TL;DR
Kung nagamit mo na ang network ng Ethereum noon, malamang na nakaranas ka na ng transaksyong mas matagal makumpirma kaysa sa karaniwan. Nangyayari ito dahil sa paraan ng pagbibigay-priyoridad ng mga minero sa mga transaksyon – nabibigyan ng priyoridad ang mga user na nag-aalok ng mas matataas na bayarin.
Kung naipit ang iyong transaksyon sa Ethereum dahil mababa ang bayarin sa gas, kakailanganin mong maghintay hanggang sa bumaba ang bayarin at sa wakas ay iproseso ng mga minero ang iyong transaksyon. Gayunpaman, may opsyon ka ring palitan ang nakabinbing transaksyon ng bagong transaksyong may mas mataas na presyo ng gas. Parang kumplikado ba? Mas madali ito kaysa sa inaakala mo. At gumagana ito sa ether (ETH) at sa lahat ng ERC20 token.
Panimula
Una sa lahat, tandaan na hindi mo mapapalitan, mababawi, o makakansela ang mga transaksyong nakumpirma na. Gayunpaman, sa mga panahong congested ang network, posibleng maipit ang ilang transaksyon ng cryptocurrency. Kapag masyadong maraming transaksyon, posibleng magkaroon ka ng transaksyong nakabinbin nang ilang oras o ilang araw pa nga.
Kung minsan, naki-clear nang mag-isa ang mga blockage – dahil pumalya ang nakabinbing transaksyon o dahil bumaba ang bayarin sa gas. Bagama't hindi mo talaga makakansela ang isang transaksyon ng Ethereum, may ilang hakbang na puwede mong gawin para mapabilis ang proseso. Sa katunayan, kasama rito ang pagpapalit sa nakabinbing transaksyon ng bagong transaksyong nagbabayad ng mas matataas na bayarin.
Mga Kinakailangan
- Naka-install ang MetaMask o Trust Wallet.
- Mga pribadong key (seed phrase) para mag-log in sa iyong Ethereum wallet.
- Access sa internet.
Bakit naipit ang transaksyon ko sa Ethereum?
Gumagamit ang Ethereum ng system ng pag-bid para sa iyong bayarin sa transaksyon. Nakadepende ang iyong bayad sa pagkakumplikado ng transaksyon mo (ibig sabihin, kung gaano karaming gawain sa pag-compute ang kailangan nito). Sa kontekstong ito, mayroon kang tatlong mahahalagang termino na dapat malaman: gastos sa gas, presyo ng gas, at limitasyon sa gas.
Bagama't ang gastos sa gas ay tinutukoy ng pagkakumplikado ng iyong transaksyon, puwede kang magtakda ng sarili mong presyo ng gas at limitasyon sa gas. Magsisilbing insentibo para sa mga minero ang kabuuang bayad na binayaran. Gayunpaman, kung masyadong mababa ang iyong presyo ng gas, baka ma-outbid ka ng ibang user, kaya mabibinbin ang transaksyon mo. Kung maiipit ang isang transaksyon, hindi magkukumpirma ang Ethereum ng anumang bagong transaksyong gagawin mo mula sa parehong wallet address hangga't hindi kinukumpirma ng isang minero ang unang transaksyon.
Paano pabilisin ang isang transaksyon sa MetaMask

2. Hanapin ang nakabinbing transaksyon sa ilalim ng tab na [Activity] at i-click ang [Speed Up].

3. Magbibigay-daan sa iyo ang prosesong ito na i-broadcast ulit ang transaksyon mo. Siguraduhing gumamit ng mas mataas na presyo ng gas sa pamamagitan ng pag-click sa [Fast] at pagkatapos ay [Save].

Paano palitan ang isang transaksyon sa MetaMask

2. Hanapin ang nakabinbing transaksyon sa ilalim ng tab na [Activity]. I-click ito para tingnan ang mga detalye at isulat ang value ng [Nonce].
Tandaan: Kung marami kang nakabinbing transaksyon, kailangan mong magsimula sa pinakaluma (pinakamababang value ng nonce).

3. Susunod, pumunta sa [Settings] ng MetaMask at i-click ang [Advanced].

4. Mag-scroll pababa at i-on ang [Customize transaction nonce].

5. Bumalik at mag-click sa address ng iyong wallet para kopyahin ito sa iyong clipboard.

6. I-click ang [Send] para gumawa ng bagong transaksyon at i-paste ang address ng iyong wallet sa puwang na [Add Recipient].

7. Kailangan mong magpadala ng 0 ETH sa sarili mong wallet gamit ang nonce ng nakabinbing transaksyon (isinulat sa hakbang 2). I-click ang [Confirm] kapag handa ka na.
Tandaan: Kung masyadong mababa ang iyong presyo ng gas, baka maipit din ang transaksyong ito. Siguraduhing magtatakda ka ng makatwirang presyo ng gas.

8. Hintaying makumpirma ang bagong transaksyon, para mapalitan ang nakabinbing transaksyon.
Tandaan: Para maiwasan ang mga aksidente, siguraduhing I-OFF ulit anng opsyong [Customize transaction nonce].
Paano magkansela ng transaksyon gamit ang Trust Wallet
1. Mag-click sa nakabinbing transaksyon sa iyong Trust Wallet app at hanapin ang puwang na [Nonce]. Isulat ang makikita mong numero.

2. Gumawa ng bagong transaksyon at idagdag ang address ng iyong wallet sa field na [Recipient Address]. Siguraduhing ito rin ang address ng nakabinbing transaksyon. Itakda ang [Amount ETH] bilang 0 at i-click ang [Next].

3. I-tap ang mga setting sa kanang sulok sa itaas.

4. Palitan ang puwang na [Nonce] ng value na isinulat mo kanina. Siguraduhing magtakda ng kumpetitibong [Gas Price], para hindi maipit ulit ang iyong transaksyon.

5. Hintaying makumpirma ang bagong transaksyon, para mapalitan ang nakabinbing transaksyon.
Mga Pangwakas na Pananaw
Puwedeng maging sobrang nakakainis ang magsumite ng transaksyon sa Ethereum at ma-outbid sa mga presyo ng gas. Mas nakakainis pa kapag naisip mong hindi mo magagamit ang iyong Ethereum wallet hanggang sa pumalya o makumpirma ang nakabinbing transaksyon.
Kung minsan, awtomatikong maki-clear ang mga naipit na transaksyon kapag bumaba ang bayarin sa network. Pero sa kasamaang-palad, posible itong matagalan. Buti na lang, makakapagkansela ka ng transaksyon kapag pinangunahan mo ito ng simpleng paglilipat ng zero token. Tandaan na kakailanganin mong magbayad ng sapat na bayarin sa gas para matagumpay na maituloy ang magkakanselang transaksyon.