TL;DR
Mahalaga ang mga crypto bridge para sa pangangasiwa sa interoperability sa iba't ibang blockchain. Ikinokonekta ng mga ito ang mga dating nakahiwalay na crypto ecosystem para makapagbahagi ang mga user ng data at makapaglipat sila ng mga asset sa magkakahiwalay na blockchain na may sariling mga indibidwal na teknolohikal at pang-ekonomiyang panuntunan.
Puwedeng ikategorya ang mga crypto bridge bilang pinagkakatiwalaan, hindi nangangailangan ng tiwala, uni-directional, at bi-directional. Ang Solana Wormhole Bridge, Avalanche Bridge, at Polygon Bridge ay ilan sa mga sikat na crypto bridge na ginagamit para maglipat ng mga asset, at may mga natatanging bentahe ang bawat bridge.
Panimula
Sa pangkalahatan, hindi likas na interoperable ang mga blockchain, ibig sabihin, ang data at mga asset sa isang blockchain ay hindi maililipat sa ibang blockchain. Maraming proyekto ang humaharap sa problemang ito sa pamamagitan ng pagbuo ng mga crypto bridge sa pagitan ng mga ito para mapangasiwaan ang mga paglilipat ng data at asset. Gayunpaman, mga partikular na blockchain lang ang ikinokonekta ng bawat crypto bridge, at samakatuwid, hindi ito solusyong panlahat.
Halimbawa, kung ang isang team ay bubuo ng isang bridge sa pagitan ng ETH at BTC, hindi magagamit ang bridge na iyon para maglipat ng mga asset mula XRP papuntang ETH. Gayundin, mga user lang na may mga crypto wallet na compatible sa isang partikular na bridge ang makakagamit sa bridge na iyon.
Ano ang Crypto Bridge?
Ang crypto bridge ay isang protocol na nagbibigay-daan sa dalawa o higit pang blockchain na gumana at magbahagi ng data sa isa't isa. Pinagkokonekta nito ang mga blockchain para makalahok ang mga user sa isang network sa mga aktibidad ng isa pang network. Nagbibigay-daan ito sa mga user ng crypto na gamitin ang mga hawak nila sa labas ng mga native chain.
Ang mga blockchain ay magkakaiba ng mga token, mekanismo ng consensus, komunidad, at modelo ng pamamahala. Pinapangasiwaan ng isang crypto bridge ang interoperability ng blockchain, na nagbibigay-daan sa mga paglilipat ng data at crypto asset sa iba't ibang chain.
Nagbibigay-daan din ang mga crypto bridge sa mga blockchain na gamitin ang mga kalakasan ng isa't isa. Halimbawa, hindi kailangang ayusin ng Bitcoin ang blockchain nito para isama ang mga smart contract dahil mapupunan ng iba pang network ang pagkukulang na iyon.
Dagdag pa rito, nagbibigay-daan ang mga crypto bridge sa mga developer na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa isa't isa saanmang network sila gumagawa. Dahil dito, mas madaling makakakonekta ang mga protocol at mas madaling mapagbabatayan ng mga ito ang mga feature at paggagamitan ng isa't isa.
Kadalasan, ang mga crypto bridge ay nagpo-port ng mga token mula sa isang network papunta sa isa pa sa pamamagitan ng pag-wrap ng mga ito, na isang proseso kung saan nila-lock ng bridge ang orihinal na token sa isang smart contract at gumagawa ito ng katumbas na halaga ng mga wrapped token, gaya ng WETH para sa ETH o WBNB para sa BNB.
Mayroon ding iba pang teknolohiyang nakatuon sa interoperability sa crypto ecosystem. Isang halimbawa nito ang mga Layer 0 na protocol. Nagbibigay-daan ang mga Layer 0 sa iba pang blockchain na pagbatayan ang mga ito sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga blockchain ng karaniwang pinagbabatayang layer. Samakatuwid, ang isang blockchain ay hindi nangangailangan ng mga bridge dahil bawat blockchain na bumubuo batay sa Layer 0 ay kumokonekta sa iba pang blockchain sa umpisa pa lang.
Mga Uri ng Mga Bridge
Mga pinagkakatiwalaang bridge
Nakadepende ang mga pinagkakatiwalaang bridge sa isang sentral na entity o isang system. Kasama rito ang mga external na taga-verify para ligtas na mapangasiwaan ang paglilipat ng data at halaga. Gayunpaman, ang ibig sabihin din nito ay kinakailangan ng mga ito na isuko ng mga user ang kontrol sa kanilang mga crypto asset, na sumasalungat sa crypto ethos ng self-custody.
Mga bridge na hindi nangangailangan ng tiwala
Hindi tulad ng mga pinagkakatiwalaang bridge, hindi umaasa sa mga third party na entity ang mga bridge na hindi nangangailangan ng tiwala. Sa halip, gumagana ang mga ito sa desentralisadong paraan sa pamamagitan ng paggamit ng mga smart contract na namamahala sa proseso ng interoperability. Dahil dito, mapapanatili ng mga user ang pagmamay-ari sa kanilang crypto. Bagama't dapat umasa ang mga user ng pinagkakatiwalaang bridge sa reputasyon ng mga operator ng bridge, sa pinagbabatayang code umaasa ang mga user ng mga bridge na hindi nangangailangan ng tiwala.
Mga uni-directional bridge
Sa mga uni-directional (o one-way) bridge, naililipat ng mga user ang kanilang crypto sa ibang network nang walang posibilidad na maipadala ang mga ito pabalik sa pamamagitan ng parehong ruta. Ibig sabihin nito, dapat lang gamitin ang mga ito para sa mga one-way na transaksyon.
Mga bi-directional bridge
Sa kabilang banda, nagbibigay-daan ang mga bi-directional bridge sa paglilipat ng mga asset sa dalawang paraan. Nagbibigay ang mga ito ng mas tuloy-tuloy na paraan para maglipat ng data at crypto sa pagitan ng dalawang network. At dahil dito, posibleng mas maginhawa ito para sa isang user na madalas na gumagamit ng dalawang network para magpadala at tumanggap ng crypto.
Solana Wormhole Bridge
Ang Wormhole, na isang bi-directional bridge, ay naglalayong pangasiwaan ang paggalaw ng mga asset na mabilis at murang i-tokenize sa mga blockchain sa pamamagitan ng paggamit sa mga bentahe sa istruktura ng Solana na mabilis at mura.
Ang layunin ng Solana para sa Wormhole ay lutasin ang mga karaniwang isyu sa decentralized finance (DeFi), gaya ng matataas na bayarin sa gas, slippage ng presyo, at congestion sa network. Noong inilunsad ito noong 2020, nag-alok ito ng desentralisadong paraan para i-bridge ang ERC-20 at SPL sa pagitan ng Ethereum at Solana. Sa kasalukuyan, nagbibigay-daan ang Solana Wormhole sa paglilipat ng crypto sa 17 chain.
Binuo ang Wormhole kasama ng Certus One, na isang kumpanyang nagpapatakbo ng mga node para sa mga blockchain at nagbibigay ng mga serbisyo sa seguridad ng imprastruktura para sa mga proof-of-stake (PoS) blockchain. Dahil magagamit ng mga developer ang Wormhole para i-access ang Solana network, hindi na kailangang i-rewrite ng isang proyekto ng crypto ang sarili nitong mga codebase para sa Solana.
Nakabatay ang bridge sa mga desentralisadong cross-chain na oracle. Ang mga tinatawag na "guardian" na ito ay nagdadala ng mga token mula sa isang chain papunta sa isa pa sa pamamagitan ng pag-lock o pag-burn ng mga token sa isang chain at pag-mint o pag-release ng mga ito sa isa pa.
Ang mga “guardian” ay pinapatakbo ng mga node operator gaya ng mga validator ng Solana at mga stakeholder sa ecosystem. Posibleng makatulong ang naaayong istruktura ng insentibo ng mga ito sa Solana para mapanatiling maaasahan ang bridge.
Avalanche Bridge
Binuo ang Avalanche Bridge (AB), na isa pang bi-directional bridge, partikular na para sa mga retail user at inilunsad ito noong Hulyo 2021 ng Ava Labs. Ang bridge ay pamalit sa dating disenyo ng bridge, na tinatawag na Avalanche-Ethereum Bridge (AEB), at ang bayarin nito ay humigit-kumulang limang beses na mas mababa kaysa sa bayarin ng nauna rito.
Dagdag pa rito, nilalayon ng AB na pagandahin pa ang karanasan sa pag-bridge ng asset para sa mga user sa pamamagitan ng pagtuon sa seguridad, mas mabilis na finality, at mas mabababang bayarin. Ikinokonekta rin ng AB ang Ethereum at Avalanche sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mga user na maglipat ng mga ERC-20 token ng Ethereum sa Avalanche Mainnet.
Binubuo ang disenyo ng AB ng isang pribadong codebase (o "Inter SGX") at mga relayer (na tinatawag na mga warden.) Ang Intel SGX application ay isang pribadong enclave na gumagawa ng mas secure na environment sa pamamagitan ng pangangasiwa sa mga pagpapatakbo sa isang saradong espasyo at pagtiyak na hindi mapapakialamanan ang bridge.
Ang pangunahing trabaho ng warden ay subaybayan ang Avalanche at Ethereum blockchain. Sa tuwing may makikitang ERC-20 token na papunta sa Ethereum ng Avalanche Bridge ang isang warden, inirerehistro niya ang transaksyon sa enclave ng Intel SGX.
Gayunpaman, kapag nagpadala ng mga token mula sa Avalanche papunta sa Ethereum, kinukumpirma ng enclave na ibu-burn muna ang mga wrapped ERC-20 coin para isenyas ang paglilipat ng katumbas na halaga ng Ethereum. Sa huli, kapag nakumpirma ang transaksyon, ang token ay ila-lock at imi-mint o ibu-burn at ire-release.
Polygon Bridge
Unang iminungkahi ang Polygon Bridge na hindi nangangailangan ng tiwala noong umpisa ng 2020 ng team ng Polygon para madagdagan ang interoperability sa pagitan ng mga network ng Polygon at Ethereum. Naging live ang bridge sa paglaon sa taon ding iyon.
Sa kasalukuyan, nagbibigay-daan ito sa mga user na maglipat ng mga token at non-fungible token (NFT) sa pagitan ng Ethereum at Polygon. Ngayon, masusulit ng mga user ang kasikatan ng Ethereum habang ginagamit ang mas mabababang bayarin at mas mabibilis na transaksyon sa Polygon.
May dalawang bridge ang Polygon kung saan makakapaglipat ng mga asset ang mga user: ang Proof-of-Stake (PoS) bridge at Plasma bridge. Sine-secure ng nauna ang network nito sa pamamagitan ng paggamit ng PoS na consensus algorithm. Bagama't halos agarang nakukumpleto ang mga pagdeposito sa PoS bridge, kung minsan, posibleng mas matagalan ang mga pag-withdraw. Sinusuportahan ng bridge na ito ang paglilipat ng ether at iba pang karaniwang ERC token.
Ginagamit ng Plasma bridge ang solusyon sa pag-scale ng Ethereum Plasma para mag-alok ng pinaigting na seguridad. Magagamit ng mga user ang bridge para ilipat ang native token ng Polygon, ang MATIC, at ang ilang partikular na Ethereum token (ETH, ERC-20, at ERC-721).
Sumusunod sa karaniwang lohika ng pag-bridge ang pag-bridge ng mga token gamit ang Polygon. Nila-lock ang mga token na umaalis sa Ethereum network, at awtomatikong nami-mint sa Polygon sa one-to-one na peg ang parehong dami ng mga token. Gayundin, kapag nagbi-bridge ng mga token sa Ethereum, binu-burn ang mga naka-peg na token sa Polygon at ina-unlock ang mga Ethereum token.
Mga pangwakas na pananaw
Bagama't ginagawang mas interoperable ng mga crypto bridge ang crypto ecosystem, dapat lagi kang magsagawa ng sarili mong pananaliksik para mapili mo ang bridge na pinakaangkop na gamitin.
Tandaan na hindi binabago ng pag-bridge ang supply na nasa sirkulasyon ng cryptocurrency na gusto mong ilipat. Nila-lock lang ng mga bridge ang mga token sa nagpapadalang network at nagmi-mint ito ng mga bagong token sa makakatanggap na panig, na gumagawa ng mga wrapped token.
Kung ipapadala ang mga wrapped token pabalik sa native chain, ibu-burn ang mga ito bago i-release ang mga orihinal na token sa kabilang panig.