TL;DR
Ang Trust Wallet ay isang non-custodial na mobile cryptocurrency wallet na itinatag noong 2017. Marami itong iba't ibang functionality at nagbibigay-daan ito sa mga user na mag-access ng maraming mapagpipiliang blockchain, digital asset, at DApp.
May sarili ring governance token ang Trust Wallet, ang TWT, na nagbibigay-daan sa mga may hawak na sumali sa mahahalagang botohan sa pamamahala. Trust Wallet ang opisyal na desentralisadong wallet ng Binance, kaya naman isa itong ligtas at secure na opsyon para sa mga user.
Panimula
Habang dumarami ang mga taong gumagamit ng mga cryptocurrency at decentralized application (DApp), naging mas mahalaga nang magkaroon ng simpleng paraan para i-access ang mga ito. Interesado ka mang mamuhunan, magbayad, o sa mga DApp, posibleng mabilis na humirap ang pagkakaroon ng maraming solusyon para sa iba't ibang aktibidad.
Dito makakatulong ang madaling gamiting all-in-one package gaya ng Trust Wallet. Bilang bahagi ng ecosystem ng Binance, isang magandang solusyon ang Trust Wallet para sa mga user ng Binance. Isa rin ito sa mga pinakasikat na cryptocurrency wallet na available, na na-download nang mahigit tatlumpung milyong beses.
Ano ang Trust Wallet?
Inilunsad ang Trust Wallet noong Nobyembre 2017 ni Viktor Radchenko at nagkaroon agad ito ng malaking user base. Binili ng Binance ang Trust Wallet noong 2018, at pumalit si Eowyn Chen, dating Binance Marketing VP, bilang CEO noong umpisa ng 2021.
Nagsisilbi ang Trust Wallet bilang secure, open-source, at desentralisadong crypto wallet. Magagamit mo ang Trust Wallet para mag-access ng mahigit 20,000 Ethereum-based at EVM-Compatible token, 63 blockchain, at mahigit isang milyong crypto asset, kasama na ang Bitcoin (BTC), Ether (ETH), BNB, BUSD, at Tether (USDT).
Napanatili ng Trust Wallet ang mga pangunahin nitong prinsipyo tungkol sa hindi pagkakaroon ng access sa mga wallet ng mga user, paghawak ng mga pribadong key, o paghingi ng personal na impormasyon kahit kailan.
Paano gumagana ang Trust Wallet?
Ang Trust Wallet ay isang multi-coin mobile wallet na nagbibigay sa mga user ng access sa maraming chain sa isang application. Hindi tulad ng mga browser-based na wallet, naa-access ang bawat blockchain mula sa sandaling i-download mo ang app. Hindi kailangang idagdag ang mga partikular na detalye ng isang blockchain para makapagsimulang magtransaksyon o makipag-interact sa mga Decentralized Application (DApp).
May kumpletong kontrol ang mga user ng Trust Wallet sa kanilang seed phrase, kaya naman non-custodial ang app. Puwede ka ring mag-store ng Ethereum at BNB Smart Chain (dating Binance Smart Chain) Non-Fungible Token (NFT) sa app at puwede mong tingnan ang nauugnay na art ng mga ito. Isa pang pangunahing feature para sa mga user ng Trust Wallet ang naka-built in na DApp browser nito.
Naka-built in na DApp browser
Nasa Trust Wallet app ang Web3 DApp browser nito. Gamit ito, makakapag-interact at makakapag-access ka ng mga DApp nang hindi umaalis sa Trust Wallet app o kinakailangang kumonekta sa isang desktop device. Madali kang makakagamit ng iba't ibang DApp, kasama ang OpenSea, PancakeSwap, 1inch, at Uniswap, nang tuloy-tuloy at ligtas. Sa isang punto, isa ang Trust Wallet sa iilan lang na mobile wallet na nag-aalok ng feature na iyon.
Para mas mapaigting pa ang kaligtasan at seguridad ng user, nagbibigay ang DApp Marketplace ng Trust Wallet ng ilang piling DApp na nakakatugon sa mahihigpit na pamantayan sa kalidad at seguridad. Naka-optimize din ang mga DApp na ito para sa performance sa mobile, na isang karaniwang problema para sa mga user na mas gustong pamahalaan ang crypto at mga DApp nila gamit ang kanilang mga telepono.
Ano ang magagawa mo sa Trust Wallet?
Nag-aalok din ang Trust Wallet ng ilang feature na native na available sa Trust Wallet app:
Pag-stake
May walong available na opsyon sa pag-stake, kasama na ang BNB, ATOM, LUNA, at higit pa, na may APR na hanggang 85%. Nakadepende ang iyong mga aktwal na return sa mga taga-validate at pagkakataon sa pag-stake na available sa partikular na panahon, at mas marami pang idaragdag.
Pag-swap at pagpapapalit
Puwedeng mag-swap ng mga token ang mga user sa Trust Wallet app gamit ang native na cross-chain na pag-swap. Pinapagana ang mga serbisyong ito ng Binance DEX at 1inch at nagbibigay-daan sa iyo ang mga ito na mag-trade ng mga asset sa pagitan ng mga network nang tuloy-tuloy.
Halimbawa, puwede kang mag-swap ng mga BEP-2 token kapalit ng mga BEP-20 (BNB Beacon Chain papuntang BSC at kabaliktaran) o ERC-20 token. Walang bayad na sinisingil ang Trust Wallet para sa serbisyong ito. Puwede ka ring gumawa ng mga buy at sell order sa pamamagitan ng Binance DEX.
Pagbili
Nagbibigay-daan ang Trust Wallet sa mga user na bumili ng mga cryptocurrency gamit ang fiat sa anim na on-ramp provider. Puwede kang bumili ng mahigit 40 cryptocurrency nang direkta sa app gamit ang iyong credit o debit card, Apple Pay, Google Pay, o bank transfer.
Saan ko mada-download ang Trust Wallet?
Ang Trust Wallet ay isang pang-mobile lang na app na puwedeng i-download para sa mga iOS, Android, at Google device. Maa-access mo ang mga opisyal na link sa pag-download sa website ng Trust Wallet. Laging kumpirmahin na ginagamit mo ang opisyal na website kapag nagda-download ka ng anumang crypto wallet o crypto exchange app.
Ano ang Trust Wallet Token (TWT)?
Ang Trust Wallet Token (TWT) ay isang governance token na nagbibigay-daan sa mga user na lumahok sa proseso ng pagpapasya ng wallet. Bumoboto at nagmumungkahi ang mga may hawak ng TWT ng mga in-app feature, update, at iba pang mahahalagang pagbabago. Ang TWT token ay may maximum na supply na 1,000,000,000 TWT at isa itong BEP-20 token sa BNB Smart Chain at BEP-2 token sa BNB Beacon Chain.
Puwede ring makatanggap ang mga may hawak ng mga diskwento sa mga serbisyo at pagbili ng cryptocurrency sa DEX. Puwede kang bumili ng Trust Wallet Token sa Binance o kumita nito sa pamamagitan ng mga marketing campaign, giveaway, at airdrop na isinasagawa ng Trust Wallet team.
Konklusyon
Nag-aalok ang Trust Wallet ng versatile na produkto para sa kahit sinong nagho-HODL ng mga coin, nakikipag-interact sa mga Decentralized Finance (DeFi) DApp, o gustong bumili ng mga cryptocurrency. Malaking bahagi ng trabaho sa paggamit ng crypto ang nakasalalay sa pagbibigay ng mga diretsahan at one-stop na solusyon, at iyon mismo ang iniaalok ng Trust Wallet. Kung magpapasya kang bumili ng TWT, siguraduhin ding magsasaliksik ka muna bago ka mamuhunan.