TL;DR
Ang crypto airdrop ay isang diskarte sa marketing na ginagamit ng mga crypto startup para i-promote ang kanilang proyekto at ang bago nilang token. Kinabibilangan ito ng pamamahagi ng kanilang native na cryptocurrency sa mga kasalukuyan o potensyal na user nang libre. Minsan, may mga kailangang gawing simpleng pampromosyong aktibidad ang mga user bago sila makapag-claim, gaya ng pag-follow sa social media account ng proyekto at pagbabahagi ng kanilang mga post.
May iba't ibang uri ng airdrop, at may kanya-kanyang kinakailangan ang bawat proyekto sa crypto. Pero pareho lang ang layunin ng karamihan sa mga airdrop: makilala ang proyekto at mapataas ang pangkalahatang interes tungkol dito. May ilan na direktang ipinapadala sa mga wallet ng mga user, habang ang iba naman ay nangangailangan ng manu-manong pag-claim.
Ang sinumang may cryptocurrency wallet ay puwedeng makatanggap o makapag-claim ng airdrop, pero palagi ka dapat mag-ingat sa mga scammer. Maraming mapanlokong airdrop na puwedeng makapagnakaw ng mga pondo sa wallet mo kapag nag-claim o naglipat ka ng mga libreng token. Tiyaking kumpirmahin kung lehitimo ang isang proyekto bago mag-claim ng airdrop. Dapat kang mag-ingat lalo na kung hinihingi nito sa iyo na ikonekta ang iyong wallet sa isang airdrop website.
Panimula
Dahil parami na nang parami ang mga bagong coin, mahirap para sa mga mamumuhunan at trader ng crypto na masubaybayan ang lahat ng bagong proyekto. Dahil dito, may ilang proyekto sa crypto na nag-aalok ng mga airdrop bilang paraan para mapansin at makilala sila. Bagama't gusto ng lahat ang libreng crypto, hindi lahat ng airdrop ay lehitimo. Tingnan natin kung paano gumagana ang mga ito at kung paano mo mapoprotektahan ang sarili laban sa mga airdrop scam.
Ano ang crypto airdrop?
Paano gumagana ang mga crypto airdrop?
May iba't ibang uri ng mga crypto airdrop, pero kadalasan ay binubuo ang mga ito ng pamamahagi ng maliit na halaga ng cryptocurrency sa iba't ibang wallet (kadalasan ay sa Ethereum o Binance Smart Chain). Bagama't mas bihira, may mga proyekto rin na namimigay ng mga NFT sa halip na karaniwang crypto.
May ilang proyekto na namimigay nang walang hinihiling na anuman, habang sa iba naman ay kailangan mong magsagawa ng ilang partikular na gawain bago ka makapag-claim. Kadalasang kabilang sa mga gawaing ito ang pag-follow sa mga social media account, pag-subscribe sa isang newsletter, o paghawak ng minimum na halaga ng mga coin sa iyong wallet. Gayunpaman, hindi palaging may garantiya na makakatanggap ka ng mga na-airdrop na token.
Bakit nagsasagawa ng mga airdrop ang mga proyekto ng crypto?
Gaya ng nabanggit, namimigay ng mga libreng token ang mga proyekto sa blockchain para subukang mapalawak ang paggamit at mapalago ang kanilang network. Madalas na itinuturing na positibong sukatan ang pagkakaroon ng maraming humahawak, na ginagawa ring mas decentralized ang proyekto pagdating sa pagmamay-ari ng token. Mino-motivate din ng mga crypto airdrop ang mga tumanggap nito na gamitin at i-promote ang proyekto. Makakatulong ito sa pagpapalaki sa inisyal na user base bago mailista ang proyekto sa mga palitan ng crypto.
Sa kabilang banda, puwede ring magbigay ang mga airdrop ng maling impresyon ng paglago. Kaya naman mahalaga na ikonsidera ang iba pang salik kapag pinag-iisipan kung gagamit o hindi. Halimbawa, kung may daan-daang libong address na humahawak ng isang partikular na token, pero wala naman talagang gumagamit nito, posibleng isa itong scam o kaya naman ay nabigo itong hikayatin ang komunidad.
Magkapareho lang ba ang crypto airdrop at ICO?
Magkaibang konsepto ang mga crypto airdrop at mga ICO, bagama't pareho itong tungkol sa mga bagong proyekto ng cryptocurrency. Bagama't hindi kailangan ng mga airdrop ng anumang puhunan mula sa mga kalahok, ang ICO ay isang paraan ng crowdfunding.
Mga uri ng airdrop
Gaya ng napag-usapan natin, may iba't ibang paraan para magsagawa ng cryptocurrency airdrop. Maliban sa karaniwang airdrop na naglilipat lang ng crypto sa iba't ibang wallet, may iba pa tayong mga uri. Kabilang sa mga karaniwang halimbawa ang mga bounty airdrop, eksklusibong airdrop, at airdrop para sa mga may-hawak.
Bounty airdrop
Sa bounty airdrop, kailangan ng mga user na kumumpleto ng ilang partikular na gawain, gaya ng pagbabahagi ng post tungkol sa proyekto sa Twitter, pagsali sa opisyal na Telegram ng proyekto, o paggawa ng post at pag-tag ng ilang kaibigan sa Instagram. Para mag-claim ng bounty airdrop, malamang na hihilingin sa iyo na sumagot ng isang form na naglalaman ng iyong wallet address at magbigay ng pruwebang natapos mo ang mga gawain.
Eksklusibong airdrop
Nagpapadala lang ang eksklusibong airdrop ng crypto sa mga itinalagang wallet. Kadalasan, may dati nang kasaysayan sa proyekto ang mga tatanggap, gaya ng pagiging aktibong miyembro ng komunidad o pagiging unang tagasuporta ng proyekto.
Airdrop para sa mga may-hawak
Maraming bagong proyekto ang nagsasagawa ng pag-airdrop ng mga token sa mga may bitcoin (BTC), ether (ETH), o BSC wallet, dahil may malalaki silang komunidad sa larangan. Halimbawa, nag-airdrop ang Stellar Lumens (XLM) ng 3 bilyong XLM sa mga may-hawak ng BTC noong 2016, at eksklusibo ang airdrop sa mga user sa Bitcoin network.
Paano mag-claim ng airdrop?
Paano maiiwasan ang mga airdrop scam?
Sa ibang pagkakataon, mag-aanunsyo ang mga scammer ng pekeng airdrop na papuntang phishing website. Lolokohin ka nito para ikonekta ang iyong wallet sa isang website na kamukhang kamukha ng orihinal. Kapag naikonekta mo na ang iyong wallet at lumagda ka na sa isang transaksyon, makukuha na ang iba mong token mula sa iyong wallet. Madalas itong nangyayari sa pamamagitan ng mga pekeng Twitter at Telegram account na katulad na katulad ng mga opisyal na account.
May ilang airdrop scam kung saan hihilingin sa iyo na magpadala ng crypto sa isang hindi kilalang wallet address para i-unlock ang mga libre mong token bilang kapalit. Hindi ka kailanman hihingian ng mga pondo o seed phrase ng mga lehitimong airdrop. Mag-ingat sa mga email o direktang mensahe ng airdrop.
Para maiwasang ma-scam, tiyaking tingnan ang opisyal na website at mga social media channel ng proyekto. I-bookmark ang mga opisyal na link at i-double check kung talaga bang nagsasagawa sila ng airdrop event. Kung wala kang alam tungkol sa proyekto, dapat kang manaliksik pa para alamin kung ano ang sinasabi ng komunidad ng crypto tungkol dito. Kung wala kang mahanap na sapat na impormasyon, malamang na mas maganda kung babalewalain mo na lang ang airdrop.
Mga pangwakas na pananaw
Sa pamamagitan ng mga crypto airdrop, napapansin ang mga proyekto ng crypto at nagkakaroon ito ng magandang simula sa crypto space. Magandang paraan din ito para mapalawak ng mahihilig sa crypto ang kanilang portfolio gamit ang mga bagong token. Gayunpaman, posibleng mas marami ang mga scam na airdrop kumpara sa mga lehitimong airdrop, kaya mag-ingat at tiyaking gumawa ng sariling pananaliksik bago sumali.