TL;DR
Posibleng mapaigting ng artificial intelligence (AI) ang transparency at desentralisasyon sa mundo ng decentralized finance (DeFi). Mukhang may potensyal ang predictive analytics, pag-automate ng smart contract, credit scoring, at iba pang application. Gayunpaman, dapat tayong maging makatotohanan sa ating mga layunin sa AI at umiwas sa mga hindi kinakailangang kabawasan sa pananagutan at pagpapasya ng tao, pati na rin malalaking layunin para sa madaling kita.
Panimula
Isa ang artificial intelligence (AI) sa mga pinakanakakahimok na teknolohiya sa mundo na alam ng publiko. Mukhang may potensyal itong baguhin ang maraming aspekto ng ating mga buhay at hindi kaiba ang industriya ng blockchain at crypto.
Gayunpaman, dapat nating maingat na kontrolin ang ating mga inaasahan. Bagama't malaki ang potensyal na dala ng AI, nauugnay rin ito sa ilang partikular na delusyon. Kapag natukoy natin ang mga natural na lugar para sa potensyal na inobasyon, saka lang natin matagumpay na maipapatupad ang teknolohiyang ito.
Potensyal ng AI sa DeFi
Magsimula tayo sa pagbibigay-kahulugan sa dalawang termino. Ang decentralized finance (DeFi) ay isang ecosystem ng mga DeFi application na binuo sa mga blockchain network. Kasama sa mga produkto ng DeFi ang mga pautang sa crypto, pagbibigay ng liquidity, at mga decentralized exchange (DEXs).
Ang artificial intelligence (AI), ayon sa Oxford English Dictionary, ay "ang kakayahan ng mga computer o iba pang makina na magpakita o manggaya ng matalinong gawi." Kapag iniisip natin ang AI sa pananalapi o pag-trade, kasama sa mga karaniwang application ang software sa pagtukoy sa panloloko, mga trading bot, at kahit mga chatbot ng customer support.
Ano ang nagkokonekta sa dalawang teknolohiyang ito?
Sa unang tingin, parehong may kapangyarihan ang AI at DeFi na baguhin ang mga tradisyonal na sistema ng pananalapi sa pamamagitan ng efficiency, transparency, at accessibility. Binago ng DeFi ang mga produktong naa-access nating lahat, habang nakakaapekto naman ang AI sa kung paano tayo nakikipag-interact sa mga ito.
Mukhang may pagkakataon para mapahusay ng AI ang pagpapasya at pamamahala sa panganib sa DeFi. Pero ano kaya ang magiging hitsura nito? Puwede nating asahan na magkakaroon ng mga bagong pinansyal na produkto at serbisyo na binuo ng AI, pati na rin mga algorithm ng pag-trade at mga mekanismo ng market-making.
Paano Magagamit ang AI sa DeFi?
Predictive analytics
Gumagamit ng AI ang predictive analytics para subukang hulaan ang mga resulta sa merkado sa hinaharap sa pamamagitan ng pagsusuri sa dating data at paglalapat dito ng mga modelo ng istatistika. Pagkatapos, mapapahusay ng AI ang mga kakayahan nito sa paghula sa pamamagitan ng machine learning sa paglipas ng panahon. Sa madaling sabi, katulad ito ng pagsasagawa ng AI ng technical at fundamental analysis para sa isang trader.
Available na ang mga AI tool na ito sa mundo ng crypto at pananalapi, pero ngayon, may nakikita rin tayong pagkakataon para sa naka-automate na pag-trade at pamamahala ng portfolio sa sektor ng DeFi.
Pag-automate ng smart contract
May potensyal ang AI na gawing mas epektibo ang smart contract sa pamamagitan ng pag-automate. Halimbawa, puwedeng gumamit ng AI ang isang protocol ng pagpapahiram para laging masubaybayan ang antas ng collateral ng isang nagpapahiram at mahulaan ang mga posibleng pag-default bago pa ito mangyari. Pagkatapos, puwedeng ipadala ang impormasyong ito sa protocol ng pagpapahiram. Sa ganitong sitwasyon, magsasagawa ang AI ng function na mahihirapan ang isang smart contract na gawin.
Pagtukoy ng hindi matapat na aktibidad sa DeFi
Dahil sa anonymity na ibinibigay ng mga serbisyo ng DeFi, nagiging mas mahirap na matukoy ang mapanlokong gawi, na isang problemang malulutas ng AI sa pamamagitan ng pagtingin sa mga trend sa malalaking data set para matukoy ang hindi matapat na aktibidad. Halimbawa, puwedeng i-target ang pekeng dami ng pag-trade sa palitan o ang kaduda-dudang paglilipat ng liquidity para sa pagtukoy gamit ang mga diskarte sa data analysis.
Pangangasiwa sa pagpapahiram at paghiram sa pamamagitan ng credit scoring
Bilang bahagi ng pangunahing ethos ng DeFi, kaunti o halos walang kinakailangang input ng tao mula sa mga nag-iisyu ang mga desentralisadong produkto. Gayunpaman, ibig sabihin nito, maliban sa mga kinakailangan sa kapital, ang mga produkto ng DeFi gaya ng pagpapahiram ng crypto ay madalas na may napakababa o walang hadlang para makapasok.
Sa maayos na credit scoring, ang mga nag-iisyu ng pautang sa crypto ay makakapag-alok ng mas magagandang presyo sa mga user na may mga mapapatunayang track record sa pagbabayad. Gayunpaman, kapag naglagay ng elemento ng tao na posibleng may pagkiling sa scoring system na ito, mawawala ang aspekto ng desentralisasyon.
Isang paraan para makontra ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng AI-based na credit scoring, na puwedeng sumuri sa wallet at kasaysayan ng nanghihiram, at i-assess ang kanilang potensyal sa pagbabayad sa transparent na paraan.
Payo sa pamumuhunan at pamamahala ng portfolio
Ang mga bot advisor ay isang kapana-panabik na prospect para sa mga nagte-trade at namumuhunan sa mga merkado ng DeFi. Sa malatao at interactive na karanasan ng user, hindi na kailangang pag-aralan ang technical at fundamental analysis at high-level na predictive analytics. Dahil lubusang transparent ang mga transaksyon sa karamihan ng mga blockchain, napakaraming data na puwedeng suriin at gamitin ng AI.
Mayroon bang mga Negatibong Epekto ang AI sa DeFi?
Kapag tiningnan natin ito sa pangkalahatan, makakakita tayo ng mga potensyal na problema sa AI. Walang duda na dahil sa AI, hindi na magiging kailangan ang pagtatrabaho ng tao sa ilang partikular na gawain, na posibleng maging dahilan kaya ang ilang partikular na trabaho — at posibleng pati na rin ang pananagutan — ay hindi na kailanganin. Mahirap nang kontrolin ang DeFi bilang isang sektor dahil sa anonymous nitong katangian, at kung magkakaroon ng mga hindi taong kalahok, lalaki pa ang problema.
Dapat din nating isaalang-alang ang mga posibleng isyu na nauugnay sa pagsasanay ng AI sa mga limitadong data set. Kumpara sa mga tradisyonal na merkado, nagsisimula pa lang ang crypto at lalo na ang DeFi at dahil dito, kaunti lang ang pangmatagalang data natin para makabuo ng balanseng pananaw sa pangkalahatang merkado.
Ang paglulunsad ng mga bagong tool ay may dala ring mga panganib sa seguridad. Ang mga entry point sa mga AI tool at kung paano ina-access ng mga ito ang ating data at mga wallet ay mga karagdagan ding punto ng pag-atake para sa mga scammer. Maliban na lang kung open-source ang mga ito, ang mga AI tool ay karaniwang dine-develop ng mga pribadong kumpanya o indibidwal. Nakadepende lang kung gaano ka-secure ang mga tool na ito sa husay ng mga panseguridad na feature na binuo sa mga ito ng mga developer ng mga ito.
Kailangan din nating pag-isipan ang mga panganib sa desentralisasyon na puwedeng dalhin ng paglalagay ng pribadong na-develop na AI. Kadalasan, may kakulangan sa transparency sa kung paano mismo gumagana ang mga tool na ito. Posibleng hindi mo ganap na maunawaan ang mga bagong update o kung ano mismo ang maa-access ng AI na ito. Kung ihihinto ng developer ang suporta sa AI na ito, puwede kang magkaroon ng software na wala nang silbi.
Ano ang mga Delusyong Nauugnay sa AI sa DeFi?
Bagama't nag-aalok ang AI ng mga kapana-panabik na pagkakataon sa mundo ng DeFi, dapat tayong maging makatotohanan. Para ganap na masulit ang AI sa DeFi, dapat pagtuunan ng mga developer kung saan ito makatuwirang makakagawa ng pagbabago. Nakita na ang karamihan ng mga sumusunod na delusyon sa mundo ng tradisyonal na pananalapi, kaya dapat madaling makita ang mga ito sa mundo ng DeFi.
Mapapalitan ng AI ang pagpapasya ng tao
Laging kinakailangan ang input ng tao kapag gumagamit ng AI-based tool. Dapat sanayin at gamitin nang tama ang AI, at nangangailangan ito ng mas kumplikadong proseso kaysa sa pagpapakawala lang nito sa mga merkado nang walang anumang gabay.
Malulutas ng AI ang lahat ng problema ng DeFi
Bagama't madaragdagan ng AI ang transparency at desentralisasyon sa DeFi, hindi ito magic na solusyon sa lahat ng problema nito. Hindi epektibo ang pamimilit ng AI sa bawat posibleng isyu at sa katunayan, puwede itong magdulot ng mas marami pang problema.
Mas mapagkakakitaan ang mga AI-based na system ng pag-trade
Kailangan mo lang tingnan ang mga kasalukuyang system sa mga centralized exchange (CEX) para malaman na hindi ganito ang sitwasyon. May ilang bentahe ang mga AI-based system, pero hindi natin magagarantiyahan na mas mapagkakakitaan ang mga ito.
Sa pamamagitan ng AI, hindi na kailangang magtiwala sa DeFi
Tumatakbo na ang DeFi nang may mataas-taas na antas ng hindi pangangailangan ng tiwala, pero karaniwang may magagandang dahilan para magtiwala sa ilang partikular na sitwasyon. Dapat iwasan ng AI na subukang palitan ang malawakang pananaliksik tungkol sa pagiging mapagkakatiwalaan ng team o founder ng isang proyekto.
Ano ang Kinabukasan ng AI sa DeFi?
Walang duda na makakapagbigay ang AI ng malalaking pagbabago sa hinaharap. Gayunpaman, hindi tayo makakasiguro sa lawak ng pagiging angkop nito sa DeFi. May malinaw na potensyal para magawang mas accessible at efficient ng AI ang mga pinansyal na serbisyo, na dapat maging layunin na kailangang abutin.
Magagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng AI para dagdagan ang pagiging efficient at epektibo ng mga system ng DeFi sa paghula, pamamahala sa panganib, at pag-automate sa mga regular na gawain. Magagamit din natin ito para pagandahin ang karanasan ng user at paigtingin ang seguridad.
Gayunpaman, ang hindi natin dapat asahan ay mabilis at madaling kita. Kung iyon ang hanap mo, halos siguradong madidismaya ka. Dahil dito, di-hamak na mas praktikal na pagtuunan ang potensyal ng AI hindi para lumikha ng mas malaking kita, pero para madagdagan ang accessibility at kalayaan sa pananalapi para sa mga user ng DeFi.
Mga Pangwakas na Pananaw
Hindi maitatanggi ang potensyal ng AI sa mundo ng DeFi. Mababago ng AI kung paano tayo nakikipag-interact sa DeFi, mula sa pag-automate ng mga pinansyal na proseso hanggang sa pagbibigay-daan sa mga mas tumpak na hula sa mga trend sa merkado.
Gayunpaman, bagama't malaki ang potensyal ng AI sa DeFi, may ilang delusyon na dapat matugunan. Kaya naman, habang patuloy na nagbabago ang larangan, magiging mahalaga para sa komunidad ng crypto na manatiling alisto sa pagpapatupad nito ng AI, habang isinasakatuparan ang potensyal nito pero habang nag-iingat na makaiwas sa mga hindi sinasadyang kahihinatnan.