creator hanggang sa mga bagong all-time high ng Bitcoin, nasa 2021 na ang lahat. Kaya bagama't parang naghahanda na ang lahat na sumali sa metaverse na pinapagana ng blockchain, huwag nating kalimutan ang lahat ng iba pang naganap ngayong taon.


Regulasyon sa cryptocurrency

Sa paglipas ng mga taon, dahan-dahang naging mas regulated ang mga cryptocurrency. Pero noong 2021, hindi lahat ng pamahalaan ay may iisang layunin. Ang ilan, gaya ng El Salvador, ay niyakap ang teknolohiya at nakinabang sa pag-integrate nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng lahat. Ang iba naman ay naghigpit sa pagbubuwis at itinuring ang crypto bilang isang bagay na dapat kontrolin nang mahigpit.

El Salvador

Lumabas sa mga headline sa buong mundo ang El Salvador noonbg Hunyo 5, 2021 sa pag-aanunsyong magiging legal tender na ang Bitcoin sa loob ng bansa. Mula Setyembre 7, 2021, kailangan ng lahat ng negosyo na tanggapin ang BTC bilang bayad sa mga produkto at serbisyo. Kaya naman El Salvador ang unang bansa na opisyal na gumamit ng Bitcoin bilang paraan ng pagbabayad. Namigay ang pamahalaan ng $30 na Bitcoin bilang pagdiriwang sa lahat ng mamamayang nag-download ng digital na crypto wallet ng pamahalaan. 

Para sa El Salvador, Bitcoin ang paraan para mabawasan ang bayaring binabayaran ng mga mamamayan dito para sa mga remittance, na isang malaking bahagi ng ekonomiya dahil maraming pamilya ang tumatanggap ng pera mula sa ibang bansa. Marami ring mga taga-El Salvador ang walang access sa mga pinansyal na serbisyo, at ang blockchain ang isang posibleng solusyon para matulungan ang mga walang bank account. Sa buong mundo, may ilang nagkokomento mula sa labas ng bansa na nagsasabing paraan ito ng El Salvador na i-rebrand ang sarili. Nagkaroon ng hindi magandang reputasyon ang bansa kaugnay ng mga kriminal na gang at underground na ekonomiya.

Ang Estados Unidos

Bukod pa sa paglulunsad ng mga Bitcoin ETF (mga exchange-traded fund), nagkaroon ng mga regular na update tungkol sa mga kinaiinteresang punto ng SEC. Sa partikular, pinag-usapan ang mga stablecoin at Decentralized Finance (DeFi), dahil may mas malalaking hamon ang mga ito pagdating sa regulasyon kumpara sa mga cryptocurrency gaya ng Bitcoin. Malamang ay makakakita tayo ng malalaking anunsyo sa darating na taon pagdating sa regulasyon sa dalawang puntong ito.


Mga Bitcoin ETF

Ang paggawa at pagreregularisa sa mga Bitcoin ETF ay nakikita ng ilan bilang susi para maipakilala ang crypto sa mga tradisyonal na investor. Hindi gaya ng mga pribadong investor, imposible para sa mga institusyong mahigpit na nireregularisa na basta na lang magbukas ng wallet at magsimulang mag-trade ng crypto. Noong 2021 inilabas sa Canada at US ang mga Bitcoin ETF matapos ang mahabang talakayan kasama ng mga regulator. Sa ETF, nabibigyang-daan ang isang tao na magkaroon ng Bitcoin ang kanilang portfolio nang hindi hinahawakan mismo ang asset. Marami sa mga Bitcoin ETF, gaya ng BITO ng US, ang gumagamit ng BTC futures bilang pinagbabatayang asset ng kanilang ETF.

Pinapaboran ng SEC ang mga futures ETF na nakabatay sa dati nang Bitcoin futures ng Chicago Mercantile Exchange (CME). Mahigpit na nireregularisa ang mga derivative na ito sa loob ng USA, na nagbigay-daan para makasakay sa mga ito ang ETF. Ngayon, may tatlo nang US-based ETF option, at may posibilidad sa hinaharap na magkaroon ng mga pondong pisikal na sinusuportahan.


Mga non-fungible token (NFT)

Bagama't hindi na bago ang mga NFT sa mundo ng blockchain, nagawa nitong maging popular sa pangkalahatang publiko ngayong taon. Noong Marso, naisagawa ang pinakamahal na bentahan ng NFT sa buong mundo sa halagang $69 milyon para sa "Everyday: The First 5,000 Days" ng Beeple. Bukod pa rito, sumikat din nang husto ang mga NFT game.


Mahirap patunayan ang originality, pero binigyang-daan ng blockchain ang paggawa ng isang paraan para makapag-verify ng digital rarity. Nilutas nito ang "copy-paste" na problema na mayroon tayo sa pagpapatunay ng pagiging totoo ng mga digital asset at file. Sa dami ng puwedeng paggamitan, nag-eeksperimento ang mga developer sa mga NFT sa iba't ibang industriya, at makakaasa tayong magkakaroon ng malalaking balita pagsapit ng 2022 at sa hinaharap.


Ang metaverse

Pagkatapos ng isang bigating simula sa mga NFT, nagtapos ang 2021 sa isa na namang bigating trend: ang metaverse. Sa ngayon, ang pinakamalaking dahilan kung bakit sikat ang metaverse ay dahil sa interes ng malalaking tech. Noong Oktubre 28, pinalitan ng Facebook ang pangalan nito sa Meta at ibinalangkas nito ang bisyon nito ng isang 3D virtual universe na nagkokonekta sa iba't ibang aspeto ng ating mga buhay. Makikita mo sa Google Trends kung gaano ito kasikat sa mga paghahanap.


Hindi lang Meta ang kumpanyang nag-iisip nito. Ilang taon nang nariyan ang konsepto ng metaverse, at maraming proyekto sa crypto ang nakagawa ng sarili nilang mga metaverse na mundo. Sa Decentraland, halimbawa, puwede kang mag-explore ng 3D na mundo, sariling virtual na lupain, at puwede ka ring kumita sa pamamagitan ng mga play-to-earn na mekanismo. Sa mga Blockchain game gaya ng Axie Infinity, puwede mo ring pagsabayin ang gaming at pagkakaroon ng tuloy-tuloy na kita. Kaya bagama't wala pa tayong nag-iisang united na metaverse, unti-unti nang nabubuo ang mga bahagi nito.


Web3

Ang Web3 ay ang konsepto ng isang bagong bersyon ng internet batay sa mga pampublikong blockchain gaya ng Ethereum o Binance Smart Chain. Unang nilikha ang terminong ito noong 2014 ni Gavin Wood, co-founder ng Ethereum at founder ng Polkadot. Gayunpaman, ngayong taon pa lang nagkakaroon ng interes sa konsepto, lalo na dahil sa pag-eendorso ng malalaking investment firm gaya ng Andreessen Horowitz noong bandang Oktubre 2021.


Layunin ng Web3 na gamitin ang decentralization bilang batayan ng mga bagong pag-unlad sa internet. Pero paano ito naiiba sa metaverse? Well, gusto ng metaverse na lumikha ng isang 3D at konektadong mundo. Mas pinagtutuunan naman ng web3 ang paggamit natin ng internet sa kasalukuyan nitong anyo para kontrolin ang ating pagkakakilanlan, personal na impormasyon, at mga interaksyon. Gagamit din ang mga website at application ng big data sa mga kapaki-pakinabang na paraan para mapaganda ang online na karanasan.

Mukhang magiging mahalagang bahagi ang mga NFT, DAO (decentralized autonomous organization), at DeFi sa paggamit natin ng internet, kagaya lang din kung paano naging mahalaga ang mga email, PayPal, at 2FA (two-factor authentication) sa Web 1.0 at Web 2.0.


Mga Fan Token sa Binance

Noong Oktubre 21, 2021, tumulong ang Binance sa paglulunsad ng unang Fan Token sa Binance sa pamamagitan ng Launchpad nito kasama ang S.S. Lazio. Nagkaroon ng mga natatanging pribilehiyo ang mga humahawak nito, gaya ng karapatang bumoto bilang fan sa mga desisyon ng team, pagkakataong kumita ng mga NFT, at mga bagong paraan para makipag-interaksyon sa mga paborito nilang team.

Bagama't naging mahalaga ang taong 2021 para sa Mga Fan Token sa Binance, hindi rito nagsimula ang kuwento. May mga fan token na simula pa noong huling bahagi ng 2019, noong inilunsad ang JUV token ng Juventus. Sa pamamagitan ng mga token na ito, nagawa ng mga may hawak nito na makipag-ugnayan sa mga paborito nilang team at makapag-claim ng mga natatanging benepisyo ng fan token.

Sa pamamagitan ng Binance Launchpool, nag-stake ng BNB ang mga user at nakatanggap sila ng bahagi ng mga iniaalok na Fan Token sa Binance. Sa ngayon, lubos na naging matagumpay ang mga pagbebenta. Halimbawa, nagawa ng LAZIO na makapag-commit ang 225,583 kalahok ng 8,110,631.97 BNB, ibig sabihin, lumampas sa multiplier na 1,005x ang bentahan.


Mga all-time high sa merkado ng cryptocurrency at Bitcoin

Pagkatapos ng malakas na rally noong 2020, nalampasan ulit ng Bitcoin ang all-time high ng nakaraang taon sa tatlong peak noong 2021. Tingnan natin ang chart.


Ipinapakita ng Point 1 ang dulo ng rally noong 2020 na nagpatuloy hanggang Enero 2021, na may peak na humigit-kumulang $41,000. Pagkalipas ng bahagyang takot na pumasok sa isang bear market pagkatapos ng isang correction, patuloy na umangat ang Bitcoin at nakaabot ng $63,000 sa kalagitnaan hanggang Abril (Point 2). Noong Hunyo, nagkaroon ng masamang balita ang merkado para sa crypto, na humantong sa pag-offline ng humigit-kumulang kalahati ng kabuuang mining power ng Bitcoin sa loob ng ilang araw.

Gayunpaman, nakabangon ang Bitcoin at naabot nito ang bagong ATH na humigit-kumulang $69,000 noong Nobyembre. Tingnan din natin ang mga bagong ATH para sa ilan sa pinakamalalaking market cap cryptocurrency.

Cryptocurrency

All-Time High (tinatayang halaga sa USD)

BNB

$686

Ethereum (ETH)

$4,878

Solana (SOL)

$260

DOGE

$0.7316

Cardano (ADA)

$3.09



Mga pangwakas na pananaw

Sa kabuuan, ang naging tema ng 2021 ay ang pagtanggap sa mga bagong paggamit sa blockchain gaya ng mga NFT at metaverse. Sa ngayon, mas nagiging pamilyar na ang mundo sa mga cryptocurrency gaya ng Bitcoin, mining industry, at pag-trade ng cryptocurrency. Kaya naman partikular na naging kapana-panabik ang 2021, dahil hindi na lang pagtaas ng mga presyo ang iniuulat ng mga pahayagan sa buong mundo pagdating sa crypto. Marami sa mga trend na pinag-usapan natin ay nakahanda na para sa 2022, kaya naman marami tayong dahilan para maging excited sa darating na 12 buwan.