9 na Altcoin Para I-diversify ang Iyong Portfolio
Table of Contents
Panimula
Ano ang altcoin?
Bakit dapat akong mamuhunan sa mga altcoin?
Mga token ng platform
Mga meme coin
Mga Stablecoin
Mga DeFi coin
Mga pangwakas na pananaw
9 na Altcoin Para I-diversify ang Iyong Portfolio
HomeArticles
9 na Altcoin Para I-diversify ang Iyong Portfolio

9 na Altcoin Para I-diversify ang Iyong Portfolio

Baguhan
Published Aug 30, 2021Updated Sep 23, 2021
10m

TL;DR

Itinuturing na altcoin ang anumang coin maliban sa Bitcoin, at magkakaiba ang laki ng mga ito mula sa mga blockchain na may malaking market-cap hanggang sa maliliit na bagong proyekto. Madalas na itinuturing na mahalagang bahagi ng pag-diversify ng portfolio ng crypto ang mga altcoin. Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa magagandang altcoin, puwede mong mabawasan ang pangkalahatang panganib ng iyong portfolio. Ang pamumuhunan sa iba't ibang uri ng altcoin ay isang matalinong diskarte sa pamumuhunan. Kasama sa mga uring ito ang mga token ng platform, stablecoin, token ng DeFi, at kahit meme coin.


Panimula

Bagama't kadalasang Bitcoin ang laman ng balita tungkol sa cryptocurrency, may marami-rami na ring headline ngayon tungkol sa mga altcoin. Tungkol man ito sa pagtaas ng presyo ng Dogecoin o mga update sa Ethereum, magandang matuto pa tungkol sa kung ano ang available kapag namumuhunan o nagte-trade ng crypto. Napakaraming available na altcoin, kaya tingnan natin ang ilan sa mga nangungunang proyekto sa iba't ibang uri ng asset ng crypto.



Ano ang altcoin?

Ang altcoin ay anumang cryptocurrency na hindi Bitcoin. Dahil nagmula sa Bitcoin ang industriya ng cryptocurrency tulad ng alam natin, naging mga alternatibo ang iba pang coin at token. Napakaraming iba't ibang altcoin na available, mula sa mga coin na may malaking cap tulad ng Ether at BNB hanggang sa mga token na mula sa mga bagong lunsad na proyekto. Karaniwan nang iniuugnay ang mga altcoin sa mga ERC-20 token sa Ethereum at sa mga native token ng iba pang malalaking blockchain.


Bakit dapat akong mamuhunan sa mga altcoin?

Bagama't Bitcoin (BTC) ang coin na may pinakamalaking market cap at ang pinakakilalang cryptocurrency, dapat mong i-diversify ang portfolio ng iyong pamumuhunan bilang isang responsableng mamumuhunan. Para magawa ito sa mundo ng crypto, kakailanganin mong bumili ng mga altcoin. Puwede mong bawasan ang iyong pangkalahatang panganib sa pamamagitan ng pagbubukas sa portfolio ng cryptocurrency mo para magsama ng iba't ibang coin at sektor sa crypto, tulad Decentralized Finance (DeFi) o GameFi. Sa ganitong paraan, kung magka-crash ang presyo ng Bitcoin, puwedeng balansehin ng iba mo pang pamumuhunan sa crypto ang ilan sa mga pagkalugi.


Mga token ng platform

Nagbibigay-daan ang ilang blockchain sa mga user na gumawa ng sarili nilang mga proyekto, token, at kahit mga interoperable na blockchain. Ang Ethereum ang pinakakilalang platform at isa sa mga pinakasikat, pero sinundan ng iba ang pangunguna nito at nagbigay ng imprastraktura para sa mga bagong inobatibong proyekto.

Ether (ETH)

Ang Ether ay ang katutubong token ng platform ng Ethereum na ginawa noong 2015 ni Vitalik Buterin at ng kanyang team ng mga katuwang na tagapagtatag. Ang Ethereum ay isang malaking pag-unlad sa teknolohiya sa ecosystem ng cryptocurrency at kilala bilang orihinal na ikalawang henerasyong blockchain. 
Kinuha nito ang mga prinsipyo ng desentralisasyon ng Bitcoin at ginawa itong mas nagagamit sa pamamagitan ng programmable code. Ang mga script na ito, na kilala bilang Mga Smart Contract, ay naipapatupad nang mag-isa at gumagana ayon sa isang hanay ng mga panuntunan ng developer. Immutable din ang mga iyon, ibig sabihin, hindi mababago ng mga developer ang mga iyon kapag na-deploy na ang mga iyon sa blockchain.
Ginagamit ang Ether bilang utility token ng blockchain. Sa lahat ng transaksyon at pakikipag-ugnayan sa mga smart contract, kailangang magbayad ng Ether ang user. Ang bawat uri ng aktibidad ay nangangailangan ng isang partikular na halaga ng gas na sumusukat sa computational power na kinakailangan. Kapag mas kumplikado ang smart contract, kailangan ng mas malaking gas kumpara sa pagpapadala ng simpleng ERC-20 token mula sa isang wallet papunta sa isa pa. Itinatakda ang mga babayaran mo para sa gas batay sa kung saang block mo ito idaragdag at kilala ito bilang batayang bayad.
Puwede ka ring mag-stake ng Ether bilang bahagi ng planong pag-upgrade nito sa Ethereum 2.0 kapalit ng interes. Gayunpaman, kapag nag-stake ka, mala-lock ang iyong Ether hanggang sa ma-release ang Ethereum 2.0 sa loob ng humigit-kumulang dalawang taon. Wala ring limitasyon sa supply ang Ether, pero bine-burn ang bayarin sa transaksyon bilang mekanismo para sa deflation.

Solana (SOL)

Ang SOL ay ang katutubong token ng Solana blockchain na inilunsad noong Marso 2020. Nakatutok ang Solana sa scalability at gumagamit ito ng naiibang mekanismo ng consensus na tinatawag na Proof of History. Pinapalitan ng Proof of History ang time stamp ng isang block at sa halip ay gumagamit ito ng function na pag-hash para sukatin ang oras. Lubhang pinapabilis ng mekanismong ito ang network. Mayroon ding mga kakayahan sa smart contract ang Solana.

Ginagamit ang SOL bilang utility token sa pagbabayad ng mga user ng bayarin sa transaksyon o gas kapag nakikipag-ugnayan sa mga smart contract. Bine-burn ng network ang lahat ng isang porsyento ng bawat bayad sa transaksyon bilang hakbang para sa deflation. Magmi-mint ang blockchain ng 489 na milyong SOL token sa kabuuan. Puwede ka ring maging validator ng network kung hahawak ka ng SOL at makikibahagi sa mekanismo ng consensus nito na Proof of Stake. Ang mga validator at staker ay binibigyan ng mga SOL token bilang reward sa pagdaragdag ng mga bagong transaksyon sa isang block.

Polkadot (DOT)

Unang na-mint ang DOT noong 2017 bilang katutubong token ng Polkadot. Ang blockchain ay binuo ng katuwang na creator ng Ethereum na si Gavin Wood, at nina Robert Habermeier at Peter Czaban. Nakatuon ang DOT sa paggawa ng mga interoperable blockchain, at mayroon itong tatlong pangunahing sitwasyon ng paggamit: pamamahala, pag-stake, at pag-bond. 

Ang modelo ng pamamahala ng DOT ay nagbibigay-daan sa mga user na gumawa ng mga desisyon sa bayarin sa network, mga pag-upgrade, at mga parachain. Ang bawat parachain ay isang naka-customize na blockchain para sa isang proyekto na kumakabit sa pangunahing blockchain na kilala bilang ang relay chain.

Mayroon ding mekanismo ng consensus na Proof of Stake ang Polkadot na humihiling sa mga user na mag-stake ng DOT para makasali. Dahil sa pag-stake ng DOT, nawawalan ng gana ang masasamang-loob na manipulahin ang network dahil puwede silang mawalan ng mga token. 

Ginagamit din ang DOT sa Mga Parachain Slot Auction. Nagse-stake ang mga user ng DOT bilang suporta sa mga proyektong gustong manalo ng parachain slot. Kung magtagumpay ang proyekto, bina-bond ang DOT hanggang sa matapos ang pagpapaupa ng parachain, at kapalit nito, makakatanggap ang mga staker ng mga token mula sa proyekto.

BNB

Ang BNB ay ang katutubong token ng Binance Smart Chain at Binance Chain. Inilunsad ang coin noong 2017 sa Ethereum blockhain sa isang ICO para mangalap ng pondo para buuin ang mga serbisyo ng palitan ng Binance.

Noong 2019, lumipat ang BNB sa Binance Chain na may mekanismo para i-convert ang token sa isang BEP-2 token mula sa isang ERC-20 token. Ang Binance DEX (decentralized exchange) ay binuo sa Binance Chain at gumagamit ito ng BNB bilang utility token para bayaran ang binawasang bayarin. Dapat ding magbayad ng BNB ang mga user para gumawa ng mga paglilipat sa Binance Chain sa system nito sa transaksyon na batay sa gas.
Noong Setyembre 2020, inilunsad ang Binance Smart Chain (BSC) bilang parallel na blockchain ng Binance Chain. Ang BSC ay isang fork ng Ethereum blockchain at nagbibigay ito ng mga kakayahan sa Smart Contract. Ang BNB rin ang katutubong token ng BSC gamit ang protocol ng BEP-20 at ginagamit ito para magbayad ng bayarin sa gas para sa mga transaksyon at pakikipag-ugnayan sa Smart Contract.
Kasama sa iba pang sitwasyon sa paggamit ng BNB ang pakikibahagi sa mekanismo ng consensus nito na Proof of Staked Authority sa pag-stake ng BNB at pagbabayad ng mas maliliit na bayarin sa Palitan ng Binance. Nagbe-burn din ang Binance ng ilang halaga ng token bawat quarter bilang mekanismo para sa deflation. Magpapatuloy ang mga pag-burn na ito hanggang sa umabot sa 100,000,000 BNB ang ma-burn, na kumakatawan sa kalahati ng kabuuang supply ng BNB.


Mga meme coin

Bagama't karaniwan nang hindi nagbibigay ng masyadong malaking halaga ang mga meme coin para sa mga mamumuhunan, pataas na nang pataas ang iniaalok nitong kita. Kung magdaragdag ka nito sa iyong portfolio, dapat mong malaman na mataas ang panganib nito sa mga pamumuhunan.

Dogecoin (DOGE)

Ang Dogecoin ay ginawa ni Jackson Palmer at Billy Markus noong Disyembre 2013 bilang parodiya ng mga cryptocurrency tulad ng Bitcoin. Ang blockchain nito ay pangunahing nakabatay sa gawa ng Litecoin, pero hindi compatible ang paraan nito sa consensus na Proof of Work sa mga rig ng pagmimina na SHA-256.

Kahit na isang panunudyo sa ispekulatibong katangian ng crypto ang Dogecoin, sa paglipas ng panahon, naging oportunidad ito sa pamumuhunan na may malalaking kita. Wala itong ibang gamit maliban sa pangangasiwa ng mga pagbabayad. Ginagamit ng mga online na komunidad sa Reddit at ng iba pang platform ang Dogecoin para makapagbigay ng mga tip. Tumaas nang husto ang popularidad at ang online na komunidad nito dahil sa pagtaas ng halaga nito at dahil sa mascot na Shiba Inu na patok na meme. Nagpakita rin si Elon Musk ng malaking suporta para sa proyekto, na nagpasigla sa komunidad nito, at nagpataas sa "meme" factor nito.

May orihinal na limitasyon ang Dogecoin na 100 bilyong coin, pero naalis na ngayon ang hard cap na ito. Dahil dito, naging inflationary ang coin dahil nagmimina ang mga minero ng limang bilyong bagong Dogecoin bawat taon.


Mga Stablecoin

Ang pagdaragdag ng stablecoin sa iyong portfolio ay may mga pakinabang sa liquidity at stability ng portfolio mo. Mababa ang panganib sa mga ito at magagamit rin ang mga ito sa mga produkto para makakuha ng tuloy-tuloy na passive na kita. Halimbawa, nag-aalok ang Binance Earn ng maraming paraan para i-stake ang iyong mga stablecoin at makakuha ng yield bilang kapalit. Puwede kang makinabang mula sa lahat ng property ng mga fiat currency o iba pang stable na asset na nasa blockchain. Kapaki-pakinabang din ang mga stablecoin sa mga mamumuhunan dahil sa kakayahan ng mga itong mag-hedge laban sa volatility ng presyo na tatalakayin natin mamaya.

BUSD

Ang BUSD ay isang stablecoin na sinusuportahan ng fiat na naka-peg sa US dollar na ginawa ng Binance at Paxos. Hindi tulad ng iba pang stablecoin sa merkado ng crypto, pinapanatili ng BUSD ang peg nito na may 1:1 na ratio ng US dollars na nasa isang bank account. Kinokontrol ito ng Department of Financial Services ng Estado ng New York, at may regular na pag-audit na isinasagawa sa stablecoin para matiyak na ganap itong nako-collateralize. 
Puwede kang bumili ng BUSD sa bukas na merkado ng cryptocurrency o sa pamamagitan ng pagpapadala ng USD sa Paxos, na magmi-mint naman ng bagong BUSD para sa iyo. Nag-aalok din ang Binance ng mga gateway ng fiat para sa pagbili ng stablecoin. Puwede ring i-convert ang BUSD pabalik sa dollars gamit ang parehong mga paraan. Makikita ang BUSD sa Binance Smart Chain (BSC) Binance Chain, at Ethereum.
Gumagamit ang mga trader at mamumuhunan ng BUSD para mag-lock ng mga kita, mapahusay ang liquidity, at maiwasan ang mga pagbabago-bago ng presyo na karaniwan sa mga cryptocurrency. Kapag bumibili ng crypto sa pamamagitan ng palitan ng Binance o iba pang Decentralized Exchange (DEX) ng BSC, makikita mong napakakaraniwan ng BUSD sa mga pares ng cryptocurrency. Dahil sa feature na ito, nagiging mahalaga ito para sa pamumuhunan sa iba pang BEP-20 token.

DAI

Ang DAI ay isang stablecoin na na-collateralize sa crypto na ginawa noong Disyembre 2017 na sumusubaybay sa US dollar. Isang Decentralized Autonomous Organization (DAO) na tinatawag na Maker ang namamahala sa pagpapatakbo sa token. Ang bawat DAI token ay na-overcollateralize sa crypto para mabawasan ang volatility nito at matiyak na mananatiling stable ang presyo ng DAI. 

Halimbawa, kung $3000 ang ETH, kailangan mong magbigay ng 1 ETH para sa humigit-kumulang 2000 ng DAI. Nakabatay ang kalkulasyong ito sa palagay na kailangan mo ng 1.5x para sa collateral, pero nagbabago ito ayon sa merkado. 

Kung magiging mas mababa sa isang partikular na antas ang presyo ng iyong collateral, magkakaroon ka ng bayarin o mali-liquidate ka. Nagbibigay ang maraming user ng higit na collateral kaysa sa kinakailangan para maging ligtas. Kung magiging mas mababa sa $1 ang peg, sabihin nating $0.99, puwedeng mabawi ng mga user ang kanilang collateral sa mas mababang presyo. 

Batay sa ating naunang halimbawa, ipagpalagay na kailangan nating magpalit ng 2000 DAI para sa $3000 ng ETH. Puwede nating bilhin ang DAI sa halagang $1980 sa bukas na merkado, kaya makakatipid tayo ng $20. Habang tumataas ang presyo ng DAI, lumalaki pa ang diskwentong ito. Pagkatapos, sisirain ang lahat ng na-trade na DAI, kaya nababawasan rin ang supply. Nakakatulong ang dalawang salik na ito para maiangat ulit sa $1 ang DAI. Kapag mas mataas sa $1 ang DAI, mangyayari ang kabaligtaran, nagiging mas murang mag-mint ng DAI kaya tumataas ang supply nito sa merkado.


Mga DeFi coin

Unti-unti nang nag-iisyu ang mga proyekto ng DeFi ng kanya-kanyang token para sa pamamahala, pag-stake, at pagbabahagi ng kita. Dahil magagamit ang mga ito sa maraming bagay, versatile ang mga coin at nag-aalok ang mga ito ng maraming paraan para kumita kaysa sa paghawak lang nito. Kung magpapasya kang bumili ng mga DeFi coin, madalas na maiimpluwensyahan mo ang pag-unlad ng proyekto gamit ang kapangyarihan mong bumoto.  

UNI

Ang UNI ay ang katutubong token ng Uniswap, isang Automated Market Market (AMM) at DEX sa Ethereum. Kahit na inilunsad ang Uniswap noong Nobyembre 2018, na-mint lang ang UNI token noong Setyembre 2020, na may kabuuang supply na 1 bilyong UNI. 
Walang ICO o pagbebenta ng coin, na hindi karaniwan para sa mga proyekto ng DeFi. Ipinamahagi ng platform ang 40% ng mga token nito sa mga tagapagtatag sa paglipas ng panahon, 150 milyong UNI token sa mga dating user, at ang natira ay sa mga pool ng pagmimina ng liquidity. Sikat na sikat ang modelo ng Uniswap at na-fork ito sa maraming iba't ibang blockchain.

Ang UNI ay nagbibigay sa mga may-hawak nito ng mga karapatan sa pamamahala, na nagbibigay-daan sa kanilang gumawa ng at bumoto sa mga mungkahi na bumabago sa platform. Kailangan mong magmay-ari ng kahit man lang 1% (10 milyong UNI) ng kabuuang supply para makagawa ng mungkahi. Gayunpaman, makakaboto ang sinumang may UNI kapag itinakdang magkaroon ng karapatang bumoto ang kanilang wallet. 

Tinutukoy ang kapangyarihan mo sa pagboto batay sa kung gaano karaming UNI ang hawak mo. Puwedeng kasama sa mga mungkahing ito ang mga pagbabago sa istruktura ng bayad, mga bagong pool, o pagpapalit sa bayarin sa mga protocol. Kung sapat ang dami ng mga user na sumasang-ayon sa pagpapalit ng bayarin, ang 0.05% ng lahat ng bayarin sa pag-swap ng Uniswap ay magagamit ayon sa kung anuman ang magiging pasya ng system sa pamamahala.

CAKE

Ang CAKE ay ang katutubong token ng PancakeSwap na inilunsad noong Setyembre 2020. Ang PancakeSwap ay isang AMM at DEX sa Binance Smart Chain at lubha itong naging popular. Sa katunayan, isa itong fork ng Uniswap ng Ethereum. May kumplikadong tokenomic na disenyo ang proyekto na bumabalanse sa emission ng mga bagong coin sa pag-burn ng mga lumang coin. Walang maximum na supply ang CAKE at nami-mint ito sa bawat nabubuong block. Ipinapamahagi ang mga bagong token sa mga farm, lotto, at Syrup Pool.
Regular ding nagbe-burn ng CAKE ang PancakeSwap sa pamamagitan ng isang mahabang listahan ng mga mekanismo. Halimbawa, bine-burn ng proyekto ang lahat ng CAKE na nagastos sa pag-mint ng mga NFT, 100% ng CAKE na nakalap sa Initial Farm Offerings (IFO), at 0.05% ng bawat pag-trade na ginawa sa PancakeSwap V2.

Ginagamit din ang CAKE bilang token sa pamamahala na nagbibigay-daan sa mga user na bumoto sa mga mungkahi at pagbabago sa PancakeSwap. Tulad ng karamihan sa mga platform ng DeFi, tinutukoy ang kapangyarihan sa pagboto ng isang user batay sa dami ng CAKE na hawak niya. Puwede ka ring mag-stake ng CAKE para makakuha ng higit pang reward na CAKE at token ng proyekto sa Mga Syrup Pool.


Mga pangwakas na pananaw

Ang pamumuhunan sa mga altcoin ay puwedeng maging magandang opsyon kung gusto mong i-diversify ang iyong portfolio ng crypto. Kung bago ka sa mga cryptocurrency, magandang panimula ang pagtingin sa ilan sa pinakamalalaking proyekto na binanggit dito. Kadalasan, mas maliit ang panganib sa mga cryptocurrency na may malaking market-cap kaysa sa mas maliliit at mas bagong mga proyekto. Sa kabuuan, ang pinakamagandang payo na maibibigay namin ay ang palaging magsagawa ng sariling pananaliksik sa kung anumang token o coin ka mamumuhunan.