Mga Pangkalahatang Prinsipyo ng Seguridad
Home
Mga Artikulo
Mga Pangkalahatang Prinsipyo ng Seguridad

Mga Pangkalahatang Prinsipyo ng Seguridad

Baguhan
Na-publish Nov 28, 2018Na-update Aug 23, 2024
4m

Ang artikulong ito ay hatid ng Trezor.io


Maraming dalang kapana-panabik na posibilidad ang mga cryptocurrency, pero puno rin ang mga ito ng panganib at peligro para sa walang karanasan. Sundin ang tatlong pangunahing prinsipyo sa seguridad na nakabalangkas sa ibaba para makontrol ang ilang panganib na nauugnay sa paghawak, paggamit, at pag-trade ng mga cryptocurrency.


Panatilihin ang iyong privacy

Dahil sa katangian ng internet, posibleng napakabilis na kumalat ng impormasyon, at kung minsan, sa hindi magagandang direksyon.

Maraming taong may nakakapinsalang layunin na gumagamit ng masasamang diskarte sa pagtatangkang nakawin ang iyong mga cryptocurrency. Karamihan ng mga banta at pag-atake ay karaniwang naka-target nang malawakan at nagsisilbing lambat — na sumusubok na mahuli ang lahat ng magpapauto at malilingat, pero hindi naman pumupuntirya ng partikular na indibidwal. Gayunpaman, kung hindi mo sinasadyang maging target sa pamamagitan ng paglalahad ng sensitibong impormasyon, posible ang mga mas kumplikado at nakatuong pag-atake.

Inirerekomendang:

  • Pag-isipan ang mga panganib ng pagyayabang tungkol sa mga matagumpay mong pagsisikap sa pag-trade

  •  Huwag ibahagi ang mga address na ginamit mo dati

  • Maging maingat sa pagbanggit sa iyong mga balanse

  • Iwasang magbahagi ng impormasyong nauugnay sa iyong pagkakakilanlan offline

  • Gumamit ng mga naka-encrypt na channel ng komunikasyon

Mag-isip nang pangmatagalan. Baka maging napakalaki ng halaga ng iilang satoshi sa iyong mga address sa mga darating na taon. O hindi. Puwede mo nga ring ibenta na ang mga cryptocurrency sa ngayon. Pero mahalaga ba iyon? Posibleng hindi iyon malaman agad ng isang potensyal na attacker, malalayong kamag-anak, o kahit ng mga naiinggit na taong hindi mo kilala o kakilala mo.


Protektahan ang iyong sarili

Ang mga user ng tradisyonal na sistema ng pagbabangko at ng mga cryptocurrency ay kadalasang mga biktima ng mga katulad na scam at panloloko. Gayunpaman, sa mga cryptocurrency, pinapasan ng end-user ang responsibilidad dahil sa iba't ibang salik — sa pangkalahatan, ang likas na kawalan ng tiwala at immutability ng mga naprosesong transaksyon.

Nasa mga bangko, na itinuturing na mga pinagkakatiwalaang entity, ang buong kontrol sa kustodiya ng pera mo. Kontrolado ang mga bangko, at nakikipag-ugnayan ang mga ito sa isa't isa, na mas nagpapadali sa pagpigil at paglaban sa panloloko. Kung mabibiktma ka o totoong magkakamali ka sa paglilipat ng pera mula sa bank account mo, kadalasan, makakahingi ka ng chargeback. Sa mga cryptocurrency, kapag naipadala na sa network at nakumpirma na ang mga transaksyon, hindi na mababawi ang mga ito.
Maging mapagmatyag. Alamin ang mga karaniwang diskarte sa phishing, alamin kung ano ang mga keylogger, at alamin ang mga karaniwang banta na inilalarawan sa Binance Academy. Makakatulong na panatilihing secure ang iyong mga coin kung magiging pamilyar ka sa mga panganib na ito.

Ang paggamit ng mga password na malakas at natatangi at pag-enable sa proteksyon ng 2FA para sa iyong mga online account ang dapat na unang hakbang sa pagpapaigting sa pangkalahatang seguridad mo.
Hindi mo dapat kalimutang protektahan din ang iyong sarili dahil (malamang na) tao ka at ang mga tao ay nagkakamali. Puwedeng makompromiso ang iyong seguridad at magkaroon ng napakaraming problema kung magkakaroon ka ng typo habang gumagawa ng mga backup mo, maipapadala mo ang iyong mga token sa maling address, o makakagawa ka ng maling desisyon.

‘Dobleng sukat, isahang putol’ ang kasabihang narinig ng marami sa atin sa ating mga magulang. Pagdating sa paggamit at pagprotekta sa mga cryptocurrency, mahalaga ito.


Maging sarili mong bangko

Para matiyak ang availability ng iyong mga coin at ma-maximize ang seguridad mo, inirerekomendang hawakan ang iyong mga pribadong key offline. Bagama't sa pangkalahatan ay mas ligtas ang mga palitan kaysa noon, inirerekomenda pa ring panatilihin lang ang malalaking halaga sa mga account sa palitan kung isa kang aktibong trader. Dagdag pa rito, katulad ng pera sa bank account, maliban na lang kung nagmamay-ari ka at mayroon kang eksklusibong access sa iyong mga pribadong key, hindi mo masasabi na sa iyo ang mga coin mo, at pangako lang ang pinanghahawakan mo.

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, may pagkakataon kang magmay-ari ng digital asset tulad ng pagmamay-ari mo ng pisikal na cash o piraso ng precious metal. Hindi tulad ng iba pang anyo ng mga asset tulad nito, puwede mong i-back up ang iyong mga cryptocurrency sa isang pirasong papel at puwede kang magkaroon ng access sa mga pagmamay-ari mo sa ligtas na paraan kahit saan sa mundo.

Siyempre, maraming dalang panganib ang paghawak at pagprotekta sa mga key na ito sa mga cryptocurrency, gaya ng nabanggit sa nakaraang seksyon. Buti na lang may mga tool na nakahandang tumulong sa iyong makasabay sa mga hamong ito at nagbibigay-daan sa iyong makuha ang lahat ng benepisyo ng mga bagong teknolohiyang ito.

Ang mga uri ng mga cryptocurrency wallet na idinisenyo para hawakan ang iyong mga pribadong key ay may iba't ibang seguridad, dali ng paggamit, dami ng mapaggagamitan, at kahit availability. Pag-isipan ang mga mapagpipilian mo at pumili ng uring angkop sa iyong mga pangangailangan.

Ang mga software at mobile phone wallet ay nag-aalok ng maraming iba't ibang feature at kadalasang napakadaling gamitin. Ang malaking kahinaan pagdating sa seguridad ay nakakonekta ang mga ito sa mga napakakumplikado at kadalasang online na environment gaya ng iyong mobile phone o isang computer. Dahil sa mga salik na ito, nagkakaroon ng maraming pagkakataon para ma-access ng mga virus at hacker ang iyong mga coin; kaya naman, dapat lang itong gamitin ng mga hindi pa sanay na user para sa mas maliliit na halaga ng cryptocurrency.

Ang mga papel na wallet, na siyang may hawak ng iyong mga pribadong key na nakasulat sa isang piraso ng papel (o nakaukit sa isang piraso ng metal) ay madalas na itinuturing na isa sa mga pinakaligtas na paraan ng pag-store ng mga pribadong key. Gayunpaman, medyo mahirap itong pamahalaan at kadalasang puwede lang itong gamitin sa minsanang paggamit.
Karaniwan, ang mga hardware wallet ang pinakamahusay sa pagbabalanse ng dali ng paggamit at mataas na antas ng seguridad. Pinoprotektahan ng mga device na ito na kasya sa bulsa ang mga pribadong key laban sa mga malware at hacker sa pamamagitan ng pagpapanatili nitong offline pero nagkakahalaga ito ng $70 hanggang $200, at kailangan nito ng pisikal na kumpirmasyon para sa karamihan ng mga pagkilos.

Tandaan, hinding-hindi ganap at natatapos ang seguridad. Maglaan ng panahon para i-update ang iyong kaalaman paminsan-minsan at regular na suriin ang mga potensyal na kahinaan.

Share Posts
Magrehistro ng isang account
Gamitin ang iyong nalalaman sa pamamagitan ng pagbubukas ng account sa Binance ngayon.