TL;DR
Sa crypto faucet, puwedeng makakuha ang mga user ng maliliit na reward na crypto sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga simpleng gawain. Ang metaphor na ito ay batay sa pagpuno ng baso kahit papatak-patak lang ang galing sa may tagas na gripo. May iba't ibang uri ng mga crypto faucet, kasama na ang mga faucet ng bitcoin (BTC), Ethereum (ETH), at BNB.
Panimula
Ang pinakaunang crypto faucet ay posibleng isang faucet ng bitcoin na ginawa noong 2010 ng lead developer noon ng network ng Bitcoin na nagngangalang Gavin Andresen. Nagbigay ito ng 5 BTC nang libre sa bawat user na nakakumpleto ng simpleng captcha. Sa kalaunan, kabuuang 19,715 BTC ang ipinamigay ng faucet ng bitcoin na ito, na nakatulong sa pamamahagi ng naunang pagmamay-ari ng BTC nang malawakan. Nagkaroon ito ng mahalagang gampanin sa pagbibigay-kaalaman sa inisyal na network ng mga user ng bitcoin, na humantong sa maayos na paglago ng cryptocurrency sa paglaon.
Natural lang na walang crypto faucet na magbibigay ng napakalalaking payout ngayon dahil malaki na ang itinaas ng bitcoin at iba pang cryptocurrency. Pero kailangan pa ring makahimok ng mga bagong user ang mga lumalabas na proyekto, at maraming taong gustong matuto tungkol sa crypto. May gampanin ang mga crypto faucet sa pag-uugnay ng supply at demand.
Puwede mong ituring ang mga faucet bilang mga coupon na nakukuha mo kung minsan dahil sa pag-download ng bagong app sa iyong telepono o pag-enroll sa bagong online na serbisyo. Pero sa mga crypto faucet, kailangan mong kumumpleto ng mga gawain para makuha ang reward sa maliliit na piraso. Dahil dito, ang paggamit ng mga faucet ay isang magandang paraan para simulan ng mga baguhan ang kanilang pakikipagsapalaran sa crypto.
Paano gumagana ang mga crypto faucet?
Sa pangkalahatan, ginagawa ang mga crypto faucet para maging simple at madaling gamitin. Kadalasan, kailangan muna ng mga user na magrehistro ng account sa serbisyo sa digital asset. Mayroon ding mga nakalaang site at app ng crypto faucet na nakatuon sa pag-aalok ng libreng crypto sa mga user na makakakumpleto ng mga simpleng gawain. Sa parehong sitwasyon, dapat may mga crypto wallet ang mga user para matanggap nila ang mga reward at kung minsan, posibleng ipa-verify sa kanila ang pagkakakilanlan nila.
Iniaalok sa mga user na kumumpleto ng mga gawain kung saan puwedeng kasama ang panonood ng mga video, pagbabasa ng mga artikulo, panonood ng mga ad, paglalaro, at pagsagot ng mga pagsusulit o survey. Puwede ring hilingin ng serbisyo sa mga user na mag-refer ng mga kaibigan dito. Madali lang ang mga gawaing ito, at karamihan ng mga tao ay hindi magkakaproblema sa pagkumpleto sa mga ito. Pero sa ilang sitwasyon, posibleng matakaw sa oras ang mga gawaing ito.
Pagkatapos makumpleto ang mga kinakailangang gawain, binibigyan ang mga user ng mga reward na maliliit na halaga ng crypto. Gayunpaman, kung lagi kang gumagamit ng faucet, puwedeng maipon ang mga reward sa paglipas ng panahon at puwede itong umabot sa mas malalaking halaga. Tandaan sa ilang website at app, posibleng kailangan ng mga user na ipunin ang kanilang mga reward hanggang sa umabot ito sa minimum na halaga bago sila makapag-cash out (halimbawa, $5 na halaga ng crypto sa minimum).
Anong mga uri ng mga crypto faucet ang mayroon?
Isang paraan para ikategorya ang mga crypto faucet ay ayon sa token na ibinabayad bilang reward. May mga faucet ng bitcoin, Ethereum, BNB, at marami pang iba.
Halimbawa, kapag gumagamit ng mga faucet ng bitcoin, puwedeng makakuha ng mga reward ang mga user na ang denominasyon ay nasa satoshi, ang pinakamaliit na unit ng BTC. Mayroon ding mga crypto faucet aggregation website na nag-aalok sa mga user ng maraming opsyon depende kung saang token nila gustong i-claim ang kanilang mga reward.
Iba ang mga crypto faucet sa mga airdrop dahil ang mga airdrop ay sumusunod sa natukoy nang iskedyul ng pamamahagi ng reward. Karaniwang ibinibigay ang mga airdrop sa mga may hawak ng partikular na token o gumagamit ng crypto wallet para mapalawak ang kaalaman tungkol sa isang partikular na proyekto.
Iba rin ang mga crypto faucet sa mga pabuya, na tumutukoy sa isang listahan ng mga gawain kung saan makakakuha ng mga reward na na-publish ng isang proyekto ng blockchain. Ang mga pabuya ay isang paraan para makahingi ng tulong sa komunidad ang isang proyekto ng blockchain at para makapag-alok ang mga ito ng mga minsanang reward na crypto para sa kahit sinong makakakumpleto ng mga partikular na gawain.
Ano ang mga panganib ng mga crypto faucet?
Dapat kang maging napakaingat kapag gumagamit ka ng mga crypto faucet dahil karaniwan ang mga scam at panloloko sa mga ganitong alok. Ang ilang website o app na nagpapanggap bilang mga crypto faucet ay puwedeng maglagay sa iyong computer ng malware na puwedeng makasama sa iyong computer at sa data na naka-store dito. Laging magandang ideya ang mag-DYOR at umasa sa mga kilala nang brand na pinagkakatiwalaan mo.
Isa pang potensyal na disbentahe ay posibleng masyadong maliit ang mga reward na puwede mong makita o masyadong matakaw sa oras ang mga gawain para maging sulit ang mga ito. Sa ilang sitwasyon, iniulat ng mga user na ang isang linggo ng aktibong paglahok sa mga crypto faucet ay nagbigay ng wala pang $1 na halaga ng crypto na reward. Mainam kung maghahanap ka ng mga crypto faucet na may magandang reputasyon at pinakamalamang na makabuo ng sapat na mga reward na crypto para maging makatwiran ang ginugugol mong oras at pagsisikap.
Mga pangwakas na pananaw
Naging mas sopistikado at iba't iba na ang mga crypto faucet kumpara noong nagsisimula pa lang ang mga ito kung kailan namigay ang mga ito ng mga libreng bitcoin para sa paglutas ng mga simpleng captcha. Para magsimula sa mga crypto faucet, tandaan na ang malawakan at maingat na pananaliksik dapat ang unang hakbang.
Mag-ingat sa napakalalaking pangako at mga website na mukhang kaduda-duda. Umasa lang sa mga iginagalang at kilala nang brand na pinagkakatiwalaan mo. Kung gagamit ka ng mga crypto faucet nang tama at regular, ang papatak-patak na crypto ay puwedeng maging malaki-laking halaga, lalo na kung tataas ang market value ng mga naipon mong token.