Ano ang Etherscan at Paano Ito Gamitin?
Home
Mga Artikulo
Ano ang Etherscan at Paano Ito Gamitin?

Ano ang Etherscan at Paano Ito Gamitin?

Baguhan
Na-publish Oct 6, 2021Na-update May 12, 2023
8m

TL;DR

Ang Etherscan ay isang blockchain explorer para sa network ng Ethereum. Nagbibigay-daan sa iyo ang website na maghanap sa mga transaksyon, block, wallet address, smart contract, at iba pang data sa chain. Isa ito sa mga pinakasikat na blockchain explorer ng Ethereum at libre itong gamitin.

Sa pamamagitan ng paggamit ng Etherscan, mauunawaan mo kung paano ka mismo nakikipag-interact sa blockchain, iba pang wallet, at mga DApp. Makakatulong din sa iyo ang kaalamang ito na manatiling ligtas at makakita ng kahina-hinalang gawi.

Para makagamit ng Etherscan, kailangan mo ng wallet address, ID ng transaksyon (TXID), address ng kontrata, o iba pang identifier na ipe-paste sa field para sa paghahanap. Ang impormasyong makikita mo ay depende sa kung ano ang tinitingnan mo, pero karamihan nito ay kabibilangan ng mga nauugnay na transaksyon, address, timestamp, at halaga.

Puwede ka ring direktang makipag-interact sa mga smart contract para magsagawa ng mga transaksyon, tingnan ang bayarin sa gas, at maghanap ng mga airdrop sa pamamagitan ng Etherscan.


Panimula

Kung hindi lang sa pag-HODL at pagpapadala ng ilang transaksyon mo ginagamit ang Ethereum, malaki ang pakinabang ng pag-alam kung paano i-navigate ang blockchain. Isa ang Etherscan sa mga pinakasikat na opsyon, kaya napakahusay nitong lugar para simulang pag-aralan ang mga pangunahing kaalaman. Magagamit mo ang karamihan ng mga feature nang hindi kinakailangang ikonekta ang iyong wallet o kahit magbukas ng account. Talakayin natin ang mga pinakakaraniwang paraan para gamitin ang Etherscan at kung ano ang magagawa mo sa mahahanap mong impormasyon.

  

Ano ang Etherscan?

Ang Etherscan ay isang block explorer na nagbibigay-daan sa iyong tingnan ang pampublikong data sa mga transaksyon, smart contract, address, at higit pa sa blockchain ng Ethereum. Pampubliko ang lahat ng interaction sa Ethereum, at nagbibigay-daan sa iyo ang Etherscan na maghanap sa mga ito gaya ng search engine. Puwede kang gumamit ng hash ng transaksyon (ID ng transaksyon) para tingnan ang lahat ng kaugnay na aktibidad, kasama na ang mga token, smart contract, at wallet address.

Hindi mo kailangang mag-sign up para sa Etherscan, pero puwede kang gumawa ng account para sa karagdagang functionality. Halimbawa, puwede kang magtakda ng mga alerto para maabisuhan ka tungkol sa mga nalalapit na transaksyon, makapag-access ka ng mga tool ng developer, at makagawa ka ng mga feed ng data.

Hindi magbibigay sa iyo ang Etherscan ng Ethereum wallet na magagamit o mapaglalagyan ng alinman sa iyong mga pribadong key. Hindi mo rin ito magagamit sa pag-trade. Nagsisilbi lang itong mapagkukunan ng impormasyon ng blockchain at database ng mga smart contract. Para makapagsagawa ng mga transaksyon o makapag-store ng crypto, mangangailangan ka ng crypto wallet gaya ng Trust Wallet, MetaMask, Math Wallet, o Binance Chain Wallet.


Bakit ako dapat gumamit ng Etherscan?

Isa ang Etherscan sa mga pinakapinagkakatiwalaan at sikat na block explorer para sa Ethereum. Gayunpaman, mas mahalagang maunawaan kung bakit ka dapat gumamit ng block explorer gaya ng Etherscan para tumingin ng impormasyon sa chain. Kung mas marami kang alam sa kung paano mo ginagamit ang blockchain, mas mauunawaan mo nang mabuti kung ano ang nangyayari sa mga DApp at transaksyon. Gamit ang kaalamang ito, mananatili ka ring ligtas at matutukoy mo ang kahina-hinalang aktibidad sa blockchain.

Halimbawa, sa mga alerto ng whale, malalaman mo kung may malalaking halaga ng cryptocurrency na nailipat sa isang palitan. Bagama't hindi palaging ganito ang sitwasyon, posibleng iminumungkahi ng ganitong impormasyon na may malaking sell-off. Makikita mo rin kung ano ang ginagawa ng mga tagapagtatag ng isang proyekto sa mga token ng kanilang proyekto. Makakatulong ito sa iyong matukoy ang mga potensyal na scam o rug pull, kung saan inaabandona ng mga developer ang kanilang mga proyekto at ibinebenta nila ang kanilang mga coin. 


Paano maghanap ng transaksyon at wallet sa Etherscan

Isang pangunahing feature ng Etherscan ang pagsubaybay sa mga transaksyon. Mahalagang maunawaan kung paano subaybayan ang iyong cryptocurrency para ma-unlock ang lahat ng iba pang impormasyon ng isang blockchain. Halimbawa, isipin na nagpadala ka ng 0.025 ether (ETH) mula sa iyong wallet papunta sa sumusunod na pampublikong address: 0x480bbcb368197d44c6f54a738e59c33eff004b6a.

Nagbayad ka rin ng dagdag na 0.001559212674537 ETH na bayad sa transaksyon. Pagkatapos isagawa ang transaksyon, ipinakita ng iyong wallet ang TXID na ito:

0x80a3cc0f344651b3de745b2f1efbe8d35d4f348e95b345c8a840ebf955414fa5

Sabihin nating gusto mong tingnan ang dami ng mga kumpirmasyon ng transaksyon at makita kung matagumpay itong naipadala. 

1. Pumunta sa homepage ng Etherscan at hanapin ang field para sa paghahanap sa itaas ng page.


2. Susunod, kopyahin at i-paste ang ID ng transaksyon (TXID) sa field para sa paghahanap at pindutin ang icon ng paghahanap.


3. Makikita mo na ngayon ang lahat ng detalye tungkol sa iyong partikular na transaksyon:


4. Puwede mo ring pindutin ang button na [Mag-click para makakita ng Higit pa] para sa mas detalyadong impormasyon, pero sa ngayon, pag-usapan lang muna natin ang default na display:

Hash ng Transaksyon

Ang string ng mga numero at titik (TXID) na nauugnay sa iyong partikular na transaksyon.

Status

Kung ang iyong transaksyon ay pumalya, kasalukuyang isinasagawa, o nagtagumpay.

Block

Ang numero ng block kung saan kasama ang iyong transaksyon. Makikita mo ring kung ilang beses nakumpirma ang iyong transaksyon. Ito ang dami ng mga block na idinagdag sa chain pagkatapos ng block ng iyong transaksyon.

Timestamp

Ang timestamp ng block kung saan idinagdag ang iyong transaksyon.

Mula sa

Ang wallet address na nagsagawa ng transaksyon.

Papunta sa

Ang nakatanggap na address o smart contract.

Halaga

Ang halagang ipinadala sa transaksyon.

Bayad sa Transaksyon

Ang ibinayad para sa pagsasagawa ng transaksyon.

Gas Price

Ang gastos sa bawat unit ng gas para sa transaksyon.

Uri ng TXN

Impormasyon kung isinagawa ba ang isang transaksyon sa ilalim ng lumang legacy na system ng gas (1) o ng bagong EIP-1559 na system ng bayad sa block (2).


Mula sa data sa itaas, simpleng makita na nagtagumpay ang transaksyon at nakatanggap ito ng sapat na dami ng mga kumpirmasyon. Puwede mo ring tingnan ang status ng iyong transaksyon sa pamamagitan ng pagtingin sa tatanggap na wallet.

Para dito, kakailanganin mong bumalik sa search bar at i-paste ang tatanggap na wallet address:

0x480bbcb368197d44c6f54a738e59c33eff004b6a


Sa ibaba ng page, makikita natin ang listahan ng lahat ng transaksyong nauugnay sa address:


Ang nakapulang transaksyon ay ang 0.025 ETH na orihinal mong ipinadala. Makikita mo itong minarkahan bilang In, na nagpapakita na ang hinanap mong address ang nakatanggap. Sa itaas ng page, may makikita ka ring pangkalahatang-ideya ng balanse ng wallet.


Paano maghanap ng mga smart contract sa Etherscan

Kung regular kang nakikipag-interact sa mga smart contract sa mga DApp, magandang ideyang malaman kung paano mahanap ang mga iyon sa Etherscan. Sa ganitong paraan, mado-double check mo kung sa tamang kontrata mo ipinapadala ang iyong mga pondo.

Kung kailangan mong magdagdag ng bagong token sa iyong wallet, kakailanganin mong hanapin ang address ng kontrata ng token. Nasa address ng smart contract ang lohika ng token, halimbawa, kung paano isinasagawa ang mga paglilipat at iba pang gawi.

Para malaman ang address ng isang token, puwede kang pumunta sa CoinMarketCap, CoinGecko, o sa opisyal na website ng proyekto. Puwede mo ring tingnan ang https://etherscan.io/tokens.

Laging siguraduhin na ang tamang address ng token ang idaragdag mo sa pamamagitan ng pag-double check nito sa mga website na binanggit sa itaas. Tingnan natin ang Uniswap ERC-20 token sa Ethereum:

0x1f9840a85d5af5bf1d1762f925bdaddc4201f984

1. Kopyahin at i-paste ang address ng smart contract sa field para sa paghahanap.


2. Makikita mo na ngayon ang mga detalye tungkol sa balanse ng kontrata at iba pang pangkalahatang impormasyon tungkol sa kontrata ng token ng Uniswap (UNI).


3. Sa ibaba, mas marami tayong opsyong matitingnan, kasama na ang mga transaksyon, isang seksyon ng mga komento, at ang smart contract mismo. Pagkatapos, i-click ang [Kontrata] para makita ang mga available na opsyon para sa pakikipag-interact at pagbabasa sa mga panuntunan ng Uniswap.


4. Ipapakita sa iyo ng tab na [Basahin ang Kontrata] ang pangkalahatang impormasyon ng kontrata. Sa pamamagitan nito, maku-query mo ang balanse ng mga partikular na address o wallet na may pahintulot na gamitin ang token sa iyong wallet, bilang halimbawa.


Kapag na-click mo ang [Magsulat ng Kontrata], magagawa mong makipag-interact sa kontrata nang direkta. Kapaki-pakinabang ito kapag hindi available ang mga platform ng DeFi at DApp, baka dahil sa isang teknikal na isyu o pagkaantala ng serbisyo ng website. Sa ilang sitwasyon, puwede mong subukang sa smart contract na lang makipag-interact, nang hindi ginagamit ang API ng proyekto.

Kapag na-click mo ang [Kumonekta sa Web3], makakapagkonekta ka ng crypto wallet gaya ng MetaMask o Binance Chain Wallet at magagawa mong makipag-interact sa kontrata.


Ang pinakasimpleng pagkilos dito ay ang paglilipat ng mga coin. Gamit ang [transferFrom], makakapaglipat ka ng mga token mula sa isang address kung saan ka may pahintulot papunta sa iba pang address.

Sa pamamagitan ng [transfer], maililipat mo ang nauugnay na token ng kontrata mula sa iyong nakakonektang wallet. Ang transaksyon sa ibaba ay magpapadala ng 1 UNI mula sa ating nakakonektang wallet papunta sa tatanggap na wallet address na na-paste. Kailangan mo ring siguraduhing isama ang tamang dami ng mga decimal para sa halagang gusto mong ipadala.

Hindi kakailanganing gamitin ng karamihan ng mga user ang mga feature na ito. Gayunpaman, kapaki-pakinabang pa ring malaman kung nasaan ang mga ito kung sakaling kailangan mong mag-access ng mga pondong naka-store sa isang smart contract.


Paano tingnan ang mga gas price sa Etherscan

Ang mga gas price ay bahagi ng bayarin sa transaksyon ng Ethereum. Nagbabago ang bayaring ito depende sa block kung saan kasama ang iyong transaksyon. Bawat block ay may nakatakdang bayarin na nag-iiba-iba depende sa trapiko sa network. Ipapakita sa iyo ng gas tracker sa Etherscan ang pagkakaiba sa presyo at oras sa iba't ibang gas price. Isa itong kapaki-pakinabang na tool para matantya kung gaano ka-congested ang network at kung magkano ang malamang na kailangan mong bayaran para makapagpadala ng simpleng paglilipat o makipag-interact sa mas kumplikadong smart contract.


cta


Mga pangwakas na pananaw

Libre at diretsahan ang paggamit sa Etherscan, at napakahusay nitong tool kung kailangan mo ng impormasyong higit pa sa maipapakita ng iyong wallet o palitan. Para sa mga pinakapangunahing feature, mabilis mong matututuhang gamitin ang mga iyon sa loob ng maikling panahon. Etherscan din ang batayan ng iba pang block explorer gaya ng BscScan, kaya madaling maililipat ang iyong mga kakayahan. Gusto mo mang kumpirmahin ang status ng isang transaksyon o tingnan ang smart contract ng paborito mong DApp, magandang magsimula sa Etherscan.