TL;DR
Ang metaverse ay isang konsepto ng 3D na digital na mundo. Binubuo ito ng mga virtual na espasyo na puwede mong i-explore gamit ang isang avatar na gagawin mo. Sa metaverse, puwede kang maglaro, mamili, tumambay kasama ng mga kaibigan sa isang virtual na coffee shop, makipagtulungan sa iyong mga katrabaho sa isang virtual na opisina, at napakarami pang iba. Ang ilang video game at tool sa pakikisalamuha sa trabaho ay nagpatupad na ng ilang partikular na elemento ng metaverse sa kanilang mga ecosystem.
Gumagana na ang mga digital na mundo ng mga proyekto ng cryptocurrency gaya ng Decentraland at The Sandbox. Gayunpaman, bago-bago pa ang konsepto ng metaverse, kaya dine-develop pa ang karamihan ng mga functionality nito. Nagsimula na ring gumawa ang mga kumpanya gaya ng Facebook (Meta na ngayon), Microsoft, at Nvidia ng mga bersyon nila ng metaverse.
Para makapag-alok ng immersive na virtual na karanasan sa metaverse, nagsasama ang mga kumpanya ng tech ng mga makabagong teknolohiya para mabigyang-daan ang pag-unlad ng 3D na mundo. Kasama sa mga nasabing teknolohiya ang blockchain, augmented reality (AR) at virtual reality (VR), 3D reconstruction, artificial intelligence (AI), at Internet of things (IoT).
Panimula
Nagmula ang ideya ng metaverse kay Neal Stephenson noong 1992. Sa kanyang nobelang science fiction na Snow Crash, nakinita ang isang online na mundo kung saan puwedeng gumamit ng mga digital avatar ang mga tao para tumuklas at tumakas mula sa totoong mundo. Pagkalipas ng ilang dekada, ang malalaking kumpanya ng teknolohiya ay nagsimulang bumuo ng sarili nilang mga bersyon ng futuristic na metaverse. Ano ang metaverse, at ano ang diskarte rito ng malalaking kumpanya pagdating sa teknolohiya?
Ano ang metaverse?
Nasa Axie Infinity, The Sandbox, Decentraland na ang ilang partikular na aspekto ng metaverse para madala ang maraming elemento ng ating mga buhay sa mga online na mundo. Gayunpaman, dine-develop pa ang metaverse. Walang nakakaalam kung magkakaroon lang ba ng isang malaking metaverse na sumasakop sa lahat o magkakaroon ng maraming metaverse kung saan puwede kang magpalipat-lipat.
Habang patuloy na nade-develop ang ideya, inaasahan itong lumago nang higit pa sa mga video game at social media platform. Ang remote na pagtatrabaho, desentralisadong pamamahala, at digital identity ay ilan lang sa mga potensyal na feature na masusuportahan ng metaverse. Puwede rin itong maging mas multi-dimensional sa pamamagitan ng mga nakakonektang VR headset at salamin, kaya makakapaglakad-lakad talaga ang mga tao para tuklasin ang mga 3D na espasyo.
Ang pinakabagong pag-develop sa metaverse
Mula noong nagpalit ng pangalan ang Facebook at naging Meta na ito noong Oktubre 2021, metaverse ang naging bagong paboritong buzzword. Para magbigay-daan sa pag-rebrand nito, naglagay ang bigatin sa social media ng maraming resource sa bagong dibisyong tinatawag na Reality Labs at hindi bababa sa 10 bilyong dolyar ang ginastos nito noong 2021. Ang ideya ay bumuo ng content para sa metaverse, software, pati na rin mga AR at VR headset, na sa palagay ni CEO Mark Zuckerberg ay magiging kasing laganap ng mga smartphone sa hinaharap.
Dahil sa pandemya ng COVID-19, lumawak din ang interes sa pag-develop ng mga metaverse. Tumaas ang demand para sa higit pang interactive na paraan para kumonekta sa iba habang nagsimulang magtrabaho nang remote ang mas maraming tao. Dumarami ang mga virtual na 3D na espasyo kung saan ang mga magkakatrabaho ay nakakasali sa mga meeting, nakakapagkumustahan, at nakakapagtulungan. Isang halimbawa ang Microsoft Mesh na inilabas noong Nobyembre 2021. Nagtatampok ito ng mga immersive na espasyo kung saan puwedeng magkasalamuha at magtulungan ang mga user gamit ang kanilang mga avatar, kaya nagiging mas nakakahikayat at masaya ang mga remote team meeting.
Tinatanggap na rin ng maraming online na laro ang metaverse. Isa ang AR na laro sa mobile na Pokémon Go sa mga naunang gumamit sa konsepto sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mga manlalaro na manghuli ng mga virtual na Pokémon sa totoong mundo gamit ang isang smartphone app. Pinalawak ng Fortnite, isa pang sikat na laro, ang produkto nito sa maraming aktibidad sa digital na mundo nito, kasama na ang pag-host ng mga event ng brand at concert.
Maliban sa mga platform ng social media at gaming, nagbukas ang mga kumpanya ng tech gaya ng Nvidia ng mga bagong pagkakataon sa mga virtual na mundo. Ang Nvidia Omniverse ay isang bukas na platform na idinisenyong magkonekta ng mga 3D na espasyo sa isang shared universe para mabigyang-daan ang virtual na kolaborasyon ng mga engineer, designer, at creator. Kasalukuyan itong ginagamit sa iba't ibang industriya. Halimbawa, ginagamit ng BMW Group ang Omniverse para pabilisin ang produksyon at pagandahin ang kalidad ng produkto sa pamamagitan ng smart manufacturing.
Mga pangunahing teknolohiya na nagpapagana sa metaverse
Para gawing mas immersive ang karanasan sa metaverse, ang mga kumpanya ay gumagamit ng mga makabagong teknolohiya gaya ng blockchain, augmented reality (AR) at virtual reality (VR), 3D reconstruction, artificial intelligence (AI), at Internet of things (IoT) para bigyang-kakayahan ang 3D na mundo.
Blockchain at cryptocurrency
Sa hinaharap, posibleng gamitin ang crypto para bigyan ng insentibo ang mga tao para magtrabaho talaga sa metaverse. Habang dinadala ng mas maraming negosyo ang kanilang mga opisina online para sa remote na pagtatrabaho, posible tayong makakita ng mga iniaalok na trabahong nauugnay sa metaverse.
Augmented reality (AR) at virtual reality (VR)
Makakapagbigay sa atin ang augmented reality (AR) at virtual reality (VR) ng immersive at nakakahimok na karanasan sa 3D. Ito ang mga pasukan natin tungo sa virtual na mundo. Pero ano ang pinagkaiba ng AR at VR?
Gumagamit ang AR ng mga digital na visual element at character para i-morph ang totoong mundo. Mas accessible ito kaysa sa VR at magagamit ito sa halos kahit anong smartphone o digital device na may camera. Gamit ang mga AR application, matitingnan ng mga user ang kanilang paligid na may mga interactive na digital na visual, katulad ng nasa mobile na larong Pokémon GO. Kapag binuksan ng mga tao ang camera sa mga telepono nila, makakakita sila ng mga Pokémon sa kapaligiran sa totoong mundo.
Iba ang paggana ng VR. Gaya ng konsepto ng metaverse, gumagawa ito ng virtual na kapaligirang ganap na computer-generated. Pagkatapos, puwede itong i-explore ng mga user gamit ang mga VR headset, glove, at sensor.
Ang paraan ng paggana ng AR at VR ay nagpapakita ng maagang modelo ng metaverse. Gumagawa na ang VR ng digital na mundo kung saan may kasamang kathang-isip na visual content. Habang nagiging mas hinog ang teknolohiya nito, mapapalawak ng VR ang karanasan sa metaverse para magkaroon ng mga pisikal na simulation gamit ang VR equipment. Mararamdaman, maririnig, at makaka-interact ng mga user ang mga tao mula sa iba pang bahagi ng mundo. Kung isasaalang-alang ang hype pagdating sa metaverse, makakaasa tayo na mas maraming kumpanya sa metaverse ang mamumuhunan sa pag-develop ng AR at VR equipment sa nalalapit na hinaharap.
Artificial intelligence (AI)
Inilapat ang artificial intelligence (AI) sa maraming aspekto ng ating mga buhay sa mga kamakailang taon: sa pagpaplano ng diskarte sa negosyo, pagpapasya, facial recognition, mas mabilis na pag-compute, at higit pa. Mas kamakailan pa, pinag-aaralan ng mga eksperto sa AI ang mga posibilidad ng paglalapat ng AI sa paggawa ng mga immersive na metaverse.
May potensyal ang AI na magproseso ng maraming data nang napakabilis. Kasama ng mga technique sa machine learning, puwedeng matuto ang mga algorithm ng AI mula sa mga nakaraang iteration, nang isinasaalang-alang ang dating data para makabuo ng mga natatanging output at insight.
Sa metaverse, puwedeng maglapat ng AI sa mga non-player character (NPC) sa iba't ibang sitwasyon. May mga NPC sa halos bawat laro; bahagi sila ng gaming environment na idinisenyo para mag-react at tumugon sa mga pagkilos ng mga player. Dahil sa mga kakayahan sa pagproseso ng AI, puwedeng ilagay ang mga NPC sa iba't ibang 3D na espasyo para magkaroon ng mga makatotohanang pakikipag-usap sa mga user o magsagawa ng iba pang partikular na gawain. Hindi tulad ng taong user, puwedeng kumilos nang mag-isa ang isang AI NPC at puwede siyang gamitin ng milyon-milyong user nang sabay-sabay. Puwede rin itong gumana sa ilang iba't ibang wika.
Isa pang potensyal na gamit ng AI ay ang paggawa ng mga avatar sa metaverse. Puwedeng gamitin ang mga AI engine para magsuri ng mga 2D na larawan o 3D na scan para bumuo ng mga avatar na mukhang mas makatotohanan at tumpak. Para gawing mas dynamic ang proseso, magagamit din ang AI para gumawa ng iba't ibang facial expression, hairstyle, damit, at katangian para mapaganda ang mga gagawin nating digital na tao.
3D reconstruction
Bagama't hindi ito bagong teknolohiya, nagiging mas laganap ang paggamit ng 3D reconstruction sa panahon ng pandemya, lalo na sa industriya ng real estate, dahil hindi personal na makabisita sa mga ari-arian ang mga potensyal na bibili dulot ng mga lockdown. Samakatuwid, gumamit ng teknolohiya ng 3D reconstruction ang ilang ahensya para bumuo ng mga virtual na tour sa ari-arian. Tulad na lang ng inisip nating metaverse, puwedeng magtingin-tingin ang mga bibili sa mga potensyal na bagong bahay nang hindi kinakailangang tumapak sa loob.
Isa sa mga hamon para sa metaverse ay ang gumawa ng digital na kapaligiran na malapit sa ating totoong mundo hangga't maaari. Sa tulong ng 3D reconstruction, makakagawa ito ng mga makatotohanan at mukhang natural na espasyo. Sa pamamagitan ng mga espesyal na 3D camera, puwede nating dalhin online ang ating mundo sa pamamagitan ng pag-render ng mga tumpak na 3D na photorealistic na modelo ng mga gusali, pisikal na lokasyon, at bagay. Pagkatapos, ipapasa ang 3D spatial data at 4K HD photography sa mga computer para maproseso ang mga ito at makabuo ng virtual replica sa metaverse na mararanasan ng mga user. Puwede ring tukuyin ang mga virtual replica na ito ng mga bagay sa pisikal na mundo bilang mga digital twin.
Internet of things (IoT)
Isa sa mga gamit ng IoT sa metaverse ay ang mangolekta at magbigay ng data mula sa pisikal na mundo. Sa tulong nito, magiging mas tumpak ang mga digital na representasyon. Halimbawa, puwedeng baguhin ng mga feed ng data sa IoT ang paraan ng paggana ng ilang partikular na bagay sa metaverse batay sa kasalukuyang lagay ng panahon o iba pang kondisyon.
Sa pagpapatupad ng IoT, walang kaproble-problemang maikokonekta ang 3D na mundo sa maraming device sa totoong buhay. Nagbibigay-daan ito sa paggawa ng mga real-time na simulation sa metaverse. Para mas ma-optimize pa ang environment ng metaverse, puwede ring gumamit ng AI at machine learning ang IoT para pamahalaan ang kinokolekta nitong data.
Mga Hamon ng Metaverse
Ang metaverse ay nasa mga unang yugto pa ng pag-develop nito. Kasama sa ilang hamon ang authentication ng pagkakailanlan at pagkontrol sa privacy. Sa totoong mundo, kadalasang hindi mahirap makilala ang isang tao. Pero habang kumikilos ang mga tao sa digital na mundo gamit ang kanilang mga avatar, magiging mahirap malaman o patunayan kung sino ang isa pang tao. Halimbawa, ang masasamang-loob o kahit ang mga bot ay posibleng pumasok sa metaverse nang nagpapanggap na ibang tao. Pagkatapos, puwede nila itong gamitin para sirain ang kanilang reputasyon o mang-scam ng iba pang user.
Isa pang hamon ang privacy. Umaasa ang metaverse sa mga AR at VR device para makapag-alok ng immersive na karanasan. Sa huli, puwedeng humantong ang mga teknolohiyang ito na may mga kakayahan sa camera at natatanging identifier sa mga hindi kanais-nais na paglabas ng personal na impormasyon.
Mga pangwakas na pananaw
Bagama't dine-develop pa ang metaverse, maraming kumpanya ang tumutuklas na sa potensyal nito. Sa espasyo ng crypto, ang Decentraland at The Sandbox ay mga kapansin-pansing proyekto, pero nakikisali na rin ang malalaking kumpanya gaya ng Microsoft, Nvidia, at Facebook. Habang sumusulong ang mga teknolohiya ng AR, VR, at AI, malamang na makakakita tayo ng mga kapana-panabik na bagong feature sa mga virtual at walang hangganang mundong ito.