Ano ang Proof of Stake (PoS)?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Proof of Stake (PoS)?

Ano ang Proof of Stake (PoS)?

Intermediya
Na-publish Dec 6, 2018Na-update May 9, 2024
8m

TL;DR

Ang Proof of Stake ay isang sikat na alternatibong mekanismo ng consensus sa Proof of Work. Sa halip na mangailangan ng computing power para mag-validate ng mga transaksyon, dapat mag-stake ng mga coin ang mga validator. Malaki ang ibinabawas ng katotohanang ito sa kailangang pagkonsumo ng enerhiya. Pinapahusay rin ng Proof of Stake ang desentralisasyon, seguridad, at scalability. 

Gayunpaman, posibleng hindi masyadong accessible para makapasok sa Proof of Stake nang walang access sa crypto. Posibleng madali ring makapagsagawa ng 51% attack sa mga blockchain na may mababang market cap. Dahil napaka-versatile ng Proof of Stake, napakarami nitong variation para sa iba't ibang blockchain at paggagamitan.


Panimula

Sa ngayon, Proof of Stake ang pinakasikat na opsyon para sa mga network ng blockchain. Pero dahil sa napakaraming variation, baka mahirap maunawaan ang mga pangunahing konsepto nito. Ngayon, malabong makita mo ito sa orihinal nitong anyo. Gayunpaman, magkakapareho ng mga pangunahing konsepto ang lahat ng uri ng Proof of Stake. Kapag naunawaan mo ang mga pagkakaparehong ito, makakapagpasya ka nang mas mabuti tungkol sa mga ginagamit mong blockchain at kung paano gumagana ang mga ito.


Ano ang ibig sabihin ng Proof of Stake?

Ipinakilala ang consensus algorithm ng Proof of Stake noong 2011 sa forum na Bitcointalk. Iminungkahi ito bilang solusyon sa mga problema ng Proof of Work. Bagama't pareho ang layunin nitong magkaroon ng consensus sa blockchain, medyo magkaiba ang prosesong ginagamit ng mga ito. Sa halip na kailanganing magbigay ng computationally intensive na patunay, kailangan lang patunayan ng mga kalahok na mayroon silang mga naka-stake na coin.


Paano gumagana ang Proof of Stake?

Gumagamit ang algorithm ng Proof Of Stake ng pseudo-random na proseso ng eleksyon para pumili ng mga validator mula sa isang grupo ng mga node. Gumagamit ang system ng isang kumbinasyon ng mga salik, gaya ng tagal ng pag-stake, element ng pag-randomize, at yaman ng node.

Sa mga system ng Proof of Stake, 'fino-forge' ang mga block sa halip na minimina. Gayunpaman, baka marinig mo pa ring gamitin paminsan-minsan ang terminong 'minimina.' Inilulunsad ang karamihan ng mga Proof of Stake cryptocurrency nang may supply ng mga 'pre-forged' na coin para mabigyang-daan ang mga node na makapagsimula agad.

Ang mga user na kalahok sa proseso ng pag-forge ay dapat mag-lock ng partikular na dami ng mga coin sa network bilang stake nila. Nakabatay sa laki ng stake ang tsansa para mapili ang isang node bilang susunod na validator - kung mas malaki ang stake, mas malaki ang tsansa. Nagdaragdag ng mga natatanging paraan sa proseso ng pagpili para paboran hindi lang ang pinakamayayamang node sa network. Ang dalawang pinakakaraniwang ginagamit na paraan ay ang Naka-randomize na Pagpili ng Block at Pagpili Batay sa Tagal ng Coin.

Naka-randomize na Pagpili ng Block

Sa paraang Naka-randomize na Pagpili ng Block, pinipili ang mga validator sa pamamagitan ng paghahanap ng mga node na may kumbinasyon ng pinakamababang value ng hash at pinakamataas na stake. Dahil pampubliko ang mga laki ng mga stake, karaniwang mahuhulaan ng iba pang node ang susunod na forger.

Pagpili Batay sa Tagal ng Coin

Sa paraang Pagpili Batay sa Tagal ng Coin, pumipili ng mga node batay sa kung gaano katagal nang naka-stake ang kanilang mga token. Kinakalkula ang tagal ng coin sa pamamagitan ng pag-multiply sa dami ng mga araw na na-stake ang mga coin ayon sa dami ng mga coin na na-stake. 

Kapag nakapag-forge na ng block ang isang node, ire-reset sa zero ang tagal ng coin nito, at dapat itong maghintay sa loob ng isang partikular na tagal ng panahon bago ito makapag-forge ng panibagong block - sa pamamagitan nito, naiiwasan ang pagdomina ng malalaking stake node sa blockchain.

Pag-validate ng mga transaksyon

Ang bawat cryptocurrency na gumagamit ng Proof of Stake na algorithm ay may sariling hanay ng mga panuntunan at paraan para sa pinakamahusay na posibleng kumbinasyon para sa network at mga user nito, ayon dito.

Kapag napili ang isang node para i-forge ang susunod na block, susuriin nito kung valid ang mga transaksyon sa block. Pagkatapos, isa-sign nito ang block at idaragdag nito ito sa blockchain. Bilang reward, matatanggap ng node ang bayarin sa transaksyon mula sa block at, sa ilang blockchain, bilang reward na coin.

Kung gusto nang huminto ng isang node sa pagiging forger, ire-release ang stake nito at ang mga nakuha nitong reward pagkalipas ng isang takdang panahon, na magbibigay ng panahon sa network para i-verify na walang mapanlokong block na naidagdag ang node sa blockchain.


Aling mga blockchain ang gumagamit ng Proof of Stake?

Karamihan ng mga blockchain pagkatapos ng Ethereum ay gumagamit ng mga Proof of Stake na mekanismo ng consensus. Karaniwang binabago ang bawat isa para umakma sa mga pangangailangan ng network. Tatalakayin natin ang mga variation na ito mamaya sa artikulong ito. Ang Ethereum mismo ay kasalukuyang nasa proseso ng paglipat sa Proof of Stake sa pamamagitan ng Ethereum 2.0.

Kasama sa mga network ng blockchain na gumagamit ng Proof of Stake o ng isang anyo nito ang:

1. BNB Chain

2. BNB Smart Chain

3. Solana

4. Avalanche

5. Polkadot


Mga Bentahe ng Proof of Stake

Maraming malinaw na bentahe ang Proof of Stake kaysa sa Proof of Work. Dahil dito, halos laging gumagamit ng Proof of Stake ang mga bagong blockchain. Kasama sa mga benepisyo nito ang:

Adaptability

Habang nagbabago ang mga pangangailangan ng mga user at mga blockchain, ganoon din ang Proof of Stake. Madali itong makita sa napakaraming adaptation na available. Versatile ang mekanismo at madali itong babagay sa karamihan ng mga paggagamitan ng blockchain.

Desentralisasyon

Mas maraming user ang nahihikayat na magpagana ng mga node dahil mas abot-kaya ito. Nagiging mas desentralisado rin ang network dahil sa insentibong ito at sa proseso ng pag-randomize. Bagama't may mga pool ng pag-stake, mas malaki ang tsansang matagumpay na makakapag-forge ng block ang isang indibidwal sa ilalim ng Proof of Stake. Sa pangkalahatan, binabawasan nito ang pangangailangan para sa mga pool ng pag-stake. 

Pagiging tipid sa enerhiya

Napakatipid sa enerhiya ng Proof of Stake kumpara sa Proof of Work. Nakasalalay ang gastos sa paglahok sa economic cost ng pag-stake ng mga coin sa halip na sa computational cost ng paglutas ng mga puzzle. Humahantong ang mekanismong ito sa malaking kabawasan sa enerhiyang kinakailangan para mapagana ang mekanismo ng consensus.

Scalability

Dahil hindi umaasa ang Proof of Stake sa mga pisikal na makina para magkaroon ng consensus, mas scalable ito. Hindi kailangan ng malalaking farm ng pagmimina o pagkuha ng malalaking supply ng enerhiya. Mas mura, mas simple, at mas accessible ang pagdaragdag ng mas maraming validator sa network. 

Seguridad

Gumagana ang pag-stake bilang pampinansyal na motibasyon para huwag magproseso ng mga mapanlokong transaksyon ang validator. Kung may made-detect na mapanlokong transaksyon ang network, mawawala sa validator ang isang bahagi ng stake nito at ang karapatan nitong lumahok sa hinaharap. Kaya hangga't mas mataas ang stake kaysa sa reward, mas maraming mawawalang coin sa validator kaysa sa makukuha nito sa mapanlokong aktibidad.

Para epektibong makontrol ang network at maaprubahan ang mga mapanlokong transaksyon, pagmamay-ari dapat ng isang node ang kalakhang stake sa network, na kilala rin bilang 51% attack. Depende sa halaga ng isang cryptocurrency, puwedeng maging halos imposibleng makuha ang kontrol sa network, dahil kakailanganin mong makuha ang 51% ng supply na nasa sirkulasyon. 

Gayunpaman, puwede rin itong maging kahinaan na ipapaliwanag namin sa ibaba.


Mga Kahinaan ng Proof of Stake

Bagama't maraming bentahe ang Proof of Stake kumpara sa Proof of Work, mayroon pa rin itong ilang kahinaan:

Pag-fork

Sa karaniwang mekanismo ng Proof of Stake, walang disincentive sa pagmimina ng magkabilang panig ng isang fork. Sa ilalim ng Proof of Work, hahantong sa pagkaaksaya ng enerhiya ang pagmimina ng magkabilang panig. Sa Proof of Stake, di-hamak na mas mababa ang gastos, ibig sabihin, puwedeng "pumusta" ang mga tao sa magkabilang panig ng isang fork.

Pagiging madaling ma-access

Para makapagsimula kang mag-stake, kakailanganin mo ang supply ng native token ng isang blockchain. Para dito, kailangan mong bilhin ang token sa pamamagitan ng isang palitan o iba pang paraan. Depende sa kinakailangang halaga, baka kailanganin mo ng malaki-laking puhunan para epektibo kang makapagsimulang mag-stake. 

Sa Proof of Work, makakabili ka ng murang equipment para sa pagmimina o puwede ka ring magrenta nito. Sa pamamagitan nito, puwede kang sumali sa isang pool at mabilis na makapagsimulang mag-validate at kumita.

51% attack

Bagama't madali ring maapektuhan ng mga 51% attack ang Proof of Work, puwedeng maging di-hamak na mas madali ito sa Proof of Stake. Kung magka-crash ang presyo ng isang token o mababa ang market capitalization ng blockchain, ayon sa teorya, puwedeng maging murang bilhin ang lampas 50% ng mga token at kontrolin ang network.


Proof of Work vs. Proof of Stake

Kapag pinaghahambing natin ang dalawang mekanismo ng consensus, may ilang pangunahing pagkakaiba.


Proof of Work (PoW)

Proof of Stake (PoS)

Kinakailangang equipment

Equipment para sa pagmimina

Kaunti o wala

Pagkonsumo ng enerhiya

Mataas

Mababa

May pagkiling sa

Sentralisasyon

Desentralisasyon

Paraan ng pag-validate

Computational na patunay

Pag-stake ng mga coin


Gayunpaman, napakaraming iba't ibang mekanismo ng Proof of Stake sa iba't ibang blockchain. Maraming pagkakaiba ang dedepende sa eksaktong mekanismo na ginamit.


Iba pang mekanismo ng consensus na gumagamit sa Proof of Stake bilang batayan

Napaka-adaptable ng Proof of Stake. Puwedeng baguhin ng mga developer ang eksaktong mekanismo para umangkop sa mga partikular na paggagamitan ng isang blockchain. Nasa ibaba ang ilan sa mga pinakakaraniwang nakikita  

Delegated Proof of Stake (DPoS)

Nagbibigay-daan ang Delegated Proof of Stake sa mga user na mag-stake ng mga coin nang hindi nagiging validator. Sa ganitong sitwasyon, sine-stake nila ang mga ito sa likod ng isang validator para makihati sa mga reward ng block. Kapag mas maraming nag-stake na delegator sa likod ng isang posibleng validator, mas malaki ang tsansa nitong mapili. Karaniwang puwedeng baguhin ng mga validator ang halagang ibinabahagi sa mga delegator bilang insentibo. Mahalaga ring salik para sa mga delegator ang reputasyon ng isang validator.

Nominated Proof of Stake (NPoS)

Ang Nominated Proof of Stake ay isang modelo ng consensus na ginawa ng Polkadot. Marami itong pagkakatulad sa Delegated Proof of Stake, pero may isang pangunahing pagkakaiba. Kung magse-stake ang isang nominator (delegator) sa likod ng isang mapaminsalang validator, puwede ring mawala ang kanyang stake. 

Makakapili ang mga nominator ng hanggang 16 na validator kung saan magse-stake. Pagkatapos, pantay-pantay na ipapamahagi ng network ang kanilang stake sa likod ng mga napiling validator. Gumagamit din ang Polkadot ng ilang diskarte sa game theory at election theory para matukoy kung sino ang magfo-forge ng bagong block.

Proof of Staked Authority (PoSA)

Gumagamit ang BNB Smart Chain ng Proof of Staked Authority para magkaroon ng consensus sa network. Pinagsasama ng mekanismo ng consensus na ito ang Proof of Authority at Proof of Stake, na nagbibigay-daan sa mga validator na magsalitan sa pag-forge ng mga block. Isang grupo ng 21 aktibong validator ang kwalipikadong makilahok, na pinipili ayon sa halaga ng BNB na ise-stake nila o naitalaga sa likod nila. Tinutukoy ang hanay na ito araw-araw, at sino-store ng BNB Chain ang mga napili.


Konklusyon

Malaki na ang ipinagbago ng paraan ng pagdaragdag natin ng mga block ng mga transaksyon sa isang network mula noong Bitcoin. Hindi na natin kailangang umasa sa computing power para magkaroon ng consensus sa crypto. Maraming bentahe ang Proof of Stake, at napatunayan naman sa kasaysayan na gumagana ang Proof of Stake. Habang lumilipas ang panahon, mukhang magiging isa ang Bitcoin sa iilan lang na network ng Proof of Work na matitira. Sa ngayon, mukhang magtatagal ang Proof of Stake.