TL;DR
Sinusubukan ng Avalanche na pahusayin ang scalability nang hindi nakokompromiso ang bilis o desentralisasyon. Binubuo ng tatlong blockchain ang pangunahing platform nito: ang Exchange Chain (X-Chain), ang Contract Chain (C-Chain), at ang Platform Chain (P-Chain). Ginagamit ang X-Chain para sa paggawa at pag-trade ng mga asset. Ang C-Chain ay para sa paggawa ng smart contract. Ang P-Chain ay para sa pag-coordinate ng mga validator at Subnet.
Isa sa pinakamahahalagang breakthrough ng protocol ang Avalanche Consensus, na isang paraang gumagamit ng nauulit na sub-sampled na pagboto ng mga validator para gawing mabilis at abot-kaya ang consensus. Ginagamit din ng Avalanche ang mga Subnet bilang bagong paraan ng horizontal na pag-scale, na nagbibigay-daan sa paggawa ng mga nako-customize at interoperable na blockchain. Walang limitasyon ang dami ng mga Subnet na posible.
Habang umuunlad ang teknolohiya ng blockchain, nagbibigay ito ng mga bagong solusyon sa mga luma nang problema sa scalability, interoperability, at usability. Natatangi ang naging diskarte ng Avalanche sa paggamit ng tatlong magkakahiwalay na blockchain sa pangunahin nitong platform. Sinasabi ng Avalanche, na pinapagana ng native token nitong AVAX at maraming mekanismo ng consensus, na ito "ang pinakamabilis na platform ng mga smart contract sa industriya ng blockchain, ayon sa sukat ng time-to-finality." Sa artikulong ito, titingnan natin ang mga salik na humahantong sa pahayag na ito at sa mga ibinibigay nitong solusyon.
Inilunsad ang Avalanche noong Setyembre 2020 ng Ava Labs, isang team na nasa New York. Nakalikom ang Ava Labs ng halos $300 milyon (U.S. dollar) na pondo, at nagsagawa ang Avalanche Foundation ng mga pribado at pampublikong
pagbebenta ng token na umabot nang $48 milyon sa kabuuan. Ang nagtatag na team na may tatlong miyembro na nasa likod ng Avax Labs ay binubuo nina Kevin Sekniqi, Maofan "Ted" Yin, at Emin Gün Sirer.
May tatlong pangunahing problema na sinusubukang lutasin ang Avalanche: ang scalability, bayarin sa transaksyon, at interoperability.
Scalability vs. desentralisasyon
Karaniwang nahihirapan ang mga blockchain na balansehin ang
scalability at desentralisasyon. Puwedeng mabilis na mapuno ang isang network na may dumaraming aktibidad. Isang magandang halimbawa ang Bitcoin (BTC), dahil kung minsan, inaabot nang ilang oras o kahit ilang araw bago maproseso ang mga transaksyon sa mga panahong congested ang network.
Isang paraan para malabanan ito ay gawing mas
sentralisado ang network, na nagbibigay sa mas kaunting tao ng dagdag na awtoridad na i-validate ang aktibidad sa network, na nagbibigay-daan naman para maging mas mabilis ang proseso. Gayunpaman, napakahalaga ng desentralisasyon sa seguridad ng
blockchain. Sinusubukan ng mga bagong blockchain na lutasin ang problemang ito sa pamamagitan ng mga pagpapaunlad sa teknolohiya, at gumawa ang Avalanche ng natatanging diskarte, na tatalakayin natin mamaya.
Mataas na bayarin
Isa pang karaniwang isyu sa mas malalaking blockchain gaya ng
Ethereum ay ang bayarin sa gas ng mga ito, na puwedeng tumaas kapag mataas ang trapiko. Sa huli, napipigilan nito ang mga user na gamitin ang mga blockchain na ito, pero hindi masyadong kilala ang mga ecosystem ng mga kakumpitensya. Halimbawa, naging mataas ang trapiko at bayarin ng Ethereum dahil sa kasikatan nito at sa kawalan ng mga alternatibo rito noon pa man. Sa ilang punto, nagkakahalaga ng mahigit $10 ang mga simpleng paglilipat, at puwedeng lumampas nang $100 ang mga kumplikadong interaction sa
smart contract.
Interoperability
May mga sariling pangangailangan ang iba't ibang proyekto at negosyo pagdating sa mga blockchain. Dati, kailangang gumana ang mga proyekto sa Ethereum, sa isa pang indibidwal na blockchain na hindi iniangkop sa mga pangangailangan ng mga ito, o sa
pribadong blockchain. Naging mahirap hanapin ang balanse sa pagitan ng kakayahang i-customize at kooperasyon sa maraming blockchain. Iniaalok ng Avalanche ang solusyon nito sa pamamagitan ng mga Subnet – mga custom na blockchain na partikular sa app na may seguridad, bilis, at compatibility na pareho sa pangunahing network.
Gumagamit ang Avalanche ng kumbinasyon ng mga paraang dahilan kaya natatangi ito at binubuo ito ng tatlong pangunahing interoperable na blockchain: ang X-Chain, C-Chain, at P-Chain.
1. Ginagamit ang
Exchange Chain (X-Chain) para sa paggawa at pagpapapalit ng mga AVAX token at iba pang digital asset. Binabayaran ang
bayarin sa transaksyon gamit ang AVAX, at ginagamit ng blockchain ang Avalanche Consensus protocol.
2. Sa
Contract Chain (C-Chain) makakagawa ang mga developer ng mga smart contract para sa mga DApp. Nagpapatupad ang chain na ito ng isang instance ng
Ethereum Virtual Machine (EVM), na nagbibigay-daan sa mga
DApp na compatible sa EVM. Gumagamit ito ng binagong bersyon ng Avalanche Consensus protocol na tinatawag na Snowman.
3. Pinag-uugnay ng Platform Chain (P-Chain) ang mga validator ng network, sinusubaybayan nito ang mga aktibong Subnet, at nagbibigay-daan ito sa paggawa ng mga bagong Subnet. Gumagamit din ng Snowman ang P-Chain.
Dahil may iba't ibang tungkulin ang bawat blockchain, pinapahusay ng Avalanche ang bilis at scalability kumpara sa pagpapatakbo ng lahat ng proseso sa iisang chain lang. Iniakma ng mga developer ng Avalanche ang mga mekanismo ng consensus sa mga pangangailangan ng bawat blockchain. Kailangan ng AVAX ng mga user para mag-stake at magbayad ng bayarin sa network, na nagbibigay sa ecosystem ng karaniwang magagamit na asset.
May mga pagkakapareho ang dalawang consensus protocol ng Avalanche. Ang dual system na ito ay isang pangunahing dahilan para sa mas mahusay na scalability at mas mabilis na transaksyon ng network.
Avalanche
Hindi nangangailangan ng pinuno ang consensus protocol ng Avalanche para magkaroon ng consensus gaya ng
Proof of Work (PoW),
Proof of Stake (PoS), o
Delegated Proof of Stake (DPoS). Dahil sa salik na ito, nagiging mas desentralisado ang network ng Avalanche nang hindi isinasakripisyo ang scalability. Sa kabaliktaran, nagkakaroon ang PoW, PoS, at DPoS ng mga transaksyong may prosesong may isang actor, pagkatapos ay vina-validate ng iba ang gawa nito.
Nagpapatupad ang Avalanche ng consensus protocol na naka-optimize para sa
directed acyclic graph (DAG). Nagbibigay-daan ang DAG sa network na magproseso ng mga transaksyon nang sabay. Pino-poll ng mga validator ang isang sample ng ibang mga validator para matukoy kung valid ang isang bagong transaksyon. Pagkatapos ng isang partikular na bilang ng paulit-ulit na random subsampling na ito, napapatunayan ayon sa istatistika na halos imposibleng maging peke ang isang transaksyon.
Fina-finalize agad ang lahat ng transaksyon nang walang ibang kumpirmasyon na kinakailangan. Sa pagpapatakbo ng node ng validator at pag-validate ng mga transaksyon, mababa at accessible ang mga kinakailangan sa hardware, na nakakatulong sa performance, desentralisasyon, at kaangkupan sa kapaligiran.
Snowman
Nakabatay ang consensus protocol ng Snowman sa consensus protocol ng Avalanche pero linear ang pag-aayos nito ng mga transaksyon. Kapaki-pakinabang ang katangiang ito kapag nangangasiwa ng mga smart contract. Hindi tulad ng consensus protocol ng Avalanche, gumagawa ng mga block ang Snowman.
AVAX ang native token ng Avalanche na may limitadong supply na 720 milyon. Lahat ng bayaring binabayaran sa network ay
binu-burn bilang deflationary na mekanismo, kung saan makikinabang ang kalakhan ng komunidad ng Avalanche. May tatlong pangunahing pinaggagamitan ang AVAX:
1. Puwede mong i-stake ang iyong AVAX para maging validator o italaga ito sa isang validator. Puwedeng kumita ang mga validator ng hanggang 10% Annual Percentage Yield (APY), at puwede silang magtakda ng bayad na may custom na porsyento ng reward na papanatilihin nila mula sa mga delegator na sumusuporta sa kanila.
2. Nagsisilbi ang AVAX bilang karaniwang unit ng account para sa lahat ng Subnet, na nagpapahusay sa interoperability.
3. Dapat bayaran ang bayarin sa transaksyon at subskripsyon sa Subnet gamit ang AVAX.
Puwedeng makakuha ng mga reward ang mga may hawak ng AVAX sa pagiging validator o sa pamamagitan ng
pag-stake ng mga token sa isang validator. Para maging validator, kailangang mag-stake ng 2,000 AVAX.
Mababa ang mga kinakailangan sa hardware kaya dapat maging angkop ang karamihan ng mga karaniwang laptop o desktop para makapagsimulang mag-validate. Puwede ka ring mag-stake ng mga token sa isang validator at makatanggap ng mga reward kapag matagumpay na nakapagkumpirma ng mga transaksyon ang validator.
Nag-aalok ang Avalanche ng functionality na katulad sa Ethereum at iba pang layer-one blockchain. Puwedeng gumawa ng mga token,
NFT, at DApp ang mga developer. Ang mga user ay puwedeng mag-stake ng mga token, mag-validate ng mga transaksyon, at gumamit ng mahigit sa 400 DApp. Nagmumula ang mga benepisyo ng Avalanche, ayon sa mga tagapagtaguyod nito, sa mga pagpapahusay sa mga kakayahang ito. Bilang dagdag na feature, nagbibigay-daan din ang Avalanche sa paggawa ng mga interoperable at naka-customize na blockchain na tinatawag na mga Subnet.
Angkop na angkop para sa mga pangangailangan ng malalaking enterprise ang naka-customize na blockchain na gumagamit ng subnet na puwedeng i-scale nang lubos, at marami ang bumubuo na ng mga Subnet. Maginhawa para sa mga malalaking corporate at maliliit na independent na operator ng mga custom na blockchain na ito na makipag-ugnayan sa iba sa mahusay na ecosystem at i-leverage ang seguridad ng pangunahing network ng Avalanche.
Ang Avalanche ay may sariling Avalanche Virtual Machine (AVM), na compatible sa EVM. Madaling magagamit ng mga developer na pamilyar sa Solidity coding language ng Ethereum ang Avalanche at madali rin silang makakapag-port ng mga kasalukuyang proyekto.
Hindi lang sa Avalanche makikita ang mga problema at solusyong binanggit namin. Nakikipagkumpitensya ang Avalanche sa iba pang platform na puwedeng i-scale at interoperable na blockchain gaya ng Ethereum,
Polkadot,
Polygon, at
Solana. Bakit nga ba naiiba ang Avalanche sa mga alternatibo?
Mekanismo ng consensus
Malamang na ang pinakamalaking pagkakaiba ay ang Avalanche Consensus. Gayunpaman, hindi lang Avalanche ang blockchain na may bagong mekanismo ng consensus. Ang Solana ay may Proof of History na diumano ay kayang mangasiwa ng hanggang 50,000 TPS
(transactions per second o mga transaksyon kada segundo), na nakakalamang sa 6,500 TPS na sinasabi ng Avalanche. Gayunpaman, isang sukatan lang ang TPS para sa pag-assess sa bilis ng network at hindi nito naisasaalang-alang ang finality ng block.
Bilis at pagsasapinal ng transaksyon
Isa pang kapansin-pansing pagkakaiba ay ang
finality time ng Avalanche na wala pang 1 segundo. Ano ba mismo ang ibig sabihin nito? Muli, ang TPS ay isang sukatan lang kapag sinusukat ang bilis. Kailangan din nating isaalang-alang ang tagal bago magarantiyahan na na-finalize na at hindi na mababawi o mababago ang isang transaksyon. Puwede kang magproseso ng 100,000 transaksyon sa loob ng isang segundo, pero kung may pagkaantala sa pag-finalize, magiging mas mabagal pa rin ang network. Sinasabi ng Avalanche na ito ang may pinakamabilis na time-to-finality sa industriya.
Desentralisasyon
Isa sa pinakamabibigat na pahayag ng Avalanche ay ang desentralisasyon. Kung isasaalang-alang ang sukat at tagal nito, marami nga itong validator (1,300+ mula Abril 2022), kung saan kasama sa mga dahilan ang pagka-minimal ng mga kinakailangan nito. Gayunpaman, dahil tumaas ang presyo ng AVAX, mas mahal na ngayong maging validator.
Mga interoperable na blockchain
Posibleng wala ring limitasyon ang bilang ng mga interoperable na blockchain ng Avalanche. Direkta itong kakumpitensya ng Polkadot, na isa pang proyektong nag-aalok ng mga naka-customize at interoperable na blockchain. May limitadong espasyo ang Polkadot na ino-auction off sa mga auction sa Parachain Slots, samantalang gumagana ang Avalanche nang may simpleng bayad sa subskripsyon.
Habang naghahanap ng mga alternatibo sa Ethereum ang mga platform ng Decentralized Finance (DeFi), nakakahikayat ang mga blockchain gaya ng Avalanche dahil sa compatibility ng mga ito sa EVM at mababang bayarin. Gayunpaman, ang mga platform ng DeFi ay may mahaba nang listahan ng mga alternatibong platform pagdating sa scalability at bilis.
Sumikat na ang Avalanche mula noong ni-release ito, at nakahabol na ito sa Ethereum pagdating sa kabuuang mga transaksyon kada araw, pero hindi pa alam kung makakasabay ba ito sa iba pang blockchain gaya ng Solana o Polygon.