TL;DR
Ang NFT ay isang cryptographic token na hindi maipapapalit sa kauri nito. Lubos na natutukoy ang pagkakaiba ng mga token na ito sa isa't isa at natatangi at limitado ang dami ng mga ito.
Magagamit ang mga NFT para kumatawan sa mga item sa totoong buhay sa blockchain, pero magagamit din ang mga ito para sa mga digital collectible. Ang digital na pagkakakilanlan at ang metaverse ay iba pang sektor na makakagamit ng mga NFT.
Pinasikat ang mga NFT sa mainstream na kultura bilang bagong anyo ng digital art. Gayunpaman, mayroon din itong mga potensyal na gamit sa maraming iba't ibang larangan, gaya ng mga video game, digital na pagkakakilanlan, paglilisensya, mga certificate, o fine art – at pinapayagan din nito ang fractional na pagmamay-ari ng mga item.
Panimula
Mahalaga sa pag-unawa sa pagiging natatangi ng mga NFT ay ang konsepto ng fungibility. Halimbawa, fungible ang Bitcoin, tulad na lang ng mga dollar bill, ibig sabihin, bawat bitcoin o isang daang dollar bill ay magkapareho ng halaga at mga katangian. Samakatuwid, tumutukoy ang fungibility sa katangian ng isang asset na may mga indibidwal na unit na napagpapalit at hindi natutukoy ang pagkakaiba sa isa't isa; fungible ang lahat ng fiat currency at cryptocurrency.
Inilalabas ng non-fungible token ang iba't ibang potensyal at mapaggagamitan para sa teknolohiya ng blockchain. Ang mga token na ito ay puwedeng natatangi, o may limitadong supply. Puwede itong bilhin, ibenta, at i-trade sa ilang partikular na marketplace ng NFT, at makaipon ng halaga. Puwede rin itong kumatawan sa mga natatanging attribute at maging napakahalaga, pagkaguluhan, at kolektahin.
Naging napakasikat ng mga NFT sa mundo ng crypto, pati na sa mainstream, dahil pati mga high-profile celebrity ay bumibili na nito. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang mga NFT, kung saan magagamit ang mga ito, at kung paano naging mainstream phenomenon ang mga ito.
Ano ang NFT?
Ang non-fungible token (NFT) ay isang uri ng cryptographic token sa isang blockchain na kumakatawan sa isang natatanging asset. Puwedeng ito ay mga ganap na digital o tokenized na bersyon ng mga asset sa totoong buhay. Dahil hindi napagpapalit ang mga NFT sa isa't isa, puwedeng gumana ang mga ito bilang patunay ng authenticity at pagmamay-ari sa digital na mundo.
Ang ibig sabihin ng fungibility ay napagpapalit ang mga indibidwal na unit ng isang asset at hindi matutukoy ang pagkakaiba ng mga ito sa isa't isa. Ang pagiging fungible ay isang kanais-nais na katangian para sa isang currency dahil nagbibigay-daan ito sa malayang palitan, at sa teorya, walang paraan para malaman ang kasaysayan ng bawat indibidwal na unit. Gayunpaman, hindi iyon kapaki-pakinabang na katangian para sa mga collectible item.
Paano kung puwede tayong gumawa ng mga digital asset na katulad ng bitcoin pero sa halip ay magdaragdag tayo ng natatanging identifier sa bawat unit? Dahil dito, maiiba ang bawat isa sa mga ito sa lahat ng iba pang unit (ibig sabihin, non-fungible), kaya naman magkakaroon ng maraming iba't ibang bagong mapaggagamitan. Sa madaling salita, ito ang NFT.
Paano gumagana ang mga NFT?
May iba't ibang framework para sa paggawa at pag-isyu ng mga NFT. Ang pinakasikat sa mga ito ay ERC-721, na isang pamantayan para sa pag-isyu at pag-trade ng mga non-fungible na asset sa blockchain ng Ethereum.
Nagkaroon na ng iba pang pamantayan, gaya ng ERC-1155. Nagbibigay-daan ito para maglaman ng mga fungible at non-fungible token ang iisang kontrata, na nagbibigay ng bagong hanay ng mga posibilidad. Nagbibigay-daan ang pag-standardize sa pag-isyu ng mga NFT sa mas mataas na antas ng interoperability, na sa huli ay mapapakinabangan ng mga user. Sa madaling sabi, ang ibig sabihin nito, madaling maililipat-lipat ang mga natatanging asset sa iba't ibang application.
Ang BNB Chain ay may mga sariling pamantayan sa NFT: ang BEP-721 at BEP-1155. Nagbibigay ang dalawang ito ng katulad na functionality sa mga naunang nabanggit na pamantayan ng Ethereum. Naging nakakahikayat na ang dalawa para sa mga creator na gustong mag-mint ng mga NFT dahil di-hamak na mas mababa ang gastos kaysa sa Ethereum.
Tulad na lang ng iba pang blockchain token, nasa isang address ang iyong NFT. Dapat tandaan na hindi magagaya o maililipat ang mga NFT nang walang pahintulot ng may-ari – kahit ng nag-isyu ng NFT. Kung gusto mong mag-store at magkaroon ng lugar kung saan mo matitingnan ang iyong NFT, magagawa mo iyon sa isang NFT-enabled wallet gaya ng Trust Wallet.
Puwedeng i-trade ang mga NFT sa mga bukas na marketplace, kasama na ang mga platform ng NFT ng Binance, ang BNB Chain-based na BakerySwap, at ang OpenSea sa Ethereum. Siyempre, malamang na magbago ang presyo ng mga NFT bilang tugon sa supply at demand sa merkado, pati na rin sa mga trend sa kultura kung saan nauugnay ang ilan sa mga NFT.
Pero paano nagkakaroon ng halaga ang mga ganitong bagay? Tulad na lang ng anupamang mahalagang item, hindi likas ang halaga sa mismong bagay, pero itinatalaga ito ng mga taong nagtuturing ditong mahalaga. Samakatuwid, ang halaga ay magmumula sa sama-samang paniniwala. Hindi na mahalaga kung ito ay fiat money, mga precious metal, o sasakyan – may halaga ang mga bagay na ito dahil naniniwala ang mga tao na may halaga ang mga ito. Ganito nagiging mahalaga ang bawat mahalagang item, kaya bakit hindi ang mga digital collectible?
Para saan puwedeng gamitin ang mga NFT?
Magagamit ang mga NFT bilang mga collectible item, produkto sa pamumuhunan, o puwedeng gamitin ang mga ito sa maraming layunin.
Lumabas ang online gaming bilang isang pangunahing mapaggagamitan ng mga non-fungible token. Hindi na bago ang mga ekonomiya sa gaming. At dahil maraming online game ang mayroon nang mga sariling ekonomiya, isang dagdag na hakbang lang ang paggamit ng blockchain para i-tokenize ang mga asset sa laro. Posibleng malutas o makontrol ng paggamit ng mga NFT ang karaniwang problema ng inflation na problema sa maraming laro.
Bagama't namamayagpag na ang mga virtual na mundo, isa pang kapana-panabik na gamit ng mga NFT ay ang tokenization ng mga asset sa totoong buhay. Puwedeng kumatawan ang mga NFT na ito sa mga bahagi ng mga ari-arian sa totoong buhay na puwedeng i-store at i-trade bilang mga token sa isang blockchain. Puwede itong magdala ng kailangang-kailangang liquidity sa maraming merkado na wala masyado nito, gaya ng fine art, real estate, mga rare collectible item, at marami pang iba.
Ang digital na pagkakakilanlan ay isa ring sektor na puwedeng makinabang sa mga katangian ng mga NFT. Kapag na-store ang data ng pagkakakilanlan at pagmamay-ari sa blockchain, madaragdagan ang privacy at integridad ng data para sa maraming tao sa buong mundo. Gayundin, sa mga paglilipat ng mga asset na ito sa paraang madali at hindi nangangailangan ng tiwala, posibleng mabawasan ang hindi pagkakasundo na nauugnay sa pagbabahagi ng personal na data.
Paano ako gagawa ng mga NFT?
Ang paggawa ng mga sarili mong NFT ay isang simpleng prosesong iniaalok ng maraming platform at palitan ng NFT. Ang kailangan mo lang para makapagsimula ay ilang crypto na pambayad sa iyong pag-mint at isang bagay na gagawing NFT. Kakailanganin mo ring mamili sa pagitan ng pag-mint ng iyong NFT sa Ethereum o sa BNB Chain.
Tradisyonal na sa Ethereum mahahanap ang mga NFT at dito rin binubuo ang mga ito. Mayroon itong malaking user base at matatag na komunidad ng NFT, pero napakamahal ng bayarin sa transaksyon. Dahil dito, mahal para sa mga user ang maliliit na pagbili, pagbebenta, at transaksyon. Ang BNB Chain ay isang mas bagong blockchain pero malaki na ang naging paglago nito sa mga merkado nito ng NFT. Di-hamak ding mas mura ang mga transaksyon sa BNB Chain kaysa sa blockchain ng Ethereum.
Sa aming gabay kung Paano Gumawa ng Mga Sarili Mong NFT, matututuhan ang proseso kung paano gawing mga non-fungible token ang mga gawa mo.
Kasikatan ng NFT
Ang isa sa mga unang proyekto ng NFT na nakakuha ng makabuluhang pag-usad ay ang CryptoKitties, isang laro na binuo sa Ethereum na nagbibigay-daan sa mga manlalaro na mangolekta, mag-breed, at makipagpalitan ng mga virtual na pusa.
Medyo nakilala ang CryptoKitties pagkatapos nitong ma-congest ang blockchain ng Ethereum dahil sa maraming aktibidad na nilikha nito sa network. Tinatayang 25% ng trapiko ng Ethereum noong Disyembre 2017 ang nauugnay sa mga collectible na pusang ito.
Gayunpaman, umabot na sa mas malalawak na merkado ang kasikatan ng mga NFT, dahil nagmay-ari lahat ng NFT mula sa The Bored Ape Yacht Club ang mga tulad nina Eminem, Jimmy Fallon, Steph Curry, Post Malone, at marami pang ibang celebrity.
Habang mas tumindi pa ang kasikatan ng mga NFT, record-breaking na $69 milyon ang binayaran para sa Everydays: the First 5000 Days, na isang NFT na ginawa ng digital artist na si Beeple, sa Christie's Auction House noong Marso 2021.
Posible na ang mga mapaggagamitan ng mga NFT na nauugnay sa digital art ang pinakanakatawag ng pansin ng mga celebrity at ng mainstream media sa ngayon. Gayunpaman, patuloy na nakakatuklas ng mga mapaggagamitan para sa versatile na uri ng asset na ito, at malamang na magkaroon ang mga non-fungible token ng marami pang mahahalagang gamit sa hinaharap.
Paano ako bibili ng NFT?
Gaya ng nabanggit, sa mga marketplace ng NFT ka dapat unang tumingin kung gusto mong bumili ng mga non-fungible token. Pero hindi lang iyon ang kailangan mong impormasyon. Hindi ka puwedeng basta na lang bumili ng mga NFT gamit ang credit card o PayPal. Mahalaga sa proseso ang crypto wallet at ilang crypto.
Para sa mga NFT sa BNB Chain, halos laging nasa BNB ang mga presyo. Karaniwang ether (ETH) ang gagamitin ng mga NFT sa Ethereum. Ang dalawang cryptocurrency na ito ay parehong available na bilhin sa palitan ng Binance. Kapag nabili mo na ang napili mong crypto, ilipat ang mga pondo sa isang wallet na magagamit sa mga marketplace ng NFT.
Ang Binance Chain Wallet at MetaMask ay mga mainam na opsyon para sa mga browser extension wallet. Pareho itong puwedeng ikonekta sa isang marketplace ng NFT. Kailangan mo lang ilipat ang iyong crypto mula sa Binance papunta sa wallet mo, pumunta sa website ng marketplace, at ikonekta ang iyong wallet (karaniwang nasa kanang sulok sa itaas ang button para sa pagkonekta). Mag-ingat sa mga peke o kahina-hinalang website. I-double check ang URL at pag-isipan itong i-bookmark kung madalas mo itong ginagamit.
Kung mas gusto mo ng karanasan sa mobile, tingnan ang Trust Wallet. Available ito sa iOS at Android at sumusuporta rin ito sa maraming blockchain.
Mga pangwakas na pananaw
May potensyal ang mga digital collectible na mapalawak ang utility ng teknolohiya ng blockchain nang higit pa sa mga kumbensyonal na gamit sa pananalapi. Sa pamamagitan ng pagkatawan sa mga pisikal na asset sa digital na mundo, ang mga NFT ay posibleng maging napakahalagang bahagi ng ecosystem ng Web at ng mas malaking bahagi ng ekonomiya sa nalalapit na hinaharap.
Maraming iba't ibang mapaggagamitan ang mga NFT, at malaki ang posibilidad na makakaisip ang maraming developer ng mga bago at kapana-panabik na inobasyon para sa teknolohiyang ito na puno ng potensyal.