Panimula
Ang pag-alam kung paano i-access ang BNB Smart Chain ay isa sa pinakamadadaling paraan para gumamit ng mga cryptocurrency at proyekto ng DeFi. Ang Trust Wallet ay isang napakahusay na paraan para gawin ito sa labas ng desktop browser, at ilang minuto lang ang aabutin ng pag-set up nito.
Ang Trust Wallet app ay isang mobile crypto wallet na hindi nangangailangan ng pagrerehistro. Available ito para sa mga user ng iOS, Android, at Google Play. Kapag naka-install na ito, madali mong maikokonekta ang iyong wallet sa mga DApp, kasama na ang PancakeSwap, SushiSwap, at Beefy Finance.
Hindi lang din para sa BSC ang Trust Wallet. Sinusuportahan din nito ang mga blockchain ng Ethereum, POA Network, at Callisto, bilang ilang halimbawa. Sa gabay na ito, gagamitin natin ang PancakeSwap bilang halimbawa, pero halos pareho lang ang proseso para sa karamihan ng mga kasalukuyang platform ng DeFi.
Pag-install at pag-set up ng Trust Wallet
1. Una, pumunta sa website ng Trust Wallet at i-click ang link para sa gusto mong OS.
2. I-install ang app ayon sa partikular mong device. Pagkabukas sa Trust Wallet, i-click na ang [Gumawa ng bagong wallet].
3. May makikita ka nang seed phrase. Nagsisilbi itong password sa pagbawi kung sakaling mawalan ka ng access sa iyong mobile device o wallet. Magtabi ng kopya nito sa isang ligtas at sikretong lugar.
4. Pagka-click sa [Magpatuloy], hihilingin sa iyong ulitin ang phrase mo sa tamang pagkakasunod-sunod. Ginagawa ang hakbang na ito para matiyak na nakopya o naisulat mo ang iyong seed phrase. Kapag nailagay mo na ang mga salita sa tamang pagkakasunod-sunod, i-click ang [Magpatuloy].
5. Dapat ay matagumpay mo nang na-set up ang iyong crypto wallet, at mapupunta ka sa tab na [Wallet].
Pagdeposito ng BNB sa Trust Wallet
Para makagamit ng mga DApp ng BNB Smart Chain (BSC), mangangailangan ka ng ilang BNB para mabayaran mo ang iyong bayarin sa transaksyon. Sa tuwing magpapadala ka ng mga token gamit ang BSC o gagamit ka ng mga smart contract, kakailanganin mong magbayad ng ilang gas.
1. Para magamit ang iyong mga BNB BEP-20 token para sa gas, dapat ipadala ang mga token mo gamit ang network ng paglilipat ng BEP-20. Kung magwi-withdraw ka mula sa Binance, siguraduhing piliin ang opsyong [BEP-20 (BSC)] sa page ng mga pag-withdraw.
2. Para ideposito ang iyong BEP-20 BNB, buksan ang tab na [Wallet] sa Trust Wallet at i-click ang [Smart Chain]. Huwag i-click ang [BNB]. Ang opsyong ito ay para sa BEP-2 BNB sa Binance Chain at hindi ito magagamit para magbayad ng bayarin sa transaksyon sa BSC.
3. I-click ang button na [Tumanggap] para mahanap ang iyong address ng pagdeposito. Pagkatapos, puwede mo nang kopyahin at i-paste ang address na ito sa iyong wallet para sa pag-withdraw o i-scan ang QR code.
Pagdaragdag ng mga bagong token sa iyong listahan sa Trust Wallet
Pagka-install ng Trust Wallet, medyo maikli ang iyong default na listahan ng mga token at crypto. Halimbawa, ipagpalagay natin na gusto mong idagdag ang CAKE sa iyong listahan para makita ito sa Trust Wallet mo.
1. Buksan ang tab na [Wallet] at i-click ang icon sa kanang sulok sa itaas.
2. Hanapin ang token na gusto mong idagdag sa iyong listahan at i-click ang button ng toggle, para maging berde ito. Sa halimbawang ito, idaragdag natin ang CAKE (BEP-20), ang token ng PancakeSwap sa BNB Smart Chain.
3. Tapos na. Makikita mo na ang CAKE sa iyong tab na [Wallet] at ang anumang balanseng posibleng mayroon ka.
Pagkonekta ng Trust Wallet sa PancakeSwap
May ilang paraan kung paano mo maikokonekta ang iyong wallet sa PancakeSwap at iba pang DApp. Puwede mo itong ikonekta sa pamamagitan ng Trust Wallet mobile browser o sa desktop. Parehong functionality ang iniaalok ng dalawa, kaya nakadepende na lang ito sa gusto mo.
Pagkonekta gamit ang Trust Wallet browser
1. Kung ang Trust Wallet DApp browser ang ginagamit mo, pumunta sa website ng PancakeSwap at i-tap ang button na [Kumonekta] sa kanang sulok sa itaas.
2. Piliin ang [Trust Wallet] para ikonekta ang iyong wallet sa PancakeSwap.
3. Kung matagumpay kang nakakonekta, dapat mong makita ang iyong wallet ID sa kanang sulok sa itaas.
Pagkonekta gamit ang desktop browser
1. Pumunta sa desktop website ng PancakeSwap at i-click ang [Kumonekta] sa kanang sulok sa itaas.
2. I-click ang [WalletConnect] para simulan ang proseso ng pagkonekta. Sa kasalukuyan, gumagana lang ang button ng [Trust Wallet] kapag ginagamit ang Trust Wallet browser.
3. May lalabas na QR code, na puwedeng i-scan gamit ang Trust Wallet app. Pumunta sa [Mga Setting] ng tab ng app at i-click ang [WalletConnect]. I-scan ang QR code na ipinapakita sa PancakeSwap at i-click ang [Kumonekta] sa Trust Wallet.
4. Kung matagumpay ka nang nakakonekta, dapat ipakita sa iyo ng PancakeSwap ang umpisa ng wallet ID mo sa kanang sulok sa itaas.
Mga pangwakas na pananaw
Ang Trust Wallet ay isa sa mga pinakasikat na mobile app na puwedeng gamitin at maraming iba't ibang blockchain at token ang sinusuportahan nito. Nagsisilbi rin itong gateway sa mga NFT at sa buong ecosystem ng DeFi, kaya mahalagang malaman kung paano ito gamitin. Nalalapat din sa iba pang DApp ang mga hakbang na nakabalangkas sa itaas, kaya kapag alam mo na ito, handa ka na talaga.