TL;DR
Ang NEAR Protocol ay isang layer-1 na blockchain na gumagamit ng Nightshade, isang natatanging teknolohiya sa pag-shard, para maabot ang scalability. Inilunsad ito noong 2020 bilang desentralisadong imprastraktura sa cloud para mag-host ng mga desentralisadong application (DApp).
Nag-aalok ang NEAR ng cross-chain na interoperability sa pamamagitan ng Rainbow Bridge at isang layer-2 na solusyong tinatawag na Aurora. Puwedeng i-bridge ng mga user ang mga ERC-20 token at asset mula sa blockchain ng Ethereum papunta sa network ng NEAR Protocol, na nagbibigay sa kanila ng access sa mas mataas na throughput at mas mabababang bayarin sa transaksyon.
Ang NEAR ay ang native token ng NEAR Protocol. Ginagamit ito sa pagbabayad ng bayarin sa transaksyon at pag-store ng data. Puwede ring i-stake ng mga may hawak ng NEAR token ang kanilang mga token sa NEAR wallet para makatanggap ng mga reward o gamitin ang mga iyon para bumoto sa mga panukala sa pamamahala.
Panimula
Nang maging mas sikat ang mga cryptocurrency at teknolohiya ng blockchain, nagsimulang magkaroon ng mga hamon sa scalability ang Bitcoin, Ethereum, at iba pang network dahil sa tumaas na demand. Dahil sa lumalaking interes sa mga desentralisadong application at non-fungible token (NFT), naging partikular na mas kapansin-pansin ang mga hamon na ito sa blockchain ng Ethereum. Madalas na napapaharap ang network sa mga tumaas na gas price at gastos sa transaksyon dahil sa malaking trapiko, na posibleng nakakapanghina ng loob para sa maraming user at developer.
Bagama't may ilang team na nag-e-explore ng iba't ibang solusyon sa pag-scale para sa mga network ng blockchain, nakatuon ang NEAR Protocol (NEAR) team sa paglutas sa mga limitasyon sa pamamagitan ng pag-shard.
Ano ang NEAR Protocol (NEAR)?
Ang NEAR Protocol ay isang layer-1 na blockchain na gumagamit ng teknolohiya sa pag-shard para maabot ang scalability. Gumagamit ang mga user ng NEAR ng mga smart contract at Proof of Stake (PoS) na mekanismo ng consensus para i-secure ang network nito. Binuo ng NEAR Collective, magkasamang itinatag nina Alex Skidanov at Illia Polosukhin ang NEAR Protocol noong 2020. Binubuo ang proyekto bilang imprastraktura ng cloud na pinapatakbo ng komunidad para sa pag-host ng mga desentralisadong application (DApp).
Naglalaman ang NEAR platform ng maraming iba't ibang programming tool at language, pati na rin ng mga smart contract na may cross-chain na functionality para tulungan ang mga developer na bumuo ng mga DApp. Nakadepende ang platform sa isang pinasimpleng proseso at nagtatampok ito ng mga pangalan ng account na nababasa ng tao sa halip na mga cryptographic na address ng wallet. Bilang PoS na blockchain, iginawad sa NEAR ang Climate Neutral Product Label noong 2021 para sa pagiging carbon neutral.
Paano gumagana ang NEAR Protocol?
Para makipagkumpitensya sa iba pang blockchain na may smart contract tulad ng Ethereum, EOS, at Polkadot, nagpapatupad ang NEAR ng ilang feature sa ecosystem nito para mapahusay ang performance nito.
Nightshade Sharding
Ang Nightshade ay ang pangunahing teknolohiya ng blockchain ng NEAR. Isa itong teknolohiya ng pag-shard para sa mas mahusay na pagpoproseso ng data. Ang pag-shard ay tumutukoy sa paghahati sa pagproseso ng mga transaksyon sa maraming validator node. Sa ganitong paraan, isang bahagi lang ng mga transaksyon ng network ang ipoproseso ng bawat node, na nagbibigay-daan sa mas mataas na bilang ng transaksyon kada segundo (Transactions Per Second o TPS).
Sa NEAR, gumagamit ang Nightshade ng mga tagagawa at validator ng block para iproseso ang data ng transaksyon kasabay ng maraming shard. Bubuo ang bawat shard ng isang bahagi ng susunod na block. Bawat bahagi ay tinatawag na chunk. Pagkatapos, ipoproseso ang mga chunk na ito at iso-store sa blockchain ng NEAR Protocol para i-finalize ang laman nitong mga transaksyon.
Sa teorya, puwedeng bigyang-daan ng Nightshade ang NEAR na mangasiwa ng milyon-milyong transaksyon kada segundo nang hindi naaapektuhan ang performance nito. Depende sa kondisyon ng network, dynamic nitong hahatiin at pagsasama-samahin ang mga shard batay sa trapiko ng network at paggamit ng mga resource. Kapag mataas ang kapasidad ng network, dadami ang mga node. Puwedeng mapanatili ang kabuuang kahusayan at ang mababang bayarin sa transaksyon.
Hindi tulad ng iba pang network ng PoS, hindi nakikipagkumpitensya ang mga validator para sa susunod na block batay sa laki ng kanilang stake. Gumagamit ang NEAR ng mekanismo ng pagboto na tinatawag na Thresholded Proof of Stake (TPoS) para pumili ng mga validator. Ang TPoS ay katulad ng auction, kung saan isinasaad ng malaking pool ng mga gustong maging validator kung ilang NEAR token ang handa nilang i-stake sa pamamagitan ng nilagdaang transaksyon. Pagkatapos, tutukuyin ng TPoS ang minimum na threshold para sa pagiging validator sa bawat epoch (kadalasan, 12 oras ang agwat). Ang mga nag-stake nang mas mataas sa threshold na iyon ay magkakaroon ng pagkakataong mapili bilang mga validator, ayon sa halagang na-stake nila.
Rainbow Bridge
Ang Rainbow Bridge ay isang application sa NEAR na nagbibigay-daan sa mga user na maglipat ng mga ERC-20 token, stablecoin, wrapped token, at kahit NFT sa pagitan ng mga blockchain ng Ethereum at NEAR. Nagbibigay-daan ito sa mga developer at user na samantalahin ang mas mataas na throughput at mas mababang bayarin sa NEAR Protocol.
Ganap na hindi nangangailangan ng pahintulot at desentralisado ang Rainbow Bridge. Para mag-bridge ng mga token, puwedeng magpadala ang mga user ng mga ERC-20 na asset nang direkta mula sa MetaMask o iba pang Web3 na wallet papunta sa NEAR Wallet at vice-versa. Una, kailangan nilang ideposito ang token sa isang smart contract ng Ethereum. Dahil hindi posible ang direktang paglilipat ng token sa pagitan ng mga network, ila-lock ang mga token at kukunin sa sirkulasyon sa Ethereum. May mga bagong token na gagawin sa NEAR para katawanin ang mga orihinal na token. Sa ganitong paraan, nananatiling pareho ang kabuuang supply ng token na nasa sirkulasyon sa parehong blockchain.
Sa karamihan ng mga sitwasyon, nakukumpirma ang mga transaksyon sa NEAR sa loob ng 1-2 segundo at nagkakahalaga ito nang wala pang $1. Gayunpaman, kung gusto ng user na ibalik ang token sa Ethereum, posibleng mas malaki ang gastos at mas matagal iproseso ang paggawa nito. Nakadepende ang panghuling halaga sa kasalukuyang trapiko sa Ethereum at mga gas price.
Aurora
Ang Aurora ay isang layer-2 na solusyon sa blockchain ng NEAR Protocol. Naglalayon itong tulungan ang mga developer na palawakin ang kanilang mga app sa isang platform na compatible sa Ethereum na nag-aalok ng mabababang gastos sa transaksyon para sa kanilang mga user. Ayon sa NEAR, kayang mag-host ng Aurora ng libo-libong transaksyon kada segundo, nang may halos 2 segundo na oras sa pagkumpirma ng block.
Ang Aurora ay binubuo ng Aurora Engine at Aurora Bridge. Ang Aurora Engine ay isang Ethereum Virtual Machine (EVM) sa NEAR Protocol, ibig sabihin, compatible ito sa Ethereum at sinusuportahan nito ang lahat ng tool na available sa ecosystem ng Ethereum. Mas pinapadali nito para sa mga developer na magsimula sa NEAR nang hindi na kailangang i-rewrite ang kanilang mga DApp o matutuhan kung paano gamitin ang mga bagong development tool. Magagamit din nila ang Aurora Bridge (teknolohiyang kapareho ng Rainbow Bridge) para walang kahirap-hirap na i-bridge ang kanilang mga smart contract at ERC-20 token sa pagitan ng mga blockchain ng Ethereum at NEAR Protocol. Puwede ring magbayad ang mga user ng bayarin sa transaksyon gamit ang ETH sa Aurora.
Ano ang NEAR token?
Ang NEAR Protocol (NEAR) ay ang native token ng ecosystem ng NEAR. Isa itong ERC-20 token na may max na supply na 1 bilyon. Magagamit ang NEAR sa pagbabayad ng bayarin sa transaksyon at pag-store sa network. Puwede ring makatanggap ang mga developer ng smart contract ng isang bahagi ng bayarin sa transaksyon na makukuha ng kanilang contract. Para panatilihing kakaunti ang NEAR, ibe-burn ang natitirang bayarin sa transaksyon.
Puwedeng mag-stake ang mga may hawak ng token sa NEAR Wallet para makakuha rin ng mga reward. Nagse-stake sila ng NEAR para magpagana ng mga taga-validate na node para sa mga reward na nagkakahalaga ng 4.5% ng kabuuang supply ng NEAR. Puwede rin silang makilahok sa pamamahala ng network ng NEAR sa pamamagitan ng pagboto sa mga desisyon at pagsusumite ng mga panukalang nauugnay sa platform at mga produkto.
Paano bumili ng NEAR sa Binance?
Makakabili ka ng NEAR Protocol (NEAR) sa mga palitan ng cryptocurrency gaya ng Binance.
1. Mag-log in sa iyong account sa Binance at i-click ang [Mag-trade]. Piliin ang classic o advanced na interface ng pag-trade.
2. I-click ang [BTC/USDT] para buksan ang search bar. Ilagay ang “NEAR” at makikita mo ang mga available na pares sa pag-trade. Sa halimbawang ito, gagamitin natin ang NEAR/BUSD.
3. Pumunta sa kahong [Spot] sa kanan at ilagay ang halaga ng NEAR na gusto mong bilhin. Puwede kang gumamit ng iba't ibang uri ng order para ilagay ang order. Pumili ng uri ng order, tulad ng Market order, at i-click ang [Bumili ng NEAR]. Ike-credit ang mga NEAR token sa iyong Spot Wallet.
Mga pangwakas na pananaw
Habang lumalaki ang mundo ng blockchain, malamang na gaganap ng mahalagang papel sa malawakang pagtanggap ang mga platform na puwedeng mag-alok ng mas mababang gastos sa transaksyon at pinataas na througput. Ang mga solusyon sa pag-scale ng NEAR ay puwedeng humikayat sa mga developer na gustong bumuo ng mas mahuhusay na produkto ng DeFi at desentralisadong application (DApp). Kasama sa roadmap ng NEAR ang higit pang pag-develop ng pag-shard at mga layer2 na cross-chain na solusyon para mas ma-scale ang blockchain nito at makinabang ang mga developer at end-user sa huli.