TL;DR
Ang mga NFT ay mga tokenized at collectible na item na nagkakaroon ng halaga dahil sa pagiging natatangi at bihira ng mga ito, at sikat ang mga ito sa Binance Smart Chain (BSC) at Ethereum. Nakadepende ang halaga ng mga NFT sa pagiging tunay at bihira ng mga ito, kaya posibleng kapaki-pakinabang ang mas detalyadong pagtingin sa token sa isang blockchain explorer.
Maraming pinaggagamitan ang mga NFT bukod sa pagiging crypto art, at mayroon nang inobatibong ecosystem ng non-fungible token ang BSC. Dahil sa kasikatan ng mga NFT kamakailan sa mga balita at dahil sa matataas na bentahan ng mga ito, madaling makita ang mga pagkakapareho nito sa ICO craze noong 2017. Pero sa totoo lang, talagang magkaiba ang dalawang ito.
Para mas maunawaan pa, tatalakayin natin ang mga batayang kaalaman sa NFT batay sa mga karaniwang maling pananaw at mga madalas itanong.
Panimula
Pagdating sa mga non-fungible token (NFT), hindi kailanman nahuhuli ang art at mga collectible. Patok na patok ang mga natatanging token na ito at malaki ang benta ng mga ito para sa mga graphic designer at visual artist. Ang artist na si Beeple ay isa sa mga pinakasikat na halimbawa. Na-auction ang NFT niyang tinatawag na "Everydays - The First 5000 Days" nang humigit-kumulang $69 milyon.
Sikat na sikat ang mga NFT, pero hindi lang ito basta tungkol sa pagiging ulo ng mga balita. Ang pag-unawa at pagtuklas sa mundo ng mga NFT ang susunod na hakbang na dapat mong tahakin kung gusto mong malaman ang higit pa. Maraming lugar kung saan ka makakakita nito, maraming pinaggagamitan na puwedeng pag-aralan, at marami ring maling pananaw tungkol sa mga ito na dapat linawin.
Ano ang NFT?
Ang NFT ay isang crypto asset na kumakatawan sa isang bagay na natatangi at collectible gamit ang teknolohiya ng blockchain. Puwedeng in demand ang NFT dahil ginawa ito ng isang sikat na artist o kaya ay nilikha ng isang world-class na musikero. Puwede ring maging kapaki-pakinabang ang token sa isang laro o puwede rin itong maging in demand para kumpletuhin ang isang koleksyon.
Baka narinig mo na ang NBA Top Shot, isang digital na collectible na card game tungkol sa basketball. Ginagamit ang mga card na parang mga aktwal na trading card, pero ginagarantiyahan ang pagiging tunay ng mga ito ng teknolohiya ng blockchain. Mas bihira ang ilang card kumpara sa iba, at may iba't ibang halaga ang bawat isa.
Sa madaling salita, hindi puwedeng pekehin o kopyahin ang isang non-fungible token. Kung titingnan natin ang ibig sabihin ng fungibility, mas malalaman pa natin kung bakit espesyal ang NFT:
Fungibility ang kakayahan ng isang asset na maipalit sa ibang asset na kapareho nito ng uri.
Ang isang bitcoin ay katumbas ng at nate-trade sa isa pang bitcoin. Sa kabilang banda, ang isang #1/99 Keldon Johnson Holo Icon Top Shot card ay hindi puwedeng ipalit, dahil nag-iisa lang ito.
Ano ang puwede kong gawin sa NFT? Nate-trade ba ang mga ito?
Iba-iba ang hugis, laki, at maging mga pinaggagamitan ng mga NFT. Medyo limitado ang mga puwede mong gawin sa mga digital art na NFT na talagang kinokolekta lang. Puwede mong i-trade ang mga ito, siyempre, pero ang NFT ng isang larawan ay hindi masyadong naiiba sa isang regular na print pagdating sa paggamit.
Pero, may ilang NFT na may mga aktwal na pinaggagamitan sa mga laro, gaya ng sikat na CryptoKitties sa Ethereum blockchain. Dito, ang isang collectible na pusa ay puwedeng mag-breed para maipasa ang mga katangian nito sa mga bagong pusa.
Madalas ding ginagamit ang mga NFT ng mga pinansyal na platform. Napakalaki ng merkado para sa mga NFT ng PancakeSwap na artistic at nako-convert sa cryptocurrency. Ang natatanging kumbinasyong ito ay nangangahulugan na puwedeng tantyahin ng mga tao ang presyo ng maka-cash na halaga sa hinaharap.
Lahat ng NFT na ito ay puwedeng i-trade sa iba't ibang digital asset. Ibig sabihin, puwede kang bumili o magbenta ng mga NFT gamit ang ETH, BNB, o iba pang cryptocurrency. Pero natatangi pa rin ang bawat piraso ng NFT (ibig sabihin, hindi puwedeng ipalit ang mga ito sa isa't isa).
Paano natutukoy ang pagiging bihira at ang halaga ng isang NFT?
Ang pagtukoy sa kung magkano ang isang NFT ay nakadepende sa kung ano ang kinakatawan nito. Pagdating sa crypto art, medyo katulad ito ng anumang iba pang uri ng art. Kailangan nating isipin kung sino ang gumawa nito, ang artistic na halaga ng obra, at kung gaano ito ka-in demand sa iba pang kolektor.
Kung ang isang NFT ay bahagi ng isang limitadong run o serye, madalas na mas mataas ang halaga ng mga partikular na numero kaysa sa iba. Madalas nating nakikita na mas mabenta ang #1, at collectible para sa mga tao ang iba pang numero gaya ng #13 o #7. Ang halaga at pagiging bihira ay nakadepende sa kumbinasyon ng mga salik, gaya ng mga nabanggit sa itaas. Makikita mo sa mga Top Shot na NFT na ito kung paano nakakaapekto sa presyo ang ranking ng mga ito.
Para sa mga NFT na nakabatay sa laro, puwedeng may mga pinansyal na benepisyo mula sa mga partikular na NFT na item o nilalang. Kung bibigyan ka ng mga ito ng dagdag na $100 sa mga reward sa pag-stake, ibig sabihin ay magkakahalaga ito nang hindi bababa sa $100 nang hindi pa ikinokonsidera ang artistic nitong halaga.
Medyo iba ang mga NFT ng PancakeSwap. Ang ilan sa mga token nito ay puwedeng i-convert sa CAKE - ang cryptocurrency ng platform. Kaya halimbawa, kung mabibigyan ka ng 10 CAKE ng cute mong kuneho, at ang presyo ng CAKE ay $20 (USD) bawat token, ang halaga ng iyong NFT ay hindi bababa sa $200.
Saan ako makakakita ng mga NFT?
Kung gusto mong tingnan ang mga iniaalok na NFT, may ilang iba't ibang lugar kung saan ka puwedeng magsimulang maghanap. May iba't ibang ibinebentang non-fungible token sa mga marketplace ng NFT, mula sa mga sikat na artist at mga nagsisimula pa lang. Napakaraming mapagpipilian, pero ang ilan sa pinakamalalaki ay ang OpenSea para sa mga NFT na nasa Ethereum at Treasureland o BakerySwap para sa Binance Smart Chain.
Parami nang parami ang mga pamilihan, at ang ilan ay mas partikular kumpara sa iba. Kung interesado kang bumili ng isang bagay mula sa isang sikat na artist, tiyaking tingnan kung gaano katotoo ang pamilihan. Puwede ka ring makahanap ng mga NFT sa pamamagitan ng paglalaro ng mga laro sa blockchain o pagsali sa mga proyekto ng decentralized finance (DeFi).
Ano ang mga pangunahing proyekto ng NFT sa Binance Smart Chain?
Nakikinabang ang Binance Smart Chain sa isang masiglang komunidad ng NFT sa blockchain, at hindi lang din ito puro art at mga marketplace. May mga NFT game at pati na rin mga collectible na may mga benepisyo sa pag-stake o pinansyal na benepisyo.
Gaya ng nabanggit dati, BakerySwap at Treasureland ang dalawa sa pinakamalalaking palitan ng NFT. Nagbibigay-daan din sa iyo ang BakerySwap na makagawa agad ng mga NFT at sa abot-kayang halaga. Pagdating sa art at malikhaing aspekto ng mga NFT, talagang maganda ang mga lugar na ito para magsimula.
May mga laro din sa blockchain gaya ng Battle Pets at mga DeFi protocol na nag-eeksperimento sa mga NFT sa mga mas pinansyal na paraan. PancakeSwap ang nangunguna pagdating sa mga tine-trade na NFT sa Treasureland, kaya isa itong malaking proyekto sa paggamit ng NFT. Makakakita ka pa ng impormasyon tungkol sa mga proyektong ito ng NFT sa pamamagitan ng pagsunod sa link.
Mga NFT na ba ang bagong ICO?
Ang maikling sagot ay hindi. Bagama't may ilang kaunting pagkakapareho sa perang nakakalap ng mga NFT at sa kamakailang pagiging matunog at sikat ng mga ito, hanggang dito na lang ang pagkakapareho ng dalawang ito. Ang initial coin offering (ICO) ay isang paraang ginagamit para makapangalap ng pondo para sa proyekto sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga token ng proyekto. Sumikat ito bandang 2017 at hindi naging maganda ang reputasyon ng mga ito dahil sa dami ng mga sumasaling scam at palpak na proyekto.
Madaling maunawaan kung bakit puwedeng mapagkamalan ng mga tao na ang mga NFT ay katulad ng mga ICO. Kamakailan, naibenta nang milyon-milyong dolyar ang mga digital collectible na ito. Lumabas din ang mga ito sa mga balita at nakita ang mga ito bilang oportunidad para kumita nang mabilis o ng “easy money” gamit ang crypto. Sa dalawang puntong ito nagkakaiba ang dalawa. Pero mahalaga pa ring gumawa ng sariling pananaliksik bago itaya ang iyong mga pondo dahil hindi lahat ng proyekto ay lehitimo.
Paano mo ive-verify ang pagiging tunay ng isang NFT?
Posibleng mahirap na mapatunayan kung ang iyong NFT ay lehitimo, depende sa kung ano ang hinahanap mo. Walang dudang may mga taong nag-a-upload ng gawa ng ibang artist at nagkukunwaring sila iyon. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong makausap ang artist para kumpirmahin kung nagbebenta siya ng mga NFT ng kanyang gawa.
Dapat kang mabigyan ng gumawa ng NFT ng isang uri ng identifier na masusuri mo. Kadalasan, hahanapin mo ang iyong NFT sa isang blockchain explorer gaya ng BscScan. Pagdating sa blockchain, ang diskarte natin ay “huwag magtiwala, mag-verify.”
Puwedeng kasama sa mga kapaki-pakinabang na impormasyon ang petsa ng pag-mint at ang address ng wallet na nag-mint sa NFT. Puwede mo ring gamitin ang ID ng kasaysayan ng transaksyon para makita kung tumutugma ba ang iyong NFT. Mas maganda ang paraang ito kaysa sa pagtingin lang sa larawan o file na nauugnay sa iyong collectible. Kung titingnan natin ang kamakailang benta ng digital artist na si Beeple, ibinigay ng Christie's ang ID ng token, kontrata ng token, at address ng wallet para sa pag-validate.
Minsan, may URL sa file o isang link ng IPFS para i-verify ang pinagbabatayang content nito. Gayunpaman, puwedeng gamitin ang dalawang ito ng ibang tao kapag gumagawa ng pekeng token. Kadalasan, pinakamaganda kung makikipag-ugnayan ka muna sa gumawa.
Mga pangwakas na pananaw
Pagdating sa mga NFT, tuloy-tuloy ang pagkakaroon ng mga bagong paggagamitan at pag-unlad. Madaling makalimutan na nitong 2017 lang nabuo ang teknolohiya, at nagsisimula pa lang ito. Bago mo simulang ipuhunan ang iyong pera sa mga token na ito, tiyakin na nauunawaan mo nang mabuti kung ano ang pinapasok mo at kung paano gagamitin ang mga ito. Madaling ipagpalagay na art lang ang mga NFT, pero may panibagong mundo ng mga proyekto na gumagamit sa mga ito sa iba't ibang paraan.