Gabay Para sa Mga Nagsisimula sa TradingView
Home
Mga Artikulo
Gabay Para sa Mga Nagsisimula sa TradingView

Gabay Para sa Mga Nagsisimula sa TradingView

Baguhan
Na-publish Jun 4, 2021Na-update Nov 11, 2022
11m


TL;DR

Ang TradingView ay isang browser-based na platform sa pag-chart at screener para sa mga cryptocurrency at iba pang pampinansyal na asset. Available ding magamit ang mga tool sa pag-chart nito sa native na paraan sa UI sa pag-trade ng Binance. Bukod pa sa pag-chart, puwede mo ring ibahagi ang iyong mga diskarte sa pag-trade at i-live stream ang pagsusuri mo.

Pagdating sa mga libreng opsyon, ang TradingView ay isang napakahusay na tool para sa lahat ng antas ng karanasan. Sapat na dapat ang mga basic na feature para sa karamihan ng mga trader. Gayunpaman, mag-ingat sa pag-browse sa mga ideya at stream ng iba pang user. Mahalagang piliin ang impormasyong nakakadagdag ng halaga sa iyong diskarte sa halip na sumunod na lang basta sa iba.


Panimula

Para sa mga trader na mahilig sa teknikal na pagsusuri, napakahalaga ng mahuhusay na tool sa pag-chart. Isang opsyon ang TradingView para sa mga nagsisimula pa lang at sanay nang trader. Nag-aalok ito ng maraming tool sa pag-trade at pag-chart at pati na rin opsyong libreng membership. Aminin na natin... hindi lahat ay may pera o pangangailangan para sa subskripsyon sa Bloomberg Terminal.

Kung nagte-trade ka na sa Binance, baka napansin mo nang available ang mga tool ng TradingView sa palitan. Pero kung hindi mo naiintindihan ang mga iyon, posibleng magmukhang nakakatakot gamitin ang mga iyon. Maraming puwedeng subukan, pero saan pinakamagandang magsimula? Tingnan ang aming gabay para sa nagsisimula para malaman kung ano ang maiaalok ng TradingView.


Ano ang TradingView?

Ang TradingView ay isang platform na nagbibigay-daan sa iyong mag-customize ng mga teknikal na indicator, gumawa ng mga chart, at magsuri ng mga pampinansyal na asset. Ang mga indicator na ito ay mga pattern, linya, at hugis na ginagamit ng milyon-milyong trader araw-araw. Ang kabuuan ng TradingView ay browser-based, at hindi na kailangang mag-download ng client. Puwede ka ring mag-download ng app para sa iOS at Android kung mas gusto mo ng karanasan sa mobile.
Inilunsad ang TradingView sa Westerville, Ohio, noong 2011, at mayroon na ngayon itong napakalaging user base, kung saan walong milyong account ang ginawa noong 2020 lang. Ang mga user ay puwedeng mag-chart at magsuri ng iba't ibang stock, commodity, at cryptocurrency gaya ng Bitcoin gamit ang libre o may bayad na account. Kapag nakagawa ka na ng mga diskarte at template, puwede mong i-publish ang mga natuklasan mo sa komunidad. Sa ganitong paraan, mapapahusay mo ang iyong mga kakayahan gamit ang feedback mula sa iba pang miyembro ng TradingView.


TradingView sa Binance

Ang Binance ay may mga naka-built in na tool ng TradingView sa UI ng palitan nito, na nagbibigay-daan sa mga user na gumawa ng mga chart at mag-trade nang sabay. Ang mga tool na nakikita mo sa kaliwa ay ilan lang sa mga available at nag-aalok ang mga ito ng katulad na karanasan sa website ng TradingView.

Para sa mabilisang tour ng interface, alamin kung Paano gamitin ang Tool ng TradingView sa Binance Web


Gaano kamahal ang TradingView?

Gaya ng nabanggit namin, libreng gamitin ng kahit sino ang TradingView. Mayroon ding mga premium na subskripsyon na nagpaparami ng mga indicator at chart na matitingnan mo nang sabay-sabay. Para sa mga nagsisimula pa lang, magandang mag-umpisa sa libreng account na may isang chart at tatlong indicator. Kailangan mo lang magtiis sa mga advertisement pero hindi naman masyadong nakakaabala ang mga iyon. Sa ibaba, makakakita ka ng higit pang detalye tungkol sa mga pagkakaiba sa mga package:


Ano ang social network ng TradingView?

Nag-aalok ang TradingView ng mga feature na katulad ng sa Instagram para sa pagbabahagi at pagpapakita ng mga diskarte sa pag-trade. Sa page na Mga Ideya at Mga Stream ng website, magkakaroon ka ng pagkakataong makakuha ng mga tip o makatanggap ng feedback. Kung pupunta ka sa page na Mga Ideya, makakakita ka ng mga chart, video, at komentaryo mula sa iba pang user. Puwede ring sumali ang mga miyembro ng komunidad sa mga talakayan at chat room. Pero tandaan na puwedeng gumawa at magbahagi ng mga ideya ang kahit sinong user, kaya mag-ingat. May ibang istilo at diskarte ang bawat trader, kaya hindi mo dapat sundin ang mga ito bilang payong pampinansyal.


Gaya ng puwede kang manood ng stream ng paborito mong gamer sa Twitch, sa TradingView Streams, puwede mong obserbahan ang ibang trader na gumawa ng mga chart nang real-time. Nakakatuwa ang dagdag na feature na ito pero nasa beta pa lang, at kakaunti pa ang content.


Pag-unawa sa UI ng TradingView

Kung hindi ka pa nakakagamit ng mga tool sa pag-chart, puwedeng magmukhang nakakalito ang TradingView. Talakayin muna natin ito nang kaunti.

Toolbar 1

Nasa toolbar na ito ang lahat ng tool sa pag-chart at pagguhit na magagamit sa mismong chart area. Mula sa mga simpleng linya hanggang sa mga long/short na posisyon, maraming puwedeng i-explore. Puwede mo ring i-right click ang bawat tool para makakita ng mas maraming mapagpipilian. Mas advanced ang ilan kaysa sa iba, pero may mga sapat na basic na opsyon ang default na lineup para makapagsimula.

Toolbar 2

Dito, makakakita ka ng mga opsyon para baguhin ang hitsura ng chart. Puwede kang pumili sa mga candlestick, line graph, area graph, at higit pa. Mayroon ding search bar sa kaliwa para baguhin ang ipinapakitang asset. Isa pang tool na dapat tandaan ang button na [Mga Indicator at Diskarte] para maglagay ng mga premade na pattern ng pagsusuri gaya ng moving average.

Toolbar 3

Hindi nag-aalok ang TradingView ng serbisyo ng brokerage, pero puwede kang mag-trade sa website mismo gamit ang tab na [Panel ng Pag-trade]. May makikita kang listahan ng mga partner kung kanino ka puwedeng makipagpalitan kung mayroon ka nang bukas na account sa kanila. Puwede mo ring i-backtest ang iyong mga diskarte gamit ang function na [Strategy Tester]. 

Toolbar 4

Pangunahing tinatalakay sa seksyong ito ang mga balita at social element ng TradingView. Puwede mong i-customize ang iyong watchlist, i-private message ang iba pang user, i-explore ang Mga Ideya at Mga Stream, at i-access ang isang naka-personalize na kalendaryo. Kung may kailangan kang hanaping data, mga listahan, o impormasyon, ito ang bahaging dapat mong puntahan.

Chart area

Kapag binago mo ang tinitingnan mong asset, gumamit ka ng anumang tool, o naglagay ka ng mga indicator, makikita mo ang mga ito sa pangunahing chart area. Puwede mo ring i-customize halos lahat ng nakikita mo, na tatalakayin natin sa susunod na seksyon.


Pag-personalize sa iyong mga chart sa TradingView

May mga kagustuhan ang lahat pagdating sa layout ng chart. Kapag na-customize mo ang mga kulay, linya, at axis, mas madali at mas mabilis mong mababasa at mauunawaan ang iyong mga graph. Makikita mo ang lahat ng kailangan mong opsyon sa pamamagitan ng pag-right click sa graph area at pag-click sa [Mga Setting...].

Puwede mo ring i-reset ang iyong chart kung magulo ito at puwede kang magtakda ng mga custom na alerto sa presyo sa email mula sa menu na [Mga Setting...].


Kapag na-click mo na ang [Mga Setting...], mapupunta ka sa window ng [Mga setting ng chart] kung saan mo masusubukan ang iba't ibang opsyon. Talakayin natin sandali ang mga pangunahing kaalaman.


1. Sa [Simbolo], mababago mo ang hitsura ng iyong mga candlestick chart. Puwedeng i-color code ang bawat bahagi ng pattern ng candlestick kung paano mo gusto. 

2. Sa [Linya ng status], may mga opsyong baguhin ang impormasyong makikita mo sa kaliwang bahagi sa itaas ng chart, gaya ng data ng OHLC (open, high, low, at close price) at button na bumili at magbenta. Ipinapakita ng pulang kahon ang pinakamababang ask price (38,345.96), at nasa asul na kahon naman ang pinakamataas na bid (38,345.97). Nasa gitna ang bid-ask spread (0.01).


3. Nagbibigay ang [Mga Sukatan] ng mga opsyong baguhin ang mga tracker na makikita mo sa axis sa kanan. Halimbawa, puwede mong idagdag ang mataas at mababang presyo ng araw, o ang countdown hanggang sa pagsasara ng bar.


4. Sa [Hitsura], mababago mo ang iyong mga linya ng grid, kulay ng background, axis, at iba pang feature na may kinalaman sa hitsura.

5. Sa [Pag-trade], puwede kang mag-customize ng mga visual element kung naka-log in ka sa isang broker account.

6. Nagbibigay sa iyo ang [Mga Event] ng mga opsyong magpakita ng mga dividend, split, at iba pang event sa chart area.

Dagdag pa sa pag-set up ng chart view, puwede mo ring baguhin ang mga agwat ng iyong mga candlestick o iba pang simbolo. Para magawa ito, pumunta sa bar sa itaas at i-click ang button sa dulong kaliwa. Ngayon, may makikita kang mahabang listahan ng iba't ibang agwat, mula segundo hanggang buwan. Puwede mo ring gawing paborito ang ilang agwat para lumabas ang mga iyon sa iyong bar sa itaas.


Kapag sinimulan mong i-customize ang iyong chart, hindi mo na ito kailangang i-save nang manu-mano. Sine-save ng TradingView ang lahat ng ine-edit mo nang real-time, para makapag-log out ka at mabalikan mo ang mga iyon sa ibang pagkakataon.


Pagguhit ng mga linya ng trend

Para sa iyong unang chart, mainam ang linya ng trend. Isa itong paraan ng pagmomodelo ng pagkilos ng presyo na madaling gawin para sa nagsisimula pa lang, at isa ito sa mga pinakakaraniwang ginagamit na pattern ng chart para sa day trading at swing trading. 

1. Para simulan ang tutorial, piliin ang line tool mula sa toolbar sa kaliwa.


2. Puwede mo ring i-on ang magnet tool. Magsa-snap ang iyong mga linya sa anumang kalapit na point ng OHLC, na makakatulong para maging mas tumpak ang gawa mo.


3. Para sa downtrend, magsimula sa lokal na high point (point 1) bago ang pagbagsak ng presyo, na kilala bilang swing high. Mag-click kung saan mo gustong magsimula ang linya at subukang magsama ng maraming high hangga't maaari. Mag-click ulit kung saan mo gustong kumpletuhin ang iyong linya ng trend.

Isinasaad ng point 1, 2, at 3 ang mga punto ng resistance. Laging pinakamainam na magkaroon ng kahit tatlong point na sumusubok sa iyong linya ng trend, dahil posibleng nagkataon ang dalawang point. Magpapakita ang point 4 ng breakout mula sa trend, ibig sabihin, pinakamainam na gumuhit ng bagong linya ng trend. 

Kapag may naitakda ka nang downtrend, isang posibleng diskarte ang magbenta kapag ang presyo ay tumugma at sumubok sa iyong linya. Kung magpapasya kang gumuhit ng uptrend, siguraduhing sisimulan mo ang iyong linya gamit ang mababang presyo nang sa gayon ay nasa ibaba ng candlestick mo ang linya.

Para sa higit pang impormasyon tungkol dito, pakitingnan ang Paliwanag Tungkol sa Batayang Kaalaman sa Support at Resistance.


Pagguhit ng pitchfork

Ang pitchfork ay isang mas advanced na chart na binubuo ang konsepto ng linya ng trend. Ang teknikal na indicator ay ginawa ni Alan Andrew, isang sikat na Amerikanong namumuhunan at guro noong ika-20 siglo. Madali itong iguhit at nagbibigay ito ng mas maraming insight kaysa sa simpleng linya ng trend, kaya isa-isahin natin ang mga hakbang nito.

1. Para magsimula, piliin ang pitchfork tool sa ibaba ng line tool.


2. Gagawin namin ang aming pitchfork sa pamamagitan ng pagpili ng tatlong point sa umpisa at dulo ng mga trend. 

3. Makikita mo sa halimbawa sa ibaba na nagsimula kami sa point 1, ang swing low ng isang downtrend. Pagkatapos, nag-click kami sa point 2, ang swing high ng isang uptrend, na sinusundan ng point 3, ang swing low ng susunod na downtrend.

4. Ang mga point na ito ay gumagawa ng hugis pitchfork, kung saan ang linya sa itaas mula point 2 ay nagpapakita ng antas ng resistance at ang linya sa ibaba mula point 3 ay nagpapakita ng antas ng support. Sa median na linya inaasahang mapunta ang presyo.

5. Katulad ng aming halimbawang linya ng trend, ipinapakita ng linya ng support ang mga posibleng bahagi kung saan bibili at ang linya ng resistance kung saan ka puwedeng magbenta. Puwede ka ring maglagay ng stop-loss order sa ibaba lang ng ibabang linya ng trend bilang paraan ng pamamahala sa panganib. Tandaan, na tulad lang ng anupamang indicator, hindi laging gagana ang pitchfork gaya ng inaasahan. Pag-isipan itong isama sa iba pang tool at diskarte para mabawasan ang mga panganib.

Kung interesado kang matuto pa, tingnan kung Paano Gumawa ng Mga Indicator ng TA sa TradingView.


Mga bentahe at kahinaan ng TradingView

Ang TradingView ay isang opsyon lang mula sa maraming iba pa pagdating sa mga asset screener. Ang karamihan ay nag-aalok ng katulad na hanay ng mga tool sa pag-chart at pag-trade, pero tingnan natin ang mga pangunahing aspekto. Talagang napakahusay ng TradingView sa isang bagay, pero mayroon ding puwede pang paghusayin.

Mga bentahe

  • Pag-chart sa HTML5 - Puwedeng i-access ng anumang device na may internet browser ang TradingView. Hindi mo kailangang mag-install ng anumang software at puwede mong tingnan ang iyong mga chart kahit saan. 
  • Libreng membership - Maa-access ng kahit sino ang karamihan ng mga feature na available.
  • System ng pag-alerto sa panig ng server - Kung magtatakda ka ng alerto, susubaybayan ito ng TradingView sa mga server nito. Hindi kailangang nakabukas sa iyo ang TradingView para makatanggap ka ng mga notification ng alerto. 
  • Compatibility sa Binance - Bagama't hindi mo maa-access ang Binance mula sa website ng TradingView, magagamit mo ang TradingView sa UI sa pag-trade ng Binance. Madali kang makakabili at makakapagbenta ng crypto gamit ang Binance at makakagawa ka rin ng mga chart nang mabilisan. 
  • Mga Script - Puwedeng gumawa ang mga mas advanced na user ng mga custom na indicator na ise-save sa mga server ng TradingView. Pinapagana ang feature na ito gamit ang Pine Script, ang custom na coding language ng TradingView na simpleng gamitin.
  • Pagpili ng asset - Marami-rami ang impormasyon sa mga equity, security, commodity, at forex na available na i-chart. Hindi lang kami limitado sa mga cryptocurrency dito! 
  • Pag-backtest - Kapag nakabuo ka na ng diskarte, simple lang mag-backtest gamit ang inbuilt na feature.

Mga Kahinaan

  • Mga isyu sa komunidad - Bagama't interesante ang konsepto ng tab na Mga Stream at Mga Ideya, magkakaibang-magkakaiba ang kalidad ng mga makikita mo. Maraming payong ibinibigay ang halos puro ispekulasyon at hindi masyadong nakakatulong sa mga bagong user. May nangto-troll din sa seksyon ng mga komento paminsan-minsan.
  • Suporta sa customer - Karaniwang nag-uulat ang komunidad ng TradingView ng mga problema sa suporta sa customer ng TradingView. Mga nagbabayad na customer lang ang puwedeng maghain ng mga isyu, at walang natatanggap na suporta ang mga libreng user.
  • Pag-integrate ng brokerage - Nagsama ang TradingView ng ilang broker at platform para sa pag-trade, pero napakalimitado pa rin ng mga opsyon.
  • Data ng Cboe BZX - Hindi direktang nagmumula ang mga presyo ng TradingView para sa mga stock sa U.S. sa mga nauugnay na stock market ng mga ito. Halimbawa, nakukuha ng mga stock ng NASDAQ ang presyo nito mula sa palitan ng Cboe BZX, na puwedeng mag-iba nang kaunti sa aktwal na presyo. Available ang real-time na data mula sa isang palitan kapalit ng bayad.


Mga pangwakas na pananaw

Para sa sinumang naghahanap ng libreng solusyon na marami-raming tool na magagamit, magandang opsyong puwedeng i-explore ang TradingView. Libre ding i-access ang kanilang materyal para sa pag-aaral at tinatalakay nito nang detalyado ang mga batayang kaalaman sa pag-chart at mga teknikal na indicator.

Gayunpaman, hindi masyadong maganda ang social na aspekto. Kadalasang may payong batay sa ispekulasyon sa mga chat room na dapat mong iwasan. Dahil sa salik na ito, hindi masyadong mahalaga ang mga social na aspekto para sa mga nagsisimula pa lang dahil kailangan mong salain ang maganda at hindi magandang payo. 

Sa kabila noon, sulit subukan ang TradingView para lang sa mga chart tool nito at napakaganda nitong lugar para sa pag-backtest ng mga diskarte sa pag-trade. Malalim na paksa ang teknikal na pagsusuri, at napakarami mong puwedeng i-explore gamit lang ang libreng account.

Disclaimer: Para lang sa pagtuturo ang nilalamang ipinapakita rito. Ang artikulong ito ay hindi pag-eendorso o rekomendasyon, at hindi dapat ituring na payong pampinansyal ang ibinigay na impormasyon. Kinuha ang lahat ng screenshot sa opisyal na website ng TradingView at naaayon ang mga ito sa Mga Tuntunin ng Paggamit ng mga ito.