Kaibahan ng Blockchain at Bitcoin
Kaibahan ng Blockchain at Bitcoin
HomeMga Artikulo
Kaibahan ng Blockchain at Bitcoin

Kaibahan ng Blockchain at Bitcoin

Baguhan
Published Nov 28, 2018Updated Apr 29, 2021
5m

Para sa mga bago sa cryptocurrency, maaaring nakalilito o minsan nakalilinlang ang mga ginagamit na termino. Ang iba ay ginagamit ang Bitcoin kahit na ang tinutukoy ay blockchain technology, habang binabanggit ng iba ang blockchain kapag tinutukoy naman ang cryptocurrencies sa pangkalahatan. Ganunpaman, ang mga terminong ito ay hindi mapagpapalit: tinutukoy nila ang magkaiba ngunit magkaugnay na mga konsepto. Samakatuwid, mahalaga na maintindihan ang mga kaibahan nila. Kaya’t ipinapakilala namin ngayon ang mga pangunahing ideya ng teknolohiyang blockchain, cryptocurrencies, at Bitcoin.


Simpleng Pagsusuri

Ipagpalagay ito:

  • Ang mga website ay isang partikular na teknolohiyang ginagamit sa pagbabahagi ng impormasyon.
  • Ang mga search engine ay isa sa mga pinapakatanyag at kilalang paraan sa paggamit ng website na teknolohiya.
  • Ang Google ang pinakakilalang halimbawa ng isang search engine.

Ganun din:
  • Ang blockchain ay isang partikular na teknolohiyang ginagamit sa pagtatala ng impormasyon (data blocks).
  • Ang cryptocurrency ay isa sa mga pinakasikat at kilalang paraan ng paggamit ng blockchain.
  • Ang Bitcoin ang una at pinakakilalang halimbawa ng isang cryptocurrency.


Blockchain: Konsepto

Karamihan sa mga blockchain ay dinisenyo bilang isang distributed at decentralized na digital ledger. Sa madaling salita, ang blockchain ay isang digital na ledger na masasabing electronic na bersyon ng isang papel na ledger, at tungkulin nito ang pagtatala ng listahan ng mga transaksyon.

Sa mas detalyadong paliwanag, ang blockchain ay isang linear na chain ng iba’t ibang mga block na pinag-uugnay at binibigyan ng seguridad ng mga cryptographic na proof. Magagamit din ang teknolohiyang blockchain sa ibang mga aktibidad na hindi nangangailangan ng pinansyal na operasyon, ngunit sa konteksto ng cryptocurrency, responsable ito sa pagpapanatili ng permanenteng tala ng lahat ng mga kumpirmadong transaksyon.

Ang 'distributed' at 'decentralized' ay tumutukoy sa paraan ng pag-aayos at pagpapanatili ng ledger. Para maintindihan ang kaibahan, isipin ang mga karaniwang uri ng centralized na mga ledger tulad ng pampublikong rekord ng mga ibinebentang bahay, ang rekord ng isang bangko ng mga withdrawal sa ATM, o listahan ng eBay ng mga naibentang kagamitan. Sa bawat kasong nabanggit, isang organisasyon lamang ang nagko-kontrol sa ledger: isang ahensya ng gobyerno, ang bangko, o eBay.

Isa pang pagkakapareho ay ang pagkakaroon ng iisang master copy ng ledger at ang iba ay simpleng backup lamang na hindi opisyal na rekord. Samakatuwid, ang mga tradisyunal na ledger ay centralized dahil pinapanatili sila ng iisang indibidwal o organisasyon at madalas ay nakaasa sa iisang database. 

Sa madaling sabi, ang distributed na sistema ay pinapanatili ng kolektibong trabaho ng maraming mga user na kalat sa buong mundo. Ang mga user na ito ay kilala rin bilang mga network node, at ang lahat ng mga node ay kasali sa proseso ng pagberipika at pag-validate ng mga transaksyon ayon sa panuntunan ng sistema. Samakatuwid, ang kapangyarihan ay decentralized (walang pangunahing awtoridad). 


Blockchain: Paggamit

Nakuha ang terminong blockchain sa paraan kung paano inaayos ang mga rekord: isang chain ng mga magkakaugnay na block. Sa madaling sabi, ang block ay isang piraso ng datos na naglalaman ng mga bagay katulad ng listahan ng mga pinakahuling transaksyon (gaya ng printed na pahina ng mga entry). Ang mga block, ganun din ang mga transaksyon, ay pampubliko at nakikita ngunit hindi maaaring mabago (tulad ng paglalagay ng bawat pahina sa isang selyadong salamin na kahon). Habang nagdadagdag ng mga bagong block sa blockchain, isang tuloy-tuloy na rekord ng magkakaugnay na mga block ang nabubuo (tulad ng isang pisikal na ledger at ang maramihang pahina nito ng mga rekord). Ito ay isang simpleng analohiya lamang, ngunit ang proseso ay mas kumplikado kaysa rito.


Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi tinatablan ng modipikasyon ang blockchain ay ang katotohanan na ang mga block ay pinag-uugnay at binibigyang seguridad ng cryptographic na mga proof. Para makagawa ng mga bagong block, ang mga kasali sa network ay kinakailangang makibahagi sa isang magastos at masinsinang computational na aktibidad na tinatawag na mining. Sa madaling sabi, ang mga miner ay responsable sa pagbeberipika ng mga transaksyon, at pag-grupo sa mga ito sa bagong-gawang mga block na siya namang idadagdag sa blockchain (kung nagawa ang mga kondisyon). Responsable rin sila sa paglalagay ng mga bagong coin sa sistema, na ibinibigay bilang premyo sa kanilang trabaho.

Ang bawat kumpirmadong block ay iniuugnay sa block na nabuo bago ito. Ang kagandahan ng ganitong setup ay ang pagiging imposible na mabago ang datos sa isang block kapag ito ay naidagdag na sa blockchain dahil binibigyan ito ng seguridad ng cryptographic na mga proof, na masyadong mahal para buuin at masyadong mahirap na bawiin.

Kung susumahin, ang blockchain ay isang chain ng mga magkakaugnay na data blocks na inorganisa sa magkakasunod-sunod na ayos at binibigyang seguridad ng cryptographic na mga proof.


Cryptocurrency

Sa simpleng termino, ang cryptocurrency ay isang digital na uri ng pera na ginagamit bilang paraan ng palitan sa isang distributed na network ng mga user. Di tulad ng mga tradisyunal na sistema ng pagbabangko, ang mga transaksyong ito ay sinusubaybayan gamit ang isang pampublikong digital ledger (ang blockchain) at maaaring direktang maganap sa pagitan ng mga kalahok (peer-to-peer) nang hindi nangangailangan ng mga tagapamagitan.

Ang 'crypto' ay tumutukoy sa mga cryptographic na technique na ginagamit sa pagbibigay ng seguridad sa ekonomikong sistema para tiyakin ang paggawa ng mga bagong cryptocurrency units at ang maayos na daloy ng pag-validate sa mga transaksyon.

Bagamat hindi lahat ng cryptocurrency ay maaaring i-mine, ang marami tulad ng Bitcoin ay nakaasa sa proseso ng mining at may mabagal at kontroladong pagdami ng umiikot na supply. Samakatuwid, ang mining ang tanging paraan sa paggawa ng bagong mga unit ng mga coin na ito at siyang pumipigil sa panganib ng inflation na banta sa mga tradisyunal na fiat currency, kung saan nakokontrol ng isang gobyerno ang supply ng pera.


Bitcoin

Ang Bitcoin ang unang cryptocurrency na ginawa at siya ring pinakakilala. Ipinakilala ito noong 2009 ng isang developer na may palayaw na Satoshi Nakamoto. Ang pangunahing ideya ay ang pagbuo ng malaya at decentralized na electronic na sistema ng pagbabayad na nakabase sa mathematical proofs at cryptography.

Bagamat kilala ito, hindi nag-iisa ang Bitcoin. Marami pang ibang cryptocurrency. Ang bawat isa ay may partikular na katangian at mekanismo. Ganun din, hindi rin lahat ng cryptocurrency ay may sariling blockchain. Ang iba ay binuo gamit ang dati nang blockchain, habang ang iba ay binuo mula sa wala.

Tulad ng karamihan sa mga cryptocurrency, ang Bitcoin ay may limitadong supply na nangangahulugang wala nang mabubuong mga Bitcoin ang sistema kapag naabot na ang maximum na supply. Bagamat naiiba ito depende sa proyekto, ang maximum na supply ng Bitcoin ay itinakda sa 21 milyong unit. Kadalasan, ang kabuuan supply ay pampublikong impormasyon na tinutukoy kapag binubuo ang cryptocurrecy. Maaring i-check ang umiikot na supply at Presyo ng Bitcoin sa Binance Info.
Ang protocol na Bitcoin
ay bukas na source at kahit na sino ay maaaring suriin o kopyahin ang code. Maraming developer sa buong mundo ang nag-aambag sa pag-unlad ng proyekto.